Nabaon Sa Utang, Makapagpasikat Lang

Lahat ng mga mata ng kanilang kapitbahay ay napatingin sa tricycle kung saan nakalulan si Natalie, o Natalia sa tunay na pangalan. Parang eksena sa teleserye ang naganap. Nakasuot ng sapatos na may mataas na takong si Natalie, kahit alam naman niyang mabato at maputik sa Baryo Sapang Alat, bumaba siya ng tricycle at iwinagayway na parang modelo ng shampoo ang lampas-balikat niyang buhok. Bahagyang umiihip ang hangin kaya parang nagkaroon ng “effect” ang kanyang ginawa. Nakasuot ang malaking shades sa kanyang mga mata at may malaking sombrero pa.

Taas-noo siyang lumakad, kahit nahihirapan siya sa mabato at maputik na daanan, patungo sa nag-aabang niyang inay. Nang makita siya nito, halos nagsisisigaw ito at sinalubong siya ng yakap.

“Natyyyyyy!!!!! Anaaaaaakkkkk!!!!” masayang bati ng kanyang inay at patakbong sinalubong siya at niyakap. Nagsulputan na rin ang kanyang maliliit na pamangkin na umaasam ng pasalubong mula sa kanya.

Sa gilid ng kanyang mga mata, nakikita niyang lalong dumarami ang mga umpukan ng tao na nakiusyoso at tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. Para silang nakakita ng sikat na artista.

“Naty? Ikaw na ba iyan? Aba’y kaganda mo na ah! Ibang-iba ka na!” bungad sa kanya ng isa sa mga tsismosang kapitbahay na si Aling Sepa. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Hindi kumibo si Natalie. Matipid siyang ngumiti.

Agad na sumabad ang kanyang inay.

“Naku, ganyan talaga kapag galing sa Maynila! Gumaganda!” pagmamalaki ng kanyang inay.

‘Mabuti ka pa Osang at may anak na tulad ni Naty. Maganda na, masipag pa’t tinutulungan ka pa. Samantalang dati kay itim-itim niyang si Naty. Lumaklak ka ba ng… ano nga iyon… yung glut… glut… ano nga iyon? Basta, yung pampaputi,” walang prenong sabi ni Aling Sepa.

Advertisement

Hinubad ni Natalie ang kanyang shades at tinitigan si Aling Sepa.

“No. I don’t have to do that po…” nakaangil na sagot ni Natalie at inirapan ang matandang babae.

Napamaang si Aling Sepa at ang iba pang mga usisero at usisera. Nagulat sila sa paraan ng pagsagot ni Natalie, na parang mataray at nakaangil.

“A-aba’y Inglisera na…”

“Sige Sepa ha, mamaya na ang kwentuhan at pag-usisa kay Naty, pagod ito. Pasok na muna kami sa bahay…” nag-aalangang sabi ni Osang at hinila na papasok sa maliit na bahay nila si Natalie.

Pagkaupo sa halos lubog na sofa, binuksan ni Natalie ang kanyang shoulder bag at nagretouch ng kanyang make-up. Nagkakagulo rin ang kanyang mga pamangkin sa kanyang napakaraming pasalubong na tsokolate at laruan. Kinuha niya ang kanyang pitaka at naglabas ng sampung libong piso na agad niyang iniabot sa kanyang Inay.

“Wow anak, napakalaki naman nito!” tuwang-tuwang sabi ng kanyang inay sa kanya.

“Sweldo ko ho ‘yan. Actually maliit pa nga po iyan eh. Next time ho, dadagdagan ko na lang,” pagmamalaki ni Natalie sa kanyang Inay.

Advertisement

Naghanda ng medyo marangyang pagkain si Osang para sa pagdating ng kanyang anak. Inanyayahan ang kanilang mga kapitbahay, at talaga namang ibinida ang anak na si Natalie. Hangang-hanga naman sila dahil pakiramdam nila ay napakalaki talaga ng kinikita nito sa Maynila. Halos pumalakpak naman ang mga tenga ni Natalie sa atensyong ibinibigay sa kanya ng mga tao.

Sa araw ng pagbabalik ni Natalie sa Maynila, halos hindi nabakante ng mensahe ang kanyang cellphone at pati na rin ang messenger sa Facebook dahil sa dami ng mga naniningil sa kanya. Baon pala siya sa utang! Halos lahat ng kanyang mga kaibigan ay nautangan na niya. Dahil nabaon na nga sa utang at halos ipinambabayad na lamang ang kanyang sweldo, umutang pa nang umutang si Natalie upang may maipambayad sa mga dati nang utang, hanggang sa dumating sa puntong tinatakasan na niya ang mga ito.

Masyado kasi siyang magastos. Hindi lumilipas ang araw na hindi siya kumakain sa restaurant, o nagkakape sa mamahaling coffee shop. Isa pa, ayaw niyang mapulaan ng kanyang pamilya, maging ng kanyang mga kaibigan at kakilala. Minsan, hindi na nakakatulog si Natalie sa kaiisip kung paano mababayaran ang lahat ng kanyang mga utang.

Kaya naman, isang araw, nagulat na lamang si Natalie na tatlo sa kanyang mga pinagkakautangan ang sumugod sa kanyang inuupahang apartment upang maningil ng utang sa kanya. Hiyang-hiya si Natalie lalo’t narinig ng mga ito ang pamamahiya sa kanya ng tatlo. Sa labis na pagkapahiya, lumiban si Natalie at umuwi sa kanila, na ikinagulat naman ng kanyang inay.

Ipinagtapat ni Natalie ang kanyang suliranin sa kanyang inay. Matapos marinig ang suliranin ng anak, nagtungo ito sa kanyang kwarto at iniabot ang isang ATM sa kanya.

“Anak, may lamang pera iyan. Lahat ng perang ibinibigay mo, iniipon ko. Gamitin mo upang mabayaran ang iyong pagkakautang. Huwag mo kaming intindihin. Pero sana, natauhan ka na sa nangyaring ito. Mahalaga ang pag-iipon. Huwag mong isipin ang ibang tao. Huwag mo silang pasikatan,” payo ng kanyang Inay. Niyakap niya ang kanyang Inay dahil sa pangaral at tulong nito.

Bumalik sa Maynila si Natalie at binayaran ang kanyang mga pagkakautang gamit ang ipon ng kanyang inay. Ipinangako niya sa kanyang sarili na hinding-hindi na siya uutang para lamang magpasikat sa ibang tao. Lalo pa siyang magsisikap at magsisipag upang mabayaran ang kanyang inay.

Makalipas ang dalawang taon, nabayaran na ni Natalie ang lahat ng kanyang pagkakautang, gayundin ang perang nahiram niya mula sa kanyang inay. Nag-ipon na rin siya ng pera upang may magamit sa panahon ng kagipitan at pangangailangan. Natuto na rin siyang gumastos ng naaayon sa kanyang kinikita.