Pinagtawanan ng Binata ang dati Nilang Valedictorian nang Ito ang Mag-deliver sa Kaniya ng In-order na Pagkain; Kahihiyan Pala ang Kaniyang Aabutin

Dali-daling lumabas mula sa kaniyang kwarto si Nicolo nang marinig ang tunog ng kanilang door bell. Mukhang nariyan na ang pagkaing in-order niya sa isang mamahaling restaurant na malapit lang sa kaniyang tinitirahan. Na-promote sa trabaho si Nicolo kahapon bilang team leader sa departamentong pinagtatrabahuhan niya sa isang kompanya kaya naman ngayon ay gusto niyang i-treat ang kaniyang sarili.

“Delivery po!” pambungad na anang delivery man nang buksan na sa wakas ni Nicolo ang pintuan ng nirerentahan niyang apartment sa isang building. Ngunit agad na napakunot ang kaniyang noo nang makilala kung sino ang nasabing delivery man.

“Sandali… hindi ba at ikaw si Jerome? ’Yong valedictorian ng batch natin noong highschool?!” gulat at nanlalaki ang mga matang tanong ni Nicolo.

“Oo, ako nga. Ikaw? Ikaw ba si Nicolo?” balik-tanong naman nitong tila narerekognisa rin ang kaniyang mukha!

“Ako nga, pare! Long time no see, a!” tatawa-tawang ani Nicolo. Iniisip kasi niya na malamang na nagtataka ito kung bakit ang katulad niyang kilala noon bilang isang teacher enemy number one ay nakatira na ngayon sa isang magarang building! Habang ito, na siyang pinakamatalino sa buong batch nila noon ay isang hamak lamang na delivery guy ngayon!

Pansin ni Nicolo na napakunot ang noo ni Jerome nang mapansing napapangisi siya habang pinagmamasdan ito mula ulo hanggang paa. Hindi man lang kasi pinagkaabalahan ni Nicolo na itago ang pang-iinsulto sa kaniyang mga mata.

“Pare, no offense, ha? Pero ano’ng nangyari sa ’yo? Bakit nauwi ka lang sa pagiging isang delivery guy, samantalang isa ka sa pinakamatalino noong highschool? Ano, naubusan na ba ng laman ang utak natin ngayon?” humahalakhak na tanong ni Nicolo sa dating kaklase. “Alam mo ba? Nagtatrabaho na ako ngayon sa isang magandang kompanya. Bukod doon ay na-promote din ako kahapon. Alam mo, kung kailangan mo ng malilipatang trabaho, pwede kitang tulungan, pare,” sabi pa ni Nicolo na patuloy sa pangmamaliit sa katauhan ni Jerome sa sarili niyang paraan.

“Naku, wala naman sigurong masama sa pagiging isang delivery guy. Marangal namang trabaho ito. Sa totoo lang, dito ako nagsimula kaya naman kahit ngayon ay ginagawa ko pa rin ’to. Sa totoo lang, napakalaki ng pakinabang ng mga delivery man, lalo na sa panahon ngayon. Dahil sa kanila, napapadali ang trabaho ng kahit sino kaya naman sa tingin ko, hindi dapat sila iniinsulto,” deretsahang sagot naman ni Jerome kay Nicolo, na muli, ay natawa lang sa narinig mula sa kaniya.

Advertisement

“Bakit? Nainsulto ka ba? Pasensya ka na, pero totoo lang ang sinabi ko. Alam mo bang kung ikukumpara ka sa akin ngayon ay walang mag-aakala na ikaw ang pinakamatalino noong batch natin? Sa totoo lang, kahit ’yon ay nagsisimula ko nang pagdudahan.” Umiling-iling pa si Nicolo bago bumuntong hininga at tinapik sa balikat si Jerome.

Magsasalita pa sana si Nicolo nang bigla na lang may tumawag sa pangalan ni Jerome mula sa kaniyang likuran.

“Sir Jerome!” kumakaway na bati ng guwardiya ng building kung saan siya nagrerenta ng apartment. Gumanti naman ng pagkaway si Jerome dito na ipinagtaka ni Nicolo.

“Sir Jerome?” patanong na aniya sa guwardiya. Ibinaling nito ang tingin sa kaniya at agad siyang sinagot.

“Oo, si Sir Jerome. Hindi mo ba siya kilala?” Umiling si Nicolo bilang sagot sa tanong na iyon ng guwardiya. “Siya ang may-ari ng building na ito, Nicolo,” dagdag pa nito na talagang ikinagulat ni Nicolo. Nanlaki ang kaniyang mga mata at halos malaglag ang kaniyang panga sa pagnganga!

“Pati nga ’yang restaurant na in-order-an mo, siya rin ang may-ari, e!” tila proud pang anang walang kaalam-alam na guwardiya.

Halos manigas naman si Nicolo sa kaniyang kinatatayuan. Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig at tila ba umurong ang kaniyang dila dahil sa sobrang kahihiyan!

Ngunit hindi lang iyon… dahil muling nagpatuloy ang guwardiya sa pagsasalita. “At alam mo ba, Nicolo, maging ’yong kompanyang pinagtatrabahuhan mo ay pagmamay-ari ng pamilya nila. Iyon nga lang ay pinatatakbo ’yon ng kapatid ni Sir Jerome na si Ma’am Jeremy!”

Advertisement

Gusto nang umiyak ni Nicolo sa labis na kahihiyang kaniyang nadarama nang mga sandaling ’yon. Nahiling niyang sana ay lamunin na siya ng lupa nang mga sandaling iyon. Ano itong ginawa niya? Ininsulto niya ang kapatid ng kaniyang boss! Ngayon ay may posibilidad siyang matanggal sa trabaho sa isang pitik lang ng daliri ng taong ininsulto niya kanina.

“P-pasensiya ka na, pare! Gutom lang ‘to kaya kung anu-anong nasasabi ko. O siya sige, kakain na ko,” bubulol-bulol na sambit ni Nicolo sabay kuha sa pagkaing idineliver sa kaniya.

Sising-sisi si Nicolo sa kaniyang ginawa at siguradong hindi niya malilimutan ang leksyong itinuro sa kaniya ngayon ng tadhana. Pangako niya sa sarili’y hinding-hindi na siya mangmamata ng kapwa.