Bagong Lipat sa Dormitoryo ang Binata, Isang Nakagigimbal na Misteryo ang Mabubunyag

Estudyante sa Maynila noon si Kier at nangungupahan sa isang lumang dormitoryo malapit sa pinapasukang paaralan. Medyo may kalumaan na ang alugar at may nakakatakot na pakiramdam sa unang tingin.

Di naman problema kay Kier ang hitsura ng dormitoryo, mura ito at medyo maluwag. Hindi naman siya naniniwala sa mga multo, kaya kahit tinatakot ng ilang kaibigan eh wala lang siyang pakialam.

Hindi naman sa kanya agad sinabi na may isa pala siyang kasama sa kwarto, na estudyante din sa paaralang na pinapasukan niya, si Kevin. Ang unang gabi niya sa dormitoryo ay naging maayos, hindi naman ito nakakatakot tulad ng sinasabi ng iba.

Pero nung pangalawang araw pala, doon siya nakaramdam ng takot na hindi pa niya naramdaman sa buong buhay niya.

Alas dos na ng madaling araw noon ngunit hindi pa rin siya makatulog. Hindi niya maintindihan kung bakit kahit anong gawin niya, ay tila ba hindi siya mapaigi, pakiramdam niya ay mayroong nakatingin sa kanya.

Ipinikit niya ang mata at sinubukan muling matulog.

“Psssst,” mahinang sitsit ang kanyang narinig, ngunit hindi niya ito pinansin.

“Psssst,” muling sitsit sa kanya.

Advertisement

“Ano ba yun pre? Sinusubukan ko na ngang matulog eh,” saad niya sa pag-aakalang ang kasama sa kwartong si Kevin ang nanloloko sa kanya.

“Psssst,” muling sitsit na naman, pero hindi na talaga niya ito pinansin.

Ngunit sa huling sitsit na narinig niya ay tumindig ang mga balahibo niya, “Pssst!” napakalakas na sitsit na parang sa tenga niya mismo ginawa.

Napabalikwas ang lalaki at tinignan ang roommate niya, na tulog na tulog ng mga oras na iyon. Inayos niya ang kumot at nagtalukbong na lamang, medyo mainit noon, ngunit may kung anong kilabot ang bumalot sa kanya.

Ilang sandali pa nakaramdam na siya ng antok, nasa pagitan na siya ng pagkahimbing at kamalayan, nang maramdaman niyang lumubog ang parte ng paanan niya na para bang may nakatayo sa kanyang harapan.

Lumakas ang kabog ng dibdib niya dahil nararamdaman niyang may naglalakad sa kanyang kama na papalapit ng papalapit kung saan siya nakaharap. Hinigpitan niya ang kapit sa kumot nang biglang may malakas na pagkalabog siyang narinig galing sa pader kung saan siya nakaharap.

“Bugbugbugugbugbug!!!” tunog na para bang may inihahampas sa pader, at sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng matinding panghihilakbot.

Kinabukasan ay sumama sa kanya ang dalawang kaklase sa dormitoryo upang doon magtapos ng proyekto na ipapasa kinabukasan.

Advertisement

“Pre, bakit dito mo napiling tumira? Hindi ka ba natatakot?” tanong ng kaklase.

“Mas mura dito pre, tsaka malaki naman ang ginagalawan, kumpara sa ibang dormitoryo na ang liliit pero sobrang mahal naman,” sagot ni Kier.

“Hindi ka ba nagtataka kung bakit mas mura dito? Gayong malaki naman ang mga kwarto?” tanong naman ng babaeng kaklase na tila ba ay may nais ipahiwatig.

Hindi naman makakibo si Kier, dahil kahit siya ay napaisip din.

“Basta Kier, kung may makita o maramdaman ka, wag na wag mong ipahahalata na natatakot ka. Kung may makita ka naman na hindi katulad natin, wag na wag mo silang titignan sa mga mata,” saad ng babae.

“Bakit naman?” tanong ni Kier.

“Hindi ka na kasi nila titigilan. Susunod sila sa’yo kahit saan ka magpunta. Bukas ang third eye ko, Kier. Maniwala man kayo o hindi, alam ko pag merong karga ang isang lugar na hindi natin kauri.” Seryosong wika ng babae.

Napaisip naman si Kier sa sinabi ng kaklase, pero minabuti niyang huwag na lamang itong pansinin. Nagpaalam naman si Kevin na baka gabihin siya ng uwi ngayon dahil pagpupuyatan nila ang thesis kasama ang mga ka-grupo sa bahay ng isa sa mga ito.

Advertisement

Humiga lamang si Kier at nanood ng mga videos sa internet, at ilang sandali pa ay nakatulog na din. Maya-maya pa ay naalimpungatan siya, nakakaramdam siya ng kakaibang lamig na hindi maipaliwanag.

Iminulat niya dahan-dahan ang mga mata, at natanaw na parang may nakatayo sa may bintana, ang buong akala niya ay nakauwi na ang kasamang si Kevin, ngunit nang kanyang titigan ay babae pala ito.

Naibato niya ang hawak na cellphone at dali-daling nagtalukbong ng kumot. Nginig na nginig ang katawan niya sa sobrang takot. Ilang sandali pa ay nakaramdam na siya na may gumagapang mula sa kanyang paanan.

Pabilis ito ng pabilis at ramdam niya ang bigat na umaakyat patungo sa kanyang dibdib. Ipinikit na lamang niya ang mga mata, ngunit sa kanyang pagmulat, tumambad sa kanyang harapan ang isang babae na nakatingin sa kanya.

“AH!” malakas na sigaw ng lalaki. Napabalikwas siya at akmang tatakbo na sana nang biglang maapakan ang cellphone at madulas. Bumagsak siyang nakadapa.

Napalakas ang kanyang pagbagsak at ininda ang sakit na iyon. Narinig niyang biglang tumunog ang cellphone at hinanap kung saan ito napunta, natanaw niyang umiilaw ito galing sa ilalim ng kama, iniaangat niya ang kamay upang maabot sana nang biglang may humawak sa kaya.

Lumabas sa ilalim ng kama ang duguang babae na may itim na mga mata.

“Tulong,” ang tanging naririnig ni Kier na sinisigaw ng babae.

Advertisement

Tumayo ang lalaki, ngunit bumagsak naman sa kanyang harapan ang isang lalaking nakabigti. Napatakip na lang siya ng mata at kumaripas ng takbo.

Sa may pasilyo ay natanaw niyang may tao, kaya sumigaw agad siya. Nasa may dulong parte ng dormitoryo ang kanyang kwarto kaya mas binilisan niya ang pagtakbo upang abutan ito.

“Tulungan niyo ako! Umalis na tayo dito!” sigaw ng lalaki.

Hindi naman gumagalaw ang tao sa pwesto nito, ngunit ng makalapit siya ay nakita niyang babae ang nakatayo.

“Ate! Ate! Samahan mo ako, umalis na tayo dito! May sa demonyo ang lugar na ‘to!” sigaw niya sa babae, ngunit hindi pa rin ito kumikilos.

Napalunok lamang si Kier nang mapatingin sa repleksyon ng babae sa salamin, dahan-dahan niyang nilingon itong muli at nakitang duguan din ito. Hindi na niya maipalawanag ang mga takot na nadarama.

“Tulong…” muling sambit ng duguang babae.

Umalis si Kier at nagtungo sa may labasan, kung saan nakita niyang natutulog ang bantay.

Advertisement

“Kuya! Kuya!” pagsigaw niya dito, “t-tawagan mo yung roommate ko, sabihin mo wag nang umuwi, bilis!” nagmamadaling utos niya.

Nagising naman ang bantay at tila ba naguluhan sa sinasabi ng lalaki, “ikaw yung nakatira sa may dulong kwarto, hindi ba?”

“O-opo, sabihin mo kay Kevin, wag na muna siyang umuwi. May multo sa kwarto!” habol hiningang sabi ng binata.

“Eh hijo, ikaw lang naman mag-isa ang nakatira sa kwarto mo ah, paano ka magkakaroon ng roommate?” naguguluhang tanong muli ng bantay.

“Teka, Kevin ba kamo?” agad na pagbawi ng bantay, “Ang pagkakaalam ko, Kevin ang pangalan nung estudyante gsa sa dormitoryo na ito, gawa ng bumagsak daw sa thesis at hindi naka-graduate.”

Natigilan naman si Kier sa narinig. Hindi siya makapaniwala na matagal na palang pumanaw ang kasama niya sa kwarto. Umalis siya sa dormitoryo at nagtungo sa pinakamalapit na bukas na kainan.

Ngunit sa kanyang paglalakad ay tinanaw niya ang kanyang kwarto at nakitang may babaeng nakasilip doon. Sa likod naman ng babae ay nakita niyang nakatayo din ang matagal na palang pumanaw na roommate, si Kevin.

Sa isang fast food chain na lamang nagpalipas ng magdamag si Kier. Kinabukasan ay naghakot siya ng mga gamit, at nagdala ng pari. Ito lamang ang pwede niyang gawin upang mapatahimik na ang mga kaluluwa doon.

Advertisement

Napag-alaman niyang babae pala ang unang nakatira sa kwartong iyon, ngunit walang awa itong pinaslang at ginahasa ng mga lalaking nakatira sa kabilang kwarto lang. Pumanaw ito na inihahataw ang ulo sa pader.

Sumunod naman ay si Kevin. Graduating student ito, ngunit ibinagsak daw ng professor sa dalawang subject at thesis. Natanggal din ang scholarship na ibinigay dito noon. Hindi daw naman nakayanan ng binata ang mga nangyari kaya isinabit nito ang sarili sa kisame at doon binawian ng buhay.

Ipinagtirik ni Kier ng kandila ang mga yumaong sa kwartong iyon. Kasabay ng taos pusong pagdarasal para sa mga kaluluwa. Nakalipat naman na din siya sa mas bago at magandang dormitoryo.

Nanood muna siya ng video sa cellphone bago matulog. Ipinikit niya ang kanyang mga mata ng makaramdam na ng antok, ngunit sa kanyang pagpikit ay isang pamilyar na tunog na naman ang kanyang narinig.

“Psssst!”