Nagtrabaho sa Maynila ang Ama Upang Matustusan ang Kaniyang Pamilya sa Probinsiya; Imbes na Mapaayos ay Napasama Pa ang Kanilang Kalagayan

Nagtrabaho sa Maynila ang Ama Upang Matustusan ang Kaniyang Pamilya sa Probinsiya; Imbes na Mapaayos ay Napasama Pa ang Kanilang Kalagayan

FamilyHeartbreakingStories

Masaya at maayos ang pagsasama ng mag-asawang sina Lusia at Herman kasama ang kanilang mga anak sa probinsya. Nang mas lumaki ang kanilang pamilya sa pagsilang ng ika-lima nilang anak ay nagtrabaho sa Maynila si Herman upang mas matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Habang si Lusia naman ay naglalako ng mga kakanin malapit sa paaralan ng kaniyang mga anak upang makatulong sa asawa.

Noong umpisa ay maayos ang lahat. Pagkauwi ni Herman linggo-linggo ay parati siyang may dala-dalang mga pasalubong at ang kaniyang sahod ay agad niyang iniaabot kay Lusia. Ngunit nung nagtagal ay unti-unti nang nagbago si Herman. Lumiit ang sahod na iniaabot niya sa kaniyang asawa at naging madalas na ang pag-uwi niya sa probinsiya nang nakainom hanggang sa parati na itong umuuwi nang lasing na lasing at madalas na nagwawala sa kanilang bahay.

Nang nawalan ng trabaho si Herman sa Maynila ay nanatili na siya sa probinsiya ngunit hindi na nawala ang kaniyang bisyo sa pag-iinom. Halos gabi-gabi ito kung makapag-inuman sa kaniyang mga kumpare at sa tuwing umuuwi ito ng bahay ay hindi lang ito nagwawala. Ngayon ay parati niya nang napag-iinitang saktan si Lusia na tila ba’y ginawa niya nang punching bag.

May mga pagkakataon na hindi na ito kinakaya ni Lusia kaya naman nung minsan ay nag-alsa balutan siya kasama ang kanilang mga anak. Handa na silang umalis nang makita ito ni Herman at bigla itong nahimasmasan. Humingi ito ng tawad kay Lusia at pinakiusapan niya ang asawa na ‘wag siyang iwan.

“Mahal ko, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya. Lasing lang ako. ‘Wag niyo akong iwan ng mga bata. Pangako, magbabago na ako,” sumamo ni Herman.

Dahil sa mga salitang iyon ay nakitaan ni Lusia ng pag-asang maaayos pa ang kanilang pamilya kaya hindi niya itinuloy ang pag-iwan kay Herman.

Si Herman naman ay muling nakakuha ng trabaho sa kanilang lugar at muling nakatulong sa mga gastusin. Ngunit ‘di ito nagtagal sapagkat bumalik na naman siya sa dating paglalasing gabi-gabi at pananakit kay Lusia.

Kahit na ganoon ay tiniis itong lahat ni Lusia sapagkat pinanghahawakan niya ang mga salitang binitawan sa kaniya noon ni Herman. Umaasa siya na babalik pa sa dati ang kaniyang asawa para na rin sa kanilang mga anak na ayaw niyang mawalan ng ama. Kaya naman pilit niyang kinakaya ang lahat.

Isang araw ay nagkasakit ang bunso nilang anak at kinailangan nila itong dalhin sa ospital. Dahil sa malaking halaga ang kailangan upang mapagamot ang bata ay umalis muna si Lusia upang makapangutang sa iba’t-iba niyang mga kamag-anakan. Hindi naman siya binigo ng mga ‘to kaya agad siyang nakabalik sa ospital upang mapagamot ang kaniyang bunsong anak.

Pagkauwi niya ng bahay ay naabutan niyang sinasaktan ni Herman ang panganay nilang anak na lalaki kaya agad niya itong inawat.

“Ang lakas ng loob ng anak mong ‘yan na sagot-sagutin ako! Nalimutan niya na ata na ako pa rin ang padre de pamilya dito!” bulyaw ni Herman.

“Anong klaseng padre de pamilya ang ipagbibili ang sariling anak para lang magka-alak?!” buwelta ng kanilang panganay na anak.

Ipinaalam nito sa kaniyang ina na muntik nang maibenta ng kaniyang ama ang nag-iisa nilang babaeng kapatid sa kakilala nito at gagawing katulong upang magkaroon lamang ito ng pambili ng alak.

Dahil dito ay hindi nanahimik pa si Lusia. Agad niyang sinampal si Herman at inambaan ng itak.

“Ang kapal ng mukha mo! Pinproblema ko ang gastusin sa pagpapagamot ng bunso nating anak sa ospital habang ikaw ay pang-alak mo pa rin ang nasa isip mo! Pati anak nating babae ay ibebenta mo para lang magka-alak ka?! Tiniis ko ang lahat ng pananakit mo sa’kin pero hindi ko hahayaang kantiin mo ang mga anak natin,” bulyaw ni Lusia.

Walang nagawa si Herman kundi umalis ng kanilang bahay at magpalipas ng gabi sa bahay ng kaniyang kapatid. Pagkauwi niya kinabukasan ay wala na siyang nadatnan na pamilya sa kanilang bahay.

Tuluyan na siyang iniwan ng kaniyang asawa at mga anak. Sila ay nanuluyan sa bahay ng mga magulang ni Lusia kung saan malugod silang tinanggap ng mga ito.

Sa tulong ng mga magulang ni Luisa at pag-aagapay sa mga anak nito habang kumakayod sa pagtatrabaho si Lusia ay unti-unting nakabangon at umayos ang buhay nilang mag-iina. Habang ang huling balitang narinig nila tungkol kay Herman ay tuluyan na itong nalulong sa alak at iba pang mga bisyo hanggang sa ito ay nagkasakit.

More Stories