Nalungkot ang Lalaki nang Hindi Makasama sa Gala ng Kanilang Tropa, Isang Matanda ang Nagbukas sa Isip Niya

“Pare, hindi ba’t sahod mo ngayon at wala kang pasok bukas? Baka gusto mo nang sumama sa amin, magpupunta kami sa Tagaytay bukas! Ako na nga bahala sa sasakyan, ambagan na lang tayo sa gasolina at pagkain. Ano, payag ka na? Ikaw na lang ang hindi nasagot, ha!” masiglang alok ni Jonie sa kaniyang kaibigan, isang gabi nang magpasiya na siyang tawagan ito.

“Gusto ko sana, pare, eh, kaso maliit lang ang sinahod ko ngayon. Sakto lang pangbayad ng upa namin at pangbili ng pagkain,” malungkot na sagot ni Blue, habang inaayos ang gamit niya sa locker ng pinagtatrababuhang hotel.

“Ano ba naman ‘yan? Ikaw lang kamo ang hindi makakasama. Kumpleto na ang tropa, ikaw na lang ang kulang,” pangongonsensya pa ng kaniyang kaibigan dahilan upang labis siyang malungkot.

“Pasensya na talaga, pare,” tipid niyang sagot saka sumalampak sa sahig at nagsuot ng kaniyang sapatos.

“Sayang naman, ngayon na lang tayo ulit magkakasama, eh. Akala ko ba kahit may sarili na tayong pamilya, gagawa pa rin tayo ng paraan para magkasama-sama?” sambit pa nito dahilan upang siya’y mapailing na lamang.

“Pasensya na talaga, bawi ako sa susunod. Ingat kayo, ha?” tugon niya rito saka niya na binaba ang tawag upang matigil na ang kanilang usapan.

Ganoon na lang ang lungkot na naramdaman ng padre de pamilyang si Blue nang makasigurado na siyang hindi siya makakasama sa gala ng kanilang tropahan patungo sa Tagaytay dahil kapos ang kaniyang kinitang pera.

Halos isang buwan na itong pinagplanuhan ng kaniyang mga kaibigan, lahat sila, pumayag na at nag-ambag na ng sariling pera upang maisakatuparan ang muli nilang pagkikita-kita. Tanging siya lamang ang hindi makasagot ng sigurado dahil tinatantiya niya pa ang sasahuring pera sa pinagtatrababuhan niyang hotel na biglang tumumal dahil sa kumakalat na sakit.

Advertisement

Mayroon naman talaga siyang perang hawak, kaya lang, sakto lang ito para sa mga bayarin nila sa bahay at pagkain nilang pamilya. Kaya, kahit gustuhin man niyang iwaldas ito para sa pansariling kasiyahan, hindi niya magawa dahil iniisip niya ang kaniyang mag-iina.

Noong gabing iyon, pagkatapos niyang kausapin ang kaniyang kaibigan. Sandamakmak na text agad ang natanggap niya mula sa iba pa nilang kaibigan. Pinipilit siya ng mga ito na sumama. Ang iba pa’y sinusumbat sa kaniya ang pangakong kanilang binitawan.

Upang makaiwas muna sa tuksong ito, minabuti niya munang isara ang kaniyang selpon at agad na sumakay ng bus pauwi.

Habang siya’y nasa biyahe, tahimik siyang nagmuni-muni habang nakamasid sa kalsada. Inis na inis siya sa sitwasyon kinalalagyan niya ngayon. Wika niya, “Bakit ba kasi ito lang ang perang mayroon ako? Hindi ba ako pwedeng magpahinga? Sumama sa aking barkada?” saka niya bahagyang sinipa ang upuang nasa harapan niya.

Mayamaya pa, may isang matandang sumakay sa naturang bus. May kausap ito sa selpon at umupo ito sa gilid niya. Kahit na hindi niya tingnan ang mukha nito, bakas sa boses nito ang labis na kagalakan habang nakikipag-usap sa hawak na lumang selpon. 

“Ay, naku, mahal, grabe ang tumal ng benta ngayon! Dalawang oras bago ako makabenta! Mabuti na lang at may kaunti akong kita. May pangbili na tayo ng bigas bukas! Huwag ka nang maglaba muna, ha? Sasakit na naman ang likod mo, eh. Ano? Oo, sige, magpahinga ka na muna, may dala akong suman para sa’yo. Oo, may tira pa akong pera. Mahal din kita!” masayang sambit nito sa kausap dahilan upang ganoon na lang niya maipagkumpara ang sitwasyon nito sa kaniya.

Napagtanto niyang habang pinoproblema niya kung saan kukuha ng pera para makasama sa gala ng kaniyang mga tropa, ang matandang ito na mahina na ang buto, nagsusumikap para may maipakain sa kaniyang asawang panigurado’y matanda na rin at naglalabada pa.

“Maswerte pa pala ako dahil kampante na akong may makakain sa susunod na dalawang linggo ang mag-iina ko,” tangi niyang sambit habang pinipigil ang luhang kanina pa nais pumatak habang pinapakinggan ang masayang matanda sa tabi niya.

Advertisement

Sa awa at tuwang nararamdaman dahil sa pag-uugali ng matanda, ang sobrang dalawang daang piso sa pera niya ay iniabot niya rito bago siya pumara.

Narinig niyang tuwang-tuwa ito at hindi magkahumayaw sa pagpapasalamat sa kaniya. Narinig niya pang sabi nitong, “Hulog ka ng langit, hijo, may pagkain na kami ng asawa ko hanggang sa makalawa!” habang ito’y pumapalakpak sa tuwa.

Simula noon, imbis na malungkot sa tuwing hindi siya nakakasama sa mga kaibigan. Siya’y nagpapasalamat pa rin dahil palagi siyang may naipapakain sa kaniyang pamilya.