Inday TrendingInday Trending
Panay Gala ng Dalagang Ito Kahit may Kumakalat na Sakit, Pagsisisi Pala ang Ibubunga Nito

Panay Gala ng Dalagang Ito Kahit may Kumakalat na Sakit, Pagsisisi Pala ang Ibubunga Nito

“Hija, saan ang punta mo?” tanong ng isang estrangherong matanda kay Lovely, isang umaga habang naghihintay siya ng bus sa sakayan.

“Sa Maynila po, lola, bakit po? Naghahanap po ba kayo ng kasabay?” tanong niya rito, kahit na siya’y nakasuot ng face mask, kitang-kita sa mga mata niya ang pagiging magiliw sa matanda.

“Naku, hindi, hija, tinatanong lang kita. Laganap na kasi ang kumakalat na sakit doon. Hindi ka ba natatakot?” pang-uusisa pa nito saka siya pinisitan ng alcohol sa palad.

“Ah, eh, oo nga po, eh. Huwag po kayong mag-alala, nakasuot naman po ako ng facemask at face shield,” paliwanag niya habang kinakalat sa kamay ang binigay nitong alcohol.

“Kahit na, hija, hindi biro ang sakit na iyon,” pagpupumilit nito dahilan upang bahagya siyang kabahan.

“Salamat po sa pag-aalala niyo kahit hindi niyo ako kakilala,” wika niya saka agad nang pinara ang bus na papalapit, pasakay na siya nang bigla siya nitong hawakan sa braso, “Bakit po?” gulat niyang tanong dito.

“Talaga bang importante ang pakay mo ro’n?” wika pa nito dahilan upang ganoon na lang siya mapaisip.

“Opo, kikitain ko ang nanliligaw sa akin, bitawan niyo na po ako, nakakahiya po sa mga pasahero,” inis na niyang sambit dito dahil sa mga pasaherong nagrereklamo na.

“Ingat ka,” tanging sambit nito saka siya tuluyang binitawan.

Hindi alintana ng dalagang si Lovely ang kumakalat na sakit sa buong bansa. Simula nang buksan muli ang kanilang lugar at iba’t ibang kainan at mall, panay gala ang kaniyang ginawa. Palagi rin siyang dumadalo sa iba’t ibang salu-salo lalo na noong ipagdiwang sa kanilang lugar ang isang malaking pista.

Kung kani-kanino siyang bahay nakikain, nakiinom ng alak at higit pa roon, sa ibang bahay pa siya nakitulog. Kahit anong pangaral ang sinasabi ng kaniyang mga magulang na nalalagay sa alanganin ang kaniyang kalusugan sa kaniyang ginagawa, imbis na sumunod, nagagalit pa siya sa mga ito.

Palagi niyang singhal, “Ako naman ang magkakasakit, ha? Hindi naman kayo! May sarili na naman akong pera, hindi na kayo gagastos kapag naospital ako!”

Katwiran niya pa, nag-iingat naman daw siya sa mga taong sinasamahan niya at bukod doon, palagi raw siyang nakasuot ng facemask at face shield, may alcohol pa siyang dala palagi.

At upang huwag nang umalingawngaw ang bunganga niya sa buo nilang bahay at matigil na ang panunumbat niya sa kaniyang mga magulang, hinahayaan na lang siya ng mga ito.

Lalo pang tumigas ang ulo niya nang may makilalang lalaking taga-Maynila. Gwapo at mala-Machete ang katawan nito kaya naman labis siyang nahumaling dito.

Ang kinikita niya bilang isang call center agent, kalahati’y nagpupunta rito upang ganoon niya makuha ang loob nito.

Tuwang-tuwa siya noong araw na ‘yon dahil sa wakas, pumayag na itong makipagkita sa kaniya. Kaya lang, dahil sa matandang nangulit sa kaniya, bahagya siyang nainis dahilan upang pilitin niyang matulog sa biyahe upang mapawi ito.

Ilang oras pa ang lumipas, matagumpay na nga siyang nakarating ng Maynila. Napansin niyang parang bumalik na sa normal ang buhay rito dahilan upang mapatanong siya sa sarili, “May kumakalat na sakit pa ba talaga?”

Mayamaya pa, dumating na rin ang lalaking kikitain niya. Sobra siyang nakaramdam ng saya at para bang ayaw na niyang matapos ang araw na iyon.

Kumain sila sa isang restawran at doon labis na nagkakilanlan. Namili rin sila ng kung anu-anong gamit sa mall para lang may magawa hanggang sa maghating-gabi na at tuluyan na siyang umuwi.

Habang nasa biyahe, hindi niya matanggal ang ngiti sa kaniyang mga labi. Kilig na kilig siya habang binabalikan ang mga pangyayaring naranasan kanina hanggang siya’y makauwi at makatulog.

Ilang araw ang lumipas, habang siya’y nagtatrabaho, nagulat siya nang bigla siyang tawagan ng lalaking kaniyang kinita at halos manlumo siya nang sabihin nitong, “Positibo ako sa kumakalat na sakit, may mga awtoridad na titingin sa kalusugan mo at ng mga magulang mo ngayon. Pasensiya ka na,” dahilan upang siya’y labis na kabahan.

May dumating ngang awtoridad galing Maynila at tinignan ang kalusugan nilang lahat. Ilang araw pa ang lumipas, nakumpirmang siya pati ang kaniyang nga magulang ay nagpositibo na rin sa sakit.

Ganoon na lang siya labis na nanlumo at nagsisi sa balitang ito. Ang ipong pinaghirapan niya, napunta lahat sa pagpapagamot sa kanilang tatlo ng kaniyang mga magulang.

“Hindi pala talaga biro ang sakit na ito, bukod sa masakit sa katawan at sa bulsa, nalagay ko pa sa alanganin ang buhay ng mga magulang ko.”

Advertisement