Inday TrendingInday Trending
Nagparetoke ang Dalaga Upang Magustuhan ng Kaniyang Crush, Magustuhan Naman Kaya Siya Nito?

Nagparetoke ang Dalaga Upang Magustuhan ng Kaniyang Crush, Magustuhan Naman Kaya Siya Nito?

“Jennie, sigurado ka bang magpapaopera ka ng buong mukha?” tanong ni Lyka sa kaniyang matalik na kaibigan, isang araw nang mapagdesisyunan niya itong dalawin bago ang operasyon nito.

“Oo, naman, bakit? Bawal ba? Bakit parang hindi ka masaya para sa akin? Kaibigan ba talaga kita?” inis na tanong ni Jennie rito habang inaayos niya ang mga gamit na kailangan niya para sa matagalang operasyon.

“Syempre masaya ako, ‘no! Nagtataka lang ako bakit kailangan mo pa magpaopera, eh, ang ganda ganda mo na!” sambit nito dahilan upang siya’y mapatawa.

“Naku, ha, huwag mo akong bolahin, nakalaan na ang pera ko para sa operasyon ko bukas!” sigaw niya rito saka niya ito hinagisan ng unan sa mukha.

“Hindi ako nagbibiro, lalo’t higit, hindi kita binobola! Tingnan mo nga ang itsura mo sa salamin! Hindi mo na talaga kailangang magpaopera, ipangnegosyo mo na lang ang pera mo!” bulyaw nito sa kaniya habang siya’y hinihila patungo sa salamin.

“Kung maganda ako, bakit hindi ako magustuhan ni Kier?” tanong niya rito habang pinagmamasdan ang kaniyang mukha.

“Siya lang ang dahilan mo kaya ka magpapaopera?” tanong nito dahilan upang mapatakip siya ng bibig.

“Wala kang pakialam! Umuwi ka na, dali, mag-aayos pa ako ng mga gamit ko!” sigaw niya rito saka dali-dali itong pinalabas ng kaniyang bahay.

Bata pa lang si Jennie nang magsimula siyang mahulog sa kagwapuhan ng kababata niyang si Kier. Simula noon, ginawa niya na ang lahat upang magkagusto rin ito sa kaniya. Pinapahiram niya ito ng kaniyang bisikleta, hinahatian niya ito sa kaniyang meryenda at pinagtatanggol niya ito sa mga kalaro nilang nang-aayaw dito.

Pumasok din siya sa paaralan kung saan ito nag-aaral upang mabantayan ito at sa tuwing may babaeng aali-aligid dito, agad niyang inaaway ang mga ito.

May pagkakataon pa ngang may isang dalagang naging matalik na kaibigan ang lalaking ito na labis niyang inaway. Nalaman niyang mahirap lang ito kaya naman sinuhulan niya ito ng pera upang umiwas kay Kier ngunit nang siya’y tanggihan nito, agad niya itong pinabugbog sa kaniyang mga alalay noong siya’y hayskul.

Ngunit laking pagtataka niya, kahit na ginagawa niya ang lahat para sa lalaking ito, kahit kaunting pagtingin, hindi siya makatanggap dito.

Dito na niya naisipang baka napapangitan ito sa kaniya. May lahi kasi siyang instik dahilan upang siya’y maging singkit at may manipis na kilay at labi dahilan upang ganoon niyang pagplanuhan ang kaniyang pagpapaopera para lang magustuhan ng naturang binata.

Nang makapagtrabaho na siya sa isang sikat na kumpanya, ro’n na niya sinimulang mag-ipon para sa pangarap niyang operasyon at halos isang taon lang ang lumipas, tuluyan na siyang nakalikom ng pera para rito.

Marami pang pumigil sa kaniya, ni isa, wala siyang pinakinggan sa mga ito hanggang sa dumating na nga ang araw ng kaniyang operasyon.

Nakaramdam man siya ng sakit na tagos sa buto, alang-alang sa lalaking pangarap niya, tinuloy niya pa rin ito.

Halos ilang buwan din ang lumipas bago tuluyang maghilom ang sugat sa kaniyang mukha bunsod ng kaniyang operasyon at nang makita niyang wala na siyang sugat sa mukha, agad na siyang nakipag-ugnayan sa kaniyang mga kaibigan.

Sakto namang gaganapin ang kaarawan ng kaibigan niyang si Lyka at dadalo raw ang pinapangarap niyang binata dahilan upang ganoon na lamang siyang masabik sa reaksyon nito kapag siya’y nakita.

Sa kaarawan ng kaibigan, nagsuot siya ng sexy na damit, naglagay ng make-up at matamis na pabango at nang makita siya ni Kier, halos hindi ito makapaniwala na itsura niya.

“Grabe, Jennie, ang ganda mo!” sambit nito na labis niyang ikinakilig.

Ngunit matapos iyon, hindi na siya muli pinansin nito at nakipag-inuman na sa kanilang mga kaibigan roon dahilan upang labis siyang mainis. Kaya naman, agad siyang gumawa ng eksena upang mapansin nito.

Nagpatugtog siya ng sexy na musika saka sumayaw sa harap nito. Noong una’y nagkakatuwaan pa silang magkakaibigan ngunit nang kandungan na niya ito, ro’n na ito pumalag.

“Ano ka ba, Jennie?” sigaw nito saka siya maingat na binaba.

“Ikaw, ano ka ba? Bakit hindi mo ako magustuhan? Nagparetoke na nga ako para magustuhan mo, hindi mo pa rin ako pinapansin!” sigaw niya bunsod ng galit na nararamdaman.

“Wala naman talagang problema sa itsura mo, Jennie, eh. Sa ugali mo lang talaga at iyon ang isang bagay na hindi maitatama ng operasyon,” masungit na sagot nito saka agad na umalis na lugar na iyon.

Doon niya napagtantong sa kagustuhan niyang makuha ang lalaking iyon, nakalimutan na niyang magpakatao, ang sanhi kung bakit hindi siya magustuhan nito.

Tanging pag-iyak na lang ang nagawa niya noong pagkakataong iyon habang pinagmamasdang umalis ang lalaking pinapangarap niya.

Advertisement