Sagupaan sa Sabungan

“Mga kapitbahay! Mga kapitbahay! Nariyan na si Mrs. Reyes! Nariyan na si Mrs. Reyes!”

Tila isang musika sa pandinig ng mga ina na marinig ang pangalang “Mrs. Reyes”. isang matabang ginang na nagmula pa sa Maynila at buwan-buwang nagtutungo sa liblib na baryo na iyon sa Siquijor. Naghahanap ito ng mga babaeng naghahanap ng trabaho sa Maynila, bitbit ang pag-asang maiaahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Isinasama nito pabalik ng Maynila ang mga babae, na ikinatutuwa naman ng mga magulang nito, dahil nag-iiwan ito ng pakimkim. Isa sa mga nakahandang sumama kay Mrs. Cruz si Bebeng, 22 taong gulang.

Mahirap ang buhay sa Sitio Lawag, ang pangalan ng kanilang baryo. Kakaunti lamang ang mga naninirahan dito, kaya’t kabisado na nila ang pangalan ng mga tao. Madali na rin nilang malaman ang “baho” ng isa’t isa.

Noong nakaraang buwan, naghahanap si Mrs. Reyes ng mga dalagita na may edad 15 hanggang 17 para maging kasambahay. Kailangan daw makinis at maganda. Tatlo ang naisama niya sa Maynila. At balita nila, malaki raw ang kinikita at naipapadala sa kanilang mga magulang. Ngayon, muling naghahanap ang ginang ng mga babaeng nasa 18 hanggang 25 taong gulang, may malakas na pangangatawan, at matapang.

“Hindi ka ba maarte?” Tanong ni Mrs. Reyes kay Bebeng. Sinusuri siya nito mula ulo hanggang paa.

“Hindi po. Kahit saan po, at kahit ano pang trabaho ‘yan, kaya ko po ‘yan. Basta legal lang po.”

Kasama si Bebeng sa apat na dalagang naisama ni Mrs. Reyes sa Maynila. Kinakabahan si Bebeng. Nakakaramdam siya ng pagkasabik sa naghihintay na pakikipagsapalaran sa Maynila. May kaba at takot din siyang nasasalat sa kanyang damdamin. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya…

Advertisement

Pagdating sa Maynila, saglit silang kumain sa isang fast food chain. Panay ang pakikipag-usap ni Mrs. Reyes sa kanyang iPhone 8 na cellphone habang tahimik na kumakain ang apat na recruit, at ang dalawang mama na tila nakakatakot ang anyo.

Matapos kumain, dumiretso na sila sa bahay ni Mrs. Reyes.

“O girls, magpahinga muna kayo. Bukas, dadalhin ko na kayo sa mga trabaho n’yo.”

Kinabukasan, dinala ang apat na dalaga sa isang resthouse na nasa liblib na lugar, katulad ng Sitio Lawag. Hindi nila matukoy kung ito ba ay parte pa ng Maynila. Lahat sila ay nakatulog sa byahe matapos mag-spray ng pabango si Mrs. Reyes habang siya ay nasa loob ng kotse. Paggising nila, nasa loob sila ng isang malaking kwarto. Wala si Mrs. Reyes. Bagkus, isang malaking lalaki ang bumungad sa harapan nila.

“Ang gaganda n’yo.” tawa ng isa sa mga lalaki. “Sayang naman. Pero iyan ang gusto ko…” nakangising sabi ng lalaki. Nakaramdam ng takot sina Bebeng. Mukhang hindi maganda ang kanilang kinalalagyan.

Naisip nila, baka prostitusyon ang kanilang kasasadlakan. Subalit nagkamali sila.

Mahigpit ang bilin sa kanila na kailangan nilang manatili sa naturang resthouse sa loob ng isang buwan. Wala raw silang gagawin kundi magpalakas at mag-ehersisyo. Babayaran daw nang malaki ang kanilang mga magulang upang hindi maghinala ang mga ito sa kung ano ang kanilang tunay na trabaho. Hindi rin sinabi sa kanila kung bakit kailangan nilang mapalakas at mag-ehersisyo araw-araw.

Matapos ang isang buwang training, isinama silang apat, kasama pa ang iba pang mga babaeng gaya nila, sa isang arena. Para itong isang sabungan. Saka nila napagtanto na ito ay isang ilegal na gawain. “Human sabong” ang tawag nila. Imbes na mga tandang ang panabong, ang pagpupustahan ay mga tao.

Advertisement

Nagsidatingan na ang mga manonood at ang mga tataya. Hindi malaman nina Bebeng ang gagawin. Ang unang sasalang ay si Trining, isa sa mga kasama nila sa training. Malaking babae ang kalaban nito, na mukhang bihasa na. Kanya-kanyang pusta ang mga tao. May mga pumusta kay Trining, subalit mas maraming tumaya sa kalaban nito. Binigyan silang dalawa ng tig-isang punyal. Sa isang hudyat, nagsimula na ang laban.

Sa ikatlong rounds pa lang ay nadeklara nang panalo ang kalaban ni Trining. Sanay na sanay na ito. Si Trining naman ay sugatan at naliligo sa sariling dugo. Hindi makapaniwala sina Bebeng at iba pang mga babae sa kanilang nasaksihan. Inilabas sa arena ang katawan ni Trining.

Muli silang ibinalik sa resthouse. Kinausap sila ng lalaking “nakabili” umano sa kanila.

“Galingan n’yo kung ayaw n’yong mamatay!”

“Hayop ka! Pakawalan n’yo kami. Mga wala kayong awa!” Galit na galit na sabi ni Fina, ang isa sa kanilang mga kasama.

“Tumigil ka, babae kung ayaw mong sumunod kay Trining. Nabili ko na kayo, at wala na kayong magagawa pa. Huwag n’yong tatangkaing tumakas dahil kilala namin ang mga pamilya n’yo,” banta ng kanilang amo.

Pagkaalis ng kanilang amo, nag-usap-usap sina Bebeng, Fina, at Charice. Wala na si Trining dahil pumanaw umano ito sa maraming saksak.

“Mga demonyo ang mga taong iyon. Wala tayong kalaban-laban sa kanila. Kailangang makaisip tayo ng paraan kung paano makakatakas dito.” Sabi ni Bebeng sa kanyang mga kasama.

Advertisement

“Paano tayo tatakas? Bantay-sarado tayo rito. Marami siyang mga tauhan na nakabantay sa labas.”

“Ganito ang gagawin natin. Kahit na sinuman ang makuha sa atin sa susunod laban, kinakailangan nating magsakripisyo. Kailangan nating magpatalo. Pero sisiguraduhin nating hindi tayo mapupuruhan,” pagbibigay-panuto ni Bebeng.

Dagdag pa nito: “Kapag kunwari ay talo na tayo at itatapon na ang akala nilang walang buhay na katawan natin, pwede nang tumakas para makahingi ng tulong. Alam ko, isang sugal ang gagawin natin, pero walang ibang paraan para makatakas pa rito. Kung walang magsasakripisyo, lahat tayo ay mawawala sa mundong ito.”

Sumang-ayon ang lahat, kaya naman naghanda sila para sa susunod na laban. Nagpalakas sila at pinag-aralan ang mga tricks at paraan upang makasurvive sa darating na sabong.

At dumating ang araw na kanilang kinatatakutan. Si Bebeng ang napiling sumalang sa sabong. Kalaban niya pumaslang kay Trining. Sa isang hudyat, nagsimula ang laban. Hindi rin naman nagpatalo si Bebeng. Nakaunday rin siya ng saksak sa kanyang kalaban. Kailangan niyang makipaglaban para sa buhay niya, subalit naalala niya ang usapan nila. Ilang saksak at galos ang natamo ni Bebeng bago maideklarang natalo siya.

Nagkunwaring walang buhay si Bebeng kaya naman isinilid siya sa isang itim na plastik at itinapon na lamang na parang basura sa isang putikan. Nang makaalis ang mga nagtapon sa kanya, pinilit ni Bebeng na bumangon at maglakad upang makahanap ng tulong. Hilong-hilo na siya at nagdidilim na ang paligid dahil sa dami ng dugo na nawala sa kanya. Hanggang sa mapadapa siya. Pinilit niyang tumayo subalit hindi niya kaya.

Tuluyang napahandusay si Bebeng. Umusal siya ng panalangin. Naalala niya ang buhay sa Sitio Lawag kasama ang pamilya. Para niyang nakita ang mukha ng kanyang tatay at nanay na nakangiti sa kanya. At tuluyang naglaho ang natitirang silip ng liwanag sa katauhan ni Bebeng.

Pagdilat ng kanyang mga mata, nasa isang ospital siya. Mabuti na lamang at may nakapagsaklolo sa kanya. Agad na isinumbong ni Bebeng sa rumespundeng pulis ang tungkol sa human sabungan. Hindi nagpatumpik-tumpik ang kapulisan na magsagawa ng raid dito. Nahuli ang may-ari nito, mga kasosyo, maging ang mga tumataya. Maging si Mrs. Reyes ay hinuli at nakulong din. Nailigtas naman sa bingit ng panganib ang sina Fina at Charice.

Advertisement

Sama-sama silang bumalik sa Sitio Lawag. Sinalubong sila ng kanilang mga pamilya. Mas mabuti na raw na maghirap sila, basta’t sama-sama at walang banta ng panganib.

Napagtanto ni Bebeng na hindi dapat ibinibigay ang lubos na pagtitiwala sa mga taong nasa paligid, dahil maaaring nagpapanggap lamang ang mga ito. Nakahanap ng trabaho si Bebeng sa Siquijor bilang isang factory worker, nakapag-asawa ng isang dayuhan, at nabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Tuluyan niyang ibinaon sa limot ang kanyang mapait na karanasan, at hinarap ang magandang kinabukasan.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.