Kabutihan Mo, Babalik Sayo

Madalas makita si Biboy malapit sa basurahan sa eskinita ng China Town. Marami kasing mga kainan doon, kaya umaasa siya na makakakuha siya ng kahit anong maaaring ilaman sa tiyan at pati na rin mga bagay na maaaring ikalakal.

Labing isang taong gulang lamang siya ngunit mulat na siya sa kahirapan ng buhay. Kabilang si Biboy sa mga kabataang ang pamilya ay kasapi ng nasa laylayan ng lipunan. Nakapag-aaral man ay madalas itong walang baon at kumakakalam ang sikmura.

Umeekstra-ekstra lamang ang ama niya sa pagbubuhat ng gulay sa Divisoria at ang ina naman niya ay isang labandera. Nagkakapera lamang sila kapag mayroong trabaho ang mga ito. Madalang lang na makakain sila ng tatlong beses sa isang araw.

Isang araw habang naglalakad si Biboy, nag-iisip siya ng paraan paano magkakaroon ng kita para makatulong sa pamilya. Sa ‘di kalayuan ay may kaguluhan. Itinakbo ng isang mama ang bag ng isang matandang babae. Dahil sa alam ng holdaper na malapit na siyang abutan ng mga humahabol sa kanya, ipinasa niya ito sa naglalakad na si Biboy. Walang kaalam alam ang bata sa mabilis na pangyayari.

Nang maabutan, siya agad ang pinagbintangan. Pinipilit siyang dalhin ng taumbayan sa presinto at iginiit na kasabwat siya sa naturang insidente.

“Hindi ko po siya kilala. Naglalakad lamang po ako dito at bigla niyang ibinato ang bag na iyan sa akin! Maaawa na kayo! Wala po akong kasalanan,” takot na takot na sambit ng bata.

“Nagkukunwari ka pa! Eh kitang kita namin ang tinginan ninyo na parang nag sesenyasan. Magkakilala kayo! Sabagay hindi nga naman aamin ang magnanakaw!” sambit ng isa pa.

Pilit na ginigiit ng mamang ito na nakita niyang kasabwat si Biboy. Ngunit natigilan ang lahat ng isang lalaki ang umawat. Wala siyang kasalanan!

Advertisement

“Hindi sila magkasama! Kanina ko pa pinagmamasdana ng batang iyan na naglalakad. Marahil nga ay mahirap sila. Pero ano ang karapatan ninyong husgahan siya?” punto nito.

“Ipinipilit ninyo na siya ang may kasalanan at kayo ay nawalan. Paano naman itong batang pinagbibintangan ninyo. Kinukuha ninyo rin ang pagiging inosente niya at magandang kinabukasan para lamang masabing tama kayo at maitaas ninyo yang mga hangin ninyo sa katawan,” dagdag pa ng lalaki.

Kung titignan, ang lalaking ito ay nasa tatlumput limang taon gulang na. Maayos ang itsura at nagtatrabaho bilang tagapangasiwa sa isang kantina sa ‘di kalayuan.

Dahil sa kanyang mga sinabi pinakawalan na si Biboy ng mga ito. Walang hanggan ang pasasalamat ng bata sa lalaki.

“Ginoo, maraming salamat po, Hindi ninyo po alam ang takot ko kanina. Maraming salamat po sa tulong ninyo,” paghagulgol ng bata.

“Hindi ka dapat matakot dahil wala kang kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan mong mag-aral ng mabuti. Hindi man natin aminin, pero kapag may natapos ka, hindi ka nila mamaliitin, hindi ba?” malumanay na tugon ng lalaki.

“Ito boy!” habang iniaabot ang isang balot ng pansit. Iuwi mo na ito sa iyong pamilya, iuuwi ko sana iyan sa aking anak, ngunit kaya ko naman bumili ulit,” dagdag pa ng lalaki.

“Sige na at umuwi ka na,” pagpapatuloy nito.

Advertisement

Baon ni Biboy ang pangaral ng lalaking ito. Naging inspirasyon ito ni Biboy upang paghusayan ang kanyang pag-aaral. Minsan-minsan din ay nangangalakal pa rin siya upang mayroong pandagdag sa kanyang baon. Dahil sa kanyang talino at pagpupursigi, nakakuha siya ng scholarship sa magandang unibersidad. Di naglaon, nakatapos siya at naging isang ganap na Doctor. Sa wakas ay gumanda na ang kanilang buhay.

Habang nasa ospital ay may narinig siyang isang iyak ng babae, “Tay! Paano ho natin ito mababayaran?”

“Napakalaki ng babayaran natin dito sa ospital, Tay. Pero hindi ko po kayo pwedeng iuwi. Kailangan po ninyo ng lunas. Para hindi na kumalat po ang impeksyon sa katawan ninyo,” nanlulumong sambit ng babae.

“Hayaan mo anak may awa ang Diyos. Ngunit kung hindi na natin kakayanin pa, marapat mo na akong iuwi. Hindi ko gusto na bigyan ka pa ng pasananin. Kung oras ko na, ay oras ko na,” sambit ng matandang lalaki.

“Huwag naman po kayong magsalita ng ganyan, itay. Gagawa ho ako ng paraan. Makakaraos tayo at gagaling kayo,” saad ng babae habang nag pupunas ng luha.

Napatigil ang doktor sapagkat tila namumukhaan niya ang lalaking ito. Kaya dali dali niyang tinignan ang records nito. Napangiti na lamang siya ng makita niya ang pangalan ng lalaki.

Isang umaga nagsisigaw ang anak na babae ng matanda sa ospital. Walang mapaglagyan ang kaligayahan nito.

“Itay! Itay! Salamat sa mahabaging Diyos! Bayad na daw ang bills natin dito sa ospital at magagawa na ang kailangang operasyon sa inyo,” hindi napigilan ng babae na maiyak sa galak. “Gagaling na kayo, itay!” dagdag nito.

Advertisement

“Ngunit paanong nangyare, anak? Sinong may mabuting kalooban ang gumawa nito,” sambit ng matanda.

Dahan dahang lumapit sa mag-ama ang doktor.

“Ginoo. Ito po ang paraan ng aking pasasalamat sa inyo. Ako ho ang batang tinulungan ninyo noon sa kalsada na napagbintangan. Hindi ko po makakalimutan ang araw na iyon. At wala po akong hinangad kundi isang araw ay maibalik ko sa inyo ang inyong kabutihan.”

“Utang ko po sa inyo ang aking buhay. Maraming salamat po, ginoo,” paglalahad ni Doc Biboy.

Hindi napigil ng bawat isa ang kanilang luha. Hindi nila inaakala na sa ganitong paraan sila muling magkikita.

“Hindi ko akalain na magakakaroon ng malaking epekto ang nagawa kong maliit na bagay noon. Ginawa ko lamang ang tama. Ngayon, tanggapin mo naman ang walang hanggan kong pasasalamat!” pagtatapos ng matanda.

Gumaling ang matanda sa karamdaman, dahil sa tulong ni Doc Biboy. Ang kabutihang ipinamalas niya noon ay magbubunga din pala ng kabutihan sa puso ng iba.