Ang Nakahihindik na Sikreto ni Renato

Dumating na rin sa wakas sa bagong bahay na lilipatan ang mag-anak na Arroyo. Matapos ang halos dalawang oras na paglalakbay, nasilayan na rin nila ang sorpresa ng padre de pamilya na si Renato. Dalawang palapag na bahay ang ipinagawa at ipinatayo nito sa bakanteng loteng na nabili niya, katas ng kanyang tatlong taong paghahanapbuhay sa ibayong dagat.

“Wowwww…. Papa… sa atin po ba talaga ito?” namimilog ang mga mata ni Chelsea, ang kaisa-isang anak na babae, 14 na taong gulang.

“Oo, anak. Nagustuhan mo ba?” masayang sabi ni Renato sa kanyang anak.

“Bunga iyan ng kasipagan ng papa mo, anak,” nakangiting sabi ni Lena, ang asawa ni Renato at ina ni Chelsea.

At pumasok na nga sa loob ng bagong gawang bahay ang mag-anak.

Fully-furnished na rin ang loob ng bahay. Tatlo ang silid. Ang isa ay para kay Chelsea, ang isa ay para sa kanilang mag-asawa, at ang isa naman ay para sa mga nais bumisita.

Namuhay na nga ng tahimik sa bagong bahay nila ang pamilya Arroyo. Sa ilang linggo ay masaya sila. Subalit sa pagsapit ng ikalawang linggo, laging nakararamdam ng pananakit ng katawan si Renato, lalo na tuwing sasapit ang alas tres ng madaling-araw. Para bang may nakadagan sa kanyang balikat. Parang may nakakapit. Kumonsulta sila sa espesyalista, subalit walang makitang mali ang doktor sa kanyang x-ray.

“Pa, baka mas makabubuting kumonsulta na tayo sa isa pang option…” sabi ni Lena sa asawa.

Advertisement

“Anong option?” Tanong ni Renato.

“Kumonsulta tayo sa isang albularyo. Nakalimutan nating pabendisyunan ang bahay…”

Hindi man naniniwala sa mga ganoong bagay, sinunod pa rin ni Renato si Lena. May kakilala itong albularyo, si Ba Inten. Siniguro muna nilang nasa eskwela si Chelsea bago nila inimbitahan ang matanda sa kanilang bahay.

Pagkakita ni Ba Inten kay Renato, napaurong ito.

“Bakit ho?” takang tanong ni Lena sa albularyo.

“Nakikita ko… may nakayakap na masamang espiritu sa iyong asawa… kaya mabigat ang kanyang pakiramdam. Naroon siya’t nakayakap sa likod ng iyong asawa!”

Tumindig ang mga balahibo ni Lena. “A- Anong gagawin natin?”

“Hindi malinaw sa akin ang hitsura ng masamang espiritu. Kailangang magtawas tayo.”

Advertisement

Sa pamamagitan ng kandila, tubig, at apoy… unti-unti na ngang lumabas ang dibuho ng isang espiritu. Isang babaeng may mahabang buhok.

“S- sino siya?” tanong ni Lena kay Ba Inten.

“Nakikilala mo ba siya?” tanong ni Ba Inten kay Renato. Nang makita ni Renato ang dibuho ng babaeng espiritu, tinakasan ng kulay ang kanyang mukha. Pinagpawisan siya nang husto. At lalong nanakit ang kanyang balikat. Hindi sumagot si Renato. Napangiwi siya sa sakit. Parang pinipiga ang kanyang hinihinga. Parang pinahihinto ang kanyang puso sa pagtibok.

“Nariyan pa rin ang masamang espiritu sa iyong balikat. May nais siyang sabihin…” sagot ni Ba Inten.

Nagulat na lamang si Lena nang biglang mapatimbuwang si Renato at mawalan ng malay.

“Renato! Renato! Gumising ka!!! Anong nangyayari?” naiiyak na sabi ni Lena. Agad niyang dinaluhan ang asawa.

Nahindik na lamang si Lena nang biglang bumangon si Renato, at nanlilisik ang mga matang humarap sa kanya. Nagsalita ito sa tinig ng isang babae.

“Ang asawa mo… may tinatagong sikreto! Sa akala mo ba’y tapat siya sa iyo? Pwes, nagkakamali ka!!! Akin dapat ang bahay na ito! Kami dapat ang magkasama, hindi kayo! Pero pinat*y niya ako… kinitil niya ang buhay ko!” Humalakhak si Renato sa tawa na tila nababaliw, subalit isinaboy ni Ba Inten ang agua bendita sa kanya, at sa isang orasyon na nasa wikang Latin ay pinaalis nito sa pagkakasanib kay Renato ang babaeng espiritu. Pagkaraan, ipinulupot ni Ba Inten ang magkakadikit na bawang sa leeg ni Renato upang hindi na makabalik ang espiritu.

Advertisement

Nang mahimasmasan si Renato, umiiyak na kinumpronta ito ni Lena. Sinabi niya rito ang naging litanya ng sumanib sa kanya. Nang marinig ito ni Renato, humagulhol ito, nilapitan si Lena, at niyakap ito.

“Patawarin mo ako, Lena… patawarin mo ako,” humahagulgol na sabi nito.

“Anong nangyari? Maging tapat ka sa akin!” untag ni Lena kay Renato.

“Ang babaeng sumanib sa akin… ang babaeng nakadagan sa balikat ko… siya si Emily. Nakilala ko siya sa Abu Dhabi. Nagkaroon kami ng relasyon. Hindi ko sinasadyam, Lena! Labis akong nangulila sa inyo ni Chelsea. Pumasok ako sa isang bagay na hindi ko pinag-isipan…” tumatangis na pag-amin ni Renato. Hindi makapaniwala si Lena sa kanyang naririnig.

“Umuwi kami rito sa Pilipinas nang sabay. Dito kami tumuloy. Oo, Lena. Hindi totoong binili ko ang bahay na ito. Hindi totoong sorpresa ko ito sa inyo’t matagal kong sinikreto ang pagpapagawa. Si Emily ang may-ari ng bahay na ito. Nagkaroon kami ng pagtatalo, hanggang sa makitil ko ang buhay niya… nap*tay ko siya…. nalaman ko na isa pala siyang mangkukulam,” pag-amin ni Renato.

“At nagbabalik ang kaluluwa ni Emily upang maghiganti sa iyo, Renato. Matatahimik lamang ang kaluluwa niya kung makakamit niya ang hustisya. Nais niyang mailibing. Saan mo itinapon ang kanyang katawan?” sabat ni Ba Inten.

Naninikip man ang dibdib, itinuro ni Renato ang isang maliit na pinto sa ilalim ng hagdanan. Ngayon lamang iyon napansin si Lena.

“Sa basement… naroon ang kanyang katawan.”

Advertisement

Ginawa ni Lena ang lahat ng kanyang makakaya upang mailabas ang mga labi ni Emily sa ilalim ng basement ng bahay at tuluyan itong naipalibing. Nagsampa rin siya ng kaso laban sa kanyang asawang si Renato dahil sa ginawa nitong panloloko, gayundin ang pagpaslang kay Emily. Ginawa niya ito hindi dahil wala na siyang pagmamahal para sa asawa, kundi para maituwid ang pagkakamali nito. Nahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo si Renato.

Sa kulungan, nagkausap sina Renato at Lena. Sising-sisi siya sa kanyang ginawa. Pinatawad ni Lena ang asawa, at umalis sa bahay ni Emily. Nangupahan na lamang siya kasama ang anak na si Chelsea, at hinarap ang panibagong buhay na wala ang kanyang asawa.