Likas na ang Pagiging Chismosa sa Babaeng Ito; Napaurong ang Dila Niya nang Masaksihan ang Isang Nakakakilabot na Pangyayari sa Butas ng Kwartong Kanyang Inuupahan

Bata pa lang ay likas nang chismosa si Desiree. Lahat ng chismis simula sa kanila hanggang sa kabilang baryo ay alam niya. Wala rin sikretong nalilihim sa kanya mula sa kanyang mga kaklase. Asahan mo na pag natunugan niyang may komosyon ay nandoon siya.

Nang makapagtapos ng 4th year high school ay napagdesisyunan ng kanyang pamilya na ipadala siya sa Maynila upang doon mag-aral ng kolehiyo. Naisip ng kanyang mga magulang na baka sakaling mabawasan ang kaaway ng dalaga kapag sa Maynila na nag-aral. Dahil nga likas na chismosa ay madaming nakakaaway si Desiree.

Bago pa lamang siya sa Maynila noon. Nakahanap siya ng isang murang boarding house na tutuluyan. Dahil nga walang kamag-anak o pamilya sa Maynila, naisipan niyang umupa na lamang din ng bed space.

May kalumaan na ang boarding house at may nakakatakot na awra ito, pero dahil mura ay pinatos na lamang din niya. Mabait naman ang land lady at mukhang wala naman silang magiging problema.

Inikot niya ang buong establisyemento upang makita ang kabuuan nito. Sa pag-iikot na iyon ay nalaman niya na ang nakatira sa itaas nila ay kabit, yung nasa baba naman ay durugista at yung nasa pinaka-itaas ng building ay mga p*kpok sa gabi.

Ganun kabilis siyang makakuha ng detalye. Parang bang kapangyarihan ang makatunog sa mga bagong chismis, ngunit isang pangyayari pala ang babago sa kanya at sa pagiging chismosa niya.

Alam na niya ang bawat istorya ng mga tao sa bawat bahay doon, subalit hindi niya alam kung sino ang nakatira sa katabing kwarto niya. Isang araw habang kagagaling lamang sa eskwela ay nakarinig siya ng isang malakas na sigaw mula kabilang kwarto.

“Ayoko na! Pagod na pagod na ako!” sigaw ng babae sa kabila.

Advertisement

Napatayo si Desiree sa kama at saka inilapit ang tenga sa pader upang marinig ang nangyayari, “mukhang away mag jowa ata ito ah?” nakangiti niyang bulong sa sarili.

“Kapag hindi ka pa tumigil ako na mismo ang tatapos sa lahat ng paghihirap at pasakit na ibinibigay mo sa akin!” muling sigaw ng babae.

Sa kanyang pakikinig ay nalaman niyang may butas pala sa pader niya na nagkokonekta sa pangalawang kwarto. Nakatakip ito ng masking tape na napinturahan. Dahan-dahan niya itong tinuklap at saka sinubukang butasin.

“Siguro nambabae ang jowa nito o ‘di kaya naman ay binubugbog ang babae,” natatawa niyang sabi sa sarili.

Nang tuluyan niyang matuknap ang masking tape ay tumambad ang isang may kalakihang butas kung saan malaya ang kanyang mga mata na makakatanaw sa looban ng kwarto.

Nakita niya doon ang isang babaeng nakaupo sa sahig na nakatalikod mula sa butas na pinagsisilipan niya. Mukhang matindi ang pinagdadaanan ng babae. Dahil iyak ito ng iyak habang sumisigaw.

Noong makaramdam ng pagod ay muling tinakpan ni Desiree ang butas sa kanyang kwarto. Bago matulog ay iniisip niya ang mga relasyong sinira niya sa pagchichismis ng kung ano-ano tungkol sa mga magkasintahan. Natatawa siya sa tuwing iisipin niya kung paano nagtatalo at nag-aaway ang mga ito sa mga chismis na kanyang ginawa.

Alas tres ng madaling araw ay nabulabog siya ng malakas na ingay na katulad na katulad ng kanyang narinig noong nagdaang araw lang. Iisa at iisa lamang ang iniiyak at isinisigaw ng babae.

Advertisement

“Diyos ko naman po! Wala bang patawad sa pag-aaway ang mga ito? Mga hindi ata marunong magpatulog. Nakakasira ng kagandahang ang mga ito ah,” inis na sabi niya habang pinipilit matulog.

Nakarinig siya ng isang malakas na sigaw kasunod ng isang malamig na hangin. Laking gulat niya nang makitang nilipad ang masking tape na nakadikit sa kanyang pader. Napalunok na lamang siya at nakaramdam ng matinding takot.

Ilang gabi pa na naulit ang ganoong pangyayari. Alam niyang chismosa siya, ngunit nabubulabog na siya dahil lamang sa pagtatalo ng mga tao sa kabilang kwarto. Kinabukasan ay napagdesisyunan niyang ireklamo na lang ito sa may ari ng bahay.

“Aling Felly, sino ho ba yung nakatira sa katabing kwarto ko?” iritableng tanong ng dalaga.

“Bakit ineng? Ano ang problema?” balik na tanong naman ng matanda.

“Nahihirapan na ho kasi akong matulog sa gabi kasi maya’t maya ata nag-aaway yung nakatira doon. Sigaw ng sigaw tapos sunod-sunod naman ang kalabog. Di maintindihan kung galit ba o nagwawala na eh,” dagdag na reklamo pa ni Desiree.

“Pasensya ka na ah? Ano kasi ineng, wala namang nakatira sa katabing kwarto mo. Mag-iisang taon na rin na hindi ko pinaupahan iyon,” paliwanag pa ng matanda.

Natigilan naman ang dalaga sa narinig. Biglang nagtaasan ang kanyang mga balahibo sa kilabot na nadarama. Hindi na siya makapagsalita pa. Sinundan naman ng isang paliwanag pa ng land lady ang naguguluhang si Desiree.

Advertisement

“Sasabihin ko na sa iyo ang totoo, ineng ha? Mayroon kasing babae na tumira sa kwartong katabi mo dati. Mabait iyon at maganda. May lahi kasi ang ama kaya’t napakaganda ng mga mata niya. Para bang nag-aagaw na berde at brown na mapupungay.

“Ang balita namin ay niloko daw at iniwan ng boyfriend niya noon iyong babae. Ilang araw siyang hindi lumabas ng kwarto. Nang umalingasaw ang isang masangsang na amoy ay doon namin nakita na wala na pala siyang buhay.”

“Nakita sa result ng awtopsi na naglaslas ang dalaga at doon binawian ng buhay sa sahig kung saan siya natagpuan na nakahiga. Simula noon ay hindi ko na pinaupahan pa ang kwartong iyon,” paliwanag ng matanda.

Mas lalo namang nakaramdam ng kilabot si Desiree sa rebelasyong ginawa ni Aling Felly. Dahil doon ay naisipan niyang lumipat na lamang siguro ng ibang tirahan, ngunit nanghihinayang siya sa baba ng upa na sinisingil. Kaya’t lakas loob na lamang niyang ipinagsawalang bahala ang mga nalalaman.

Isang hapon habang nagpapahinga ay nakarinig na naman si Desiree ng ingay mula sa kabilang kwarto. Narinig na naman niya ang pagsigaw at pag-iyak na madalas naririnig. Hindi niya alam kung anuman ang pumasok sa kanyang isipan at sinubukan niyang sumilip sa kabila.

Nakita niyang muli ang babae, ngunit sa pagkakataong ito ay nakatayo na ang babae habang nakatitig sa lokasyon ng butas kung saan siya nakatingin. Lumakas ang kabog ng dibdib niya at dali-daling humiga sa kama. Labis na takot na ang kanyang nadarama.

Matapos ang isang malakas na sigaw ay kalabog ay biglang nagkaroon ng nakakabinging katahimikan. Nang maging kalmado na ang lahat ay naglakas loob siyang muling sumilip, sa pagkakataong ito ay parang nagkaroon ng malaking harang sa butas na pinagsisilipan.

Tila ba natakpan ng ‘di niya mawariang bagay na kulay berde na halos brown na ang kulay. Doon lamang niya naalala ang deskripsyon ni Aling Felly sa babae, mayroon magandang mukha, mabait, at kulay berde na naghahalong brown na kulay na mga mata.

Advertisement

Napalunok siyang muli at saka nakaramdam ng panlalamig sa buong katawan. Matapos noon ay nakarinig siya ng isang malakas na kalabog at sigaw na nangagaling sa butas. Sa sobrang takot ay hindi na nagawang lumabas pa ng boses sa kanyang pagsigaw.

Umurong ang dila ni Desiree dahilan para hindi siya makapagsalita. Iyon na ang huling beses na sumilip siya sa butas at hindi na muli pang bumalik sa paupahan. Sa ngayon ang nagpapa-therapy siya upang muling makapagsalita. Dahil sa pangyayari ay nagkaroon ng malaking depekto si Desiree sa kanyang dila, dahilan para pansamantalang hindi makapag-usap.

Magmula noon ay natutunan na ni Desiree na tigilan na ang pagiging chismosa at paki-alamera sa buhay ng ibang tao. Natuto na siya na alalahanin na lamang ang sariling buhay kaysa sa buhay ng iba.