Kinilabutan ang Lalaki nang Malaman Kung Saan Galing ang Malakas na Tunog Tuwing Gabi sa Bakanteng Gusali

Nag apply si Jerome bilang security guard sa isang abandonadong gusali sa may Quezon City. Matagal na itong itinayo, ngunit hindi natapos. Hindi niya alam ang rason at wala naman din sinabi sa kanya ang may ari kung bakit hindi na ito itinuloy na gawin.

Pang-umaga ang iskedyul ni Jerome sa pagbabantay at pang gabi naman ay ang lalaking nagngangalang Jojo. Sa unang araw ng trabaho ay wala naman naging problema sa pang-umagang tungkulin si Jerome.

Ang kailangan lang naman nilang bantayan doon ay ang mga bakal at iba pang materyales na pwedeng nakawin, kaya magaan lang naman ang pang-umagang trabaho. Makalipas ang isang linggo, ay nakiusap si Jojo, na makipagpalit na ng iskedyul ng duty sa kay Jerome.

“Tol, baka pwedeng panggabi ka muna,” haplit na pakiusap ni Jojo, “nahihirapan kasi ako magbantay pag gabi, tsaka yung nanay ko may sakit kasi.”

“Takot ka lang ata mag-isa dito ‘tol, kaya ayaw mo ng pang gabi eh,” natatawang tugon ni Jerome.

“Nakakatakot talaga pag gabi dito ‘tol, pero magdala ka na lamang ng headphones para may napapakinggan ka naman,” seryosong sagot ng lalaki.

“Siya nga pala ‘tol, ano bang iniinom mo tuwing gabi? Lagi kasing may mantsa na parang natuyong tsokolate sa may tapat. Ako palagi ang naglilinis sa umaga,” tanong niya.

“Wala ‘tol. Wala naman akong iniinom na kahit ano kundi tubig lang,” sagot naman ni Jojo.

Advertisement

Umiling na lamang si Jerome. Pumayag naman siyang makipagpalit ng oras ng duty. Mas malaki naman ang sweldo pag pang gabi ang iskedyul.

Unang gabi niya sa pababantay. Sobrang tahimik lamang ng paligid, tanging maingay ng kuliglig lamang ang maririnig.

Nanonood sa cellphone noon si Jerome nang may biglang malakas na tunog ang bumulabog sa kanya.

“Blaaaag!” tunog na para bang may bumagsak na kung ano.

Agad na napatayo naman si Jerome at hinanap kung ano ito. Baka kasi isa itong magnanakaw. Pumunta siya sa ikalawang palapag upang tignan kung ano ito, ngunit wala namang tao doon.

Inakyat niya ang bawat palapag hanggang sa makarating sa ika-anim, pero wala pa rin siyang makita naman na tao. Habang naglalakad pababa ay bigla na naman umalingawngaw ang tunog na kanyang narinig kanina.

“Blaaaag!”

Tumakbo siya pababa upang tignan kung ano yung nahulog, ngunit wala talaga siyang makita. Kinabukasan ay itinanong ni kay Jojo, kung mayroon din itong naririnig na kung anong ingay noon.

Advertisement

“Tol, nung ikaw ba yung nagbabantay eh nakakarinig ka ng tunog na parang may malaking bagay na bumagsak sa lupa?” pag-uusisa niya.

“Oo, tol. Pero hindi ko na hinahanap, hinahayaan ko na lamang, kasi natatakot ako na baka kung ano yung tunog na yun,” pag-amin naman ng isang gwardiya.

“Eh paano kung magnanakaw pala yun? Eh ‘di nasisante ka pa,” tugon naman ng lalaki.

“Mas mahalaga ang buhay natin ‘tol kaysa sa mga bakal na pwedeng nakawin dito, at saka ang taas ng gusali para akyatin ko pa,” seryosong sagot naman ni Jojo.

Lumipas pa ang ilang gabi ngunit, palagi itong naririnig ni Jerome. Ilang beses itong nauulit sa loob ng magdamag. Pinili na lamang niyang huwag pansinin ito, dahil sa tuwing hinahanap niya kung ano ito at saan nanggagaling, wala siyang nakikita na kahit ano.

“Blaaaag” isang malakas na tunog na naman ang kanyang narinig.

Minabuti niyang umalis muna sa may gusali at umupo sa lugar malapit dito. Nagsindi siya ng sigarilyo at pinagmasdan ang gusali mula sa malayo.

“Nakakatakot palang tignan ang building na ‘to pag gabi,” wika niya sa sarili.

Advertisement

Humithit siya ng sigarilyo at saka binuksan ang cellphone upang manood ng pelikula na inilagay niya doon, ngunit isang malakas na tunog na naman ang bumulabog sa kanya.

Mula sa kalayuan ay tinignan muli niya ang gusali, pagbuga niya ng usok at nakita niyang may kung anong nahuhulog mula sa ikalimang palapag. Kinusot niya ang mata upang makasigurado sa nakita.

Kasabay ng pagbagsak sa sahig at ang tunog na palagi niyang naririnig pag gabi.

“Blaaaaag!”

Tumayo siya at agad na tumakbo papunta sa harapan ng gusali kung saan nakita niyang may bumagsak, ngunit pagdating niya doon ay wala naman siyang nakita. Napakamot na lang siya ng ulo at napaisip.

Muli siya naglakad pabalik kung saan siya nakaupo kanina. Tinanaw muli niya ang madilim na gusali at napaisip kung ano ang kanyang nakita. Nag-unat siya saglit at humikab. Hindi niya alam kung bakit, ngunit bigla niyang naibaling ang tingin sa ika-limang palapag ng gusali.

Nanlaki ang kanyang mata nang makitang may babaeng nakadungaw sa may ika-limang palapag ng gusali. Ang lalo pang nagpakilabot sa kanya ay nakatingin ito sa direksyon kung saan siya nakaupo.

Tumakbo siya papunta sa may unahang ng gusali at sumigaw, “Sino ka? Delikado diyan, miss!” ngunit hindi pa rin umaalis ang babae sa kinatatayuan nito.

Advertisement

Nasa ikatlong palapag na siya ng kanyang marinig na naman ang malakas na tunog na tila ba ay may bumagsak na naman. Kaya lalo siyang nagmadaling umakyat. Nang makarating sa ika-limang palapag ay nakita niya ang babae na nagpapatihulog sa bukas na terasa ng gusali.

“Sandali! Huwag!” sigaw ni Jerome habang tumatakbo papalapit sa babae, ngunit huli na siya. Narinig na lamang niya ang isang malakas na tunog na katulad na katulad ng naririnig niya gabi-gabi.

Agad niyang sinilip ang babaeng nahulog, nakita niyang gumagalaw pa ito, kaya nagmadali siyang tumakbo para bumaba, ngunit sumabit ang kanyang paa sa isang laso. Nang kanyang tinatanggal ang ito ay nakita niya ang isang ID ng estudyanteng babae at litrato ng lalaki sa tabi nito.

Pinulot niya ang ID at litrato, ngunit dahil madilim ay hindi niya maaninangan kung sino ang nasa litratong hawak niya. Nagmadali na siyang tumakbo pababa. Nang makarating doon ay nakita niya ang katawan ng isang babae na duguan.

“Saglit lang miss, tatawag ako ng tulong,” saad niya. Tumakbo siya sa labas at doon humingi ng tulong, ngunit wala nang katao-tao ng oras na iyon.

Buti na lamang at may dumaang mga tanod na rumoronda, kaya agad niya itong hinarang at humingi ng tulong.

“Mga boss, tulungan ninyo po ako, may babaeng nahulog mula sa gusali!” nagmamadali niyang sabi.

Agad naman tumakbo papunta doon ang dalawang tanod, ngunit ng makarating sila sa lugar ay walang babae doon, tanging marka lamang ng tila ba natuyong dugo.

Advertisement

“Sinsayang mo naman ang oras ko eh!” galit na sigaw ng isang tanod, saka ito tumalikod at umalis.

Naiwan naman ang isang tanod at kinausap siya, “brad, bago ka lang ba dito?” tanong nito.

“Oho, bakit ninyo natanong?”

“Nung isang taon kasi, nagkaroon ng krimen dito. Isang estudyante ang hinarang ng limang manggagawa, at dinala sa gusaling ito. Pinilahan nila ang dalaga at saka salit-salitang hinalay.

Sumuko ang tatlo, tapos nahuli naman ang isa, pero walang makapagturo kung nasaan yung lalaking nagtulak sa dalaga mula sa itaas ng gusali. Kahit ang may ari ay hindi kilala ang mga trabahador niya, kasi kung saan-saan lamang daw ito kumuha ng mga manggagawa.

Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ang isang lalaki. Marahil iyon ang dahilan kung bakit nagpaparamdam pa rin ang babaeng nakita mo.” Kwento ng isang tanod.

Nangilabot naman si Jerome sa narinig. Tinignan niya ang ID na hawak pati ang litrato, “sir, baka makakatulong po ito?” at saka niya inabot ang mga ito sa lalaki.

Nung oras na iyon ay nagtungo sila sa munisipyo upang i-ulat ang mga pwedeng pruweba na makapagtuturo sa isa pang suspek, pero ikinagulat niya ng makita ang litrato sa maliwanag na ilaw.

Advertisement

“S-si Jojo ito ah?” malakas na pagkakasabi niya.

Kinabukasan ay ipinatawag ng mga pulis si Jojo, dahil tinukoy din ng iba pang sangkot sa krimen na si Jojo nga ang huling lalaking hinahanap nila. Siya ang nagtulak sa babae mula sa ika-limang palapag.

Noong una’y ayaw pa nitong umamin, ngunit kalaunan ay inamin din ang karumal-dumal na ginawa nila sa estudyanteng babae noon. Hindi na bumalik si Jerome sa gusali. Nagpaalam siya sa may ari na hindi na siya doon magtatrabaho dahil sa mga nakakakilabot na nasaksihan niya.

May mga balita na simula daw na noong mahuli ang huling suspek ay natigil na raw ang pagpaparamdam ng babae. Wala na ring tunog na malakas tuwing gabi, dahil marahil daw ay nahanap na lahat ng kumitil sa babae. Nagkaroon na din ng hustisya ang kanyang pagpanaw.