Hindi Inakala ng Babae na Matatagpuan Niya ang Tunay na Pag-ibig sa Libing pa Mismo ng Kanyang Ina

Patuloy ang pagbuhos ng mga luha ni Susan habang hinahaplos ang nakangiting larawan ng ina na nakapatong sa mamahaling ataul nito. Bunso siya sa apat na magkakapatid at bukod tanging siya lamang ang wala pang asawa at anak sa kanilang apat.

Pumanaw ang kanyang ina limang araw lamang ang nakalilipas. Yumao na din naman ang kanyang ama dalawang taon matapos nitong ipagdiwang ang huling kaarawan.

Labis ang kalungkutang nararamdaman ngayon ni Susan. Tiyak na parati na niyang maaalala ang mga masasayang ngiti ng ina, ang malambot na kamay nitong humahaplos sa kanya tuwing siya’y nanghihina, at ang malambing na boses nito na kumakalma sa kanya sa tuwing nakakaramdam ng takot.

Sa apat na magkakapatid, si Susan ang pinakamalapit sa kanyang ina. Parang isang tunay na kaibigan na rin ang turing niya dito, dahil siya ang nagiging sandalan niya sa tuwing dumadaan sa pagsubok ng buhay.

Wala namang pinagsisisihan si Susan sa mga panahon na inilaan sa pag-aasikaso niya sa magulang ngunit sa edad na dalawampu’t walo ay napapatanong na lamang din siya sa sarili kung darating din ba ang panahon na siya’y magkakaroon ng sariling pamilya.

Sa huling araw ng ina, bago ito ihatid sa huling hantungan ay naghandog naman ng misa, panalangin, at maiksing programa ang pamilya at ibang kakilala na nakikiramay sa kanila sa St. Gabriel Parochial Church.

Nakapuwesto si Susan sa may parteng likod ng simbahan. Labis ang sakit na kanyang nadarama, na hindi niya magawang lumapit sa nakahigang katawan ng ina sa unahan.

Ilang minuto pa ang lumipas ay may dumating na gwapong lalaki na umupo sa tabi ni Susan. Humihikbi ito habang pinupunasan ang mga luha.

Advertisement

“Nahuli na ako ng dating,” wika ng lalaki.

Sa kalagitnaan ng programa kung saan ang mga tao ay nagbibigay ng mensahe at ilang masasayang memorya kasama ang yumao ay bigla namang nagtanong ang lalaki.

“Bakit nila tinatawag na Denia ang yumao? Eh hindi ba si Tita Delly ang pumanaw?” tanong ng lalaki kay Susan.

“A-ano?” tanong ng babae.

“Si Tita Delly, hindi ba? St. Michael Parochial Church ito, ‘di ba?” tanong muli ng gwapong lalaki.

“Ay naku sir, mukhang naligaw po kayo. Ang St. Michael Church po ay nasa kabilang baranggay po. Mukhang maling burol po ata ang inyong napuntahan,” nangingiting sabi ng dalaga.

Nagsimulang pagtinginan ng mga tao ang lalaking kaninang umiiyak. Karamihan sa nakaupo malapit sa kanila ay biglang mga nagtawanan. Ang taimtim na okasyon ay naging isang malaking katatawanan.

Hiyang-hiya naman ang lalaki at sobrang namumula na ang mukha nito. Nais sana niyang umalis na ngunit hindi siya makahanap ng tamang tiyempo. Umupo na lamang siya doon at nakinig, nalalapit naman na ding matapos ang programa at ang misa.

Advertisement

Nang bigkasin ng pari ang huling salitang “amen” ay sinamahan na ni Susan ang lalaki palabas ng simbahan. Sa may gilid ng simbahan kung saan ang ilang mga sasakyan ay nakaparke ay doon kinausap ng lalaki si Susan.

“Pasensya ka na ha? Paniguradong magiging laman ako ng usapan ng mga kamag-anak at ilang kaibigan ninyo dahil sa nangyari. Sobrang nahihiya ako sa inyo. Hindi naman na din ako nakaabot sa misa ng tiyahin ko,” saad ng lalaki.

“Siya nga pala, ako nga pala si Erik,” pagpapakilala pa niya.

“P-pasensya ka na Erik ha? Pero sobrang natatawa lang talaga ako sa mga nangyari. Imbes na umiiyak ako, napalitan mo ng tawa ang lungkot na nararamdaman ko. Umiiyak na ako kanina pero sinira mo ang moment ko. Hahaha,” tumatawang wika naman ng dalaga.

“Pasensya ka na talaga ha?” paghingi naman ng paumanhin muli ni Erik.

“Okay lang. Hindi mo naman sinasadya,” tugon ng dalaga.

“Ganito na lang, pagkatapos ng libing ay baka puwede kitang yayain na kumain sa labas o magkape man lang para makabawi naman ako sayo,” nakangiting pag-iimbita ng lalaki.

At iyon na nga ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nila Susan at Erik. Ilang panahon pa ang lumipas at ang lalaking sa burol ay naligaw, ay nagsimula nang manligaw kay Susan.

Advertisement

Ang ilang taong pagiging magkaibigan at magkasintahan ay nauwi rin sa kasalan. Sa pagkakataong ito ay hindi na muling naligaw si Erik. Sila ay pinag-isa sa tamang simbahan at sa tamang pagkakataon.

Sa tuwing may nagtatanong kay Susan kung saan sila nagkakilala ni Erik, ay ito lamang ang kanyang palaging sagot, “si Tita Delly at Nanay Denia ang nagpakilala sa amin sa isa’t isa. Simula ng araw na iyon ay hindi na kami muling napaghiwalay pa.”

Sino nga naman ang mag-aakala na dahil sa isang pagkakamali, ay nabiyayaan si Susan ng pinakahihintay na pag-ibig? Sa gitna ng lungkot ay nakatagpo sila ng kaligayahan sa piling ng isa’t isa.

Isang patunay lamang ang kanilang pag-iibigan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay puro na lamang kalungkutan, bagkus dumarating rin ang araw na lilipas ang kalungkutan at mapapalitan ng panibagong kasiyahan.

Sa gitna ng lungkot ay may darating na biyaya na muling magpapasilay ng ngiti sa ating mga labi.