Mga Marka Mula sa Unang Gabi ng Mag-asawa

Halos isang taon din ang naging preparasyon ng engrandeng kasal ng magkasintahang sina Sheryl at Lino. Limang taon silang magkasintahan bago nauwi ang lahat sa kasalan. Kaya naman talagang pinag-ipunan ni Lino ang lahat upang mabigyan ng maganda at kakaibang kasal ang kanyang pinakamamahal.

“Sa isang isla? Tayong dalawa lang doon? Hindi ba parang nakakatakot ang ganoon?” tanong ni Sheryl nang ipakita ni Lino kung saan sila maglalakbay matapos ang kasal para sa kanilang honeymoon.

“Masaya iyon! ‘Di ba mahilig ka sa kalikasan? Pwede tayong magcamping, mamitas ng mga prutas, at dahil walang ibang tao doon, kahit hubo’t hubad ka pang maligo sa beach e ayos lang,” natatawang sabi ni Lino habang yakap nang mahigpit si Sheryl.

Naidaos ng masaya at puno ng pagmamahal mula sa mga kaibigan at kamag-anak ang kanilang kasal. Kinagabihan, bumiyahe na ang mag-asawa patungo sa isla kung saan nila pagsasaluhan ang unang gabi bilang mag-asawa.

Matapos ang mahigit apat na oras na biyahe, nakarating din sa wakas ang dalawa. Tunay ngang walang ibang tao sa islang iyon, at ang tanging paraan upang makaalis ay ang pagsakay sa espesyal na bangka. Bukas ng tanghali ay nakatakdang susunduin sila ng mga bangkero upang makabalik na sa siyudad.

“Asawa ko, dito ka muna sa kwarto ha? Magsisimula lang ako ng bonfire sa labas. Para doon tayo magkwentuhan at magkantahan,” ‘ika ni Lino sa asawa.

Maya-maya pa, nagsimula nang pagsaluhan ng dalawa ang kanilang gabi. Dala rin nila ang ilang bote ng wine na regalo ng isa sa pinakamayayaman nilang ninong sa kasal. Matapos ang isang bote’y nagawa pa nilang magbukas ng bago. Nakaramdam na rin ng pagkahilo si Sheryl, at hindi niya namalayang nakatulog na pala siya.

Pagmulat ng kanyang mga mata, masakit na masakit pa ang ulo niya nang tumambad sa kanya ang kanyang ama’t ina. Naroon din sa kwarto ng ospital ang mga magulang ng kanyang asawa.

Advertisement

Takang-taka siya kung paano siya napadpad doon, e ang huling alaala niya’y magkayakap pa silang natulog ng asawa sa tabing-dagat. Lalong dumagdag sa pagtataka niya nang masilayan ang braso’t mga binti niya.

“A- ano ito?! Bakit punong-puno ng tattoo ang buong katawan ko?!” uutal-utal na sambit ng babae. Bigla niyang naramdaman ang kirot ng buo niyang katawan. “N- nasaan ang asawa ko?! Anong nangyari? Magsalita kayo, parang awa niyo na!” humahagulgol na sumamo ng babae.

Nahimasmasan lamang ito nang dumating ang isang doktor at tinurukan siya ng kaunting pampawala ng sakit. Maya-maya pa’y nasilayan niya na rin ang asawang nakasakay sa isang wheelchair at tila ba may pasa at sugat sa katawan.

“Lino?! Mahal?! Anong nangyari sa’yo? Diyos ko!” muli na namang nataranta ang babae.

Doon na ipinaliwanag ni Lino ang lahat ng nangyari.

“Hindi ba’t nakatulog ka na matapos nating makainom ng alak? Binuhat na kita sa kamang hihigaan natin, nang biglang isang grupo ng mga katutubo ang bigla na lamang lumapit sa atin,” anito.

“Puro ito mga kalalakihan, malalaki rin at halatang batak ang kanilang katawan. Sinubukan ka nilang kunin sa akin. Binihag nila tayong dalawa at dinala sa kanilang lugar kung nasaan ang ilan pa nilang kasamahan. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi nila dahil ibang lenggwahe ito. Pero para bang nagdarasal sila at binebendisyunan ang katawan mo,” paliwanag ni Lino habang tumutulo ang mga luha.

“Iginapos nila ako dahil sinusubukan ko silang pigilan sa ginagawa nila sa’yo. Kaya rin nagkaganito ang katawan ko. Ang pagkakaintindi ko, ikaw raw ang bagong reyna sa lugar nila. Dahil sinasamba ka nila, at para bang iniaalay sa pinuno nila. Habang natutulog ka, doon nila sinimulan ang paglalagay ng samu’t saring tattoo sa katawan mo. Patawarin mo ako, wala akong nagawa,” humiyaw na sa pag-iyak si Lino.

Advertisement

Matapos ng paglalagay ng katutubong marka sa babae, mabuti na lamang at bumalik pala ang mga bangkerong naghatid sa kanila kanina. Naiwan daw kasi nila sa bangka ang ilang supply ng pagkain na gagamitin sana ng mag-asawa para sa agahan kinabukasan. Mabuti’t isa sa mga ito ay marunong ng salita ng mga nasabing katutubo.

Isang mahabang usapan ang naganap, at pinakawalan na ang mag-asawa. Napagkamalan daw pala si Sheryl na nawawalang asawa ng pinuno ng mga katutubo. Humingi ng paumanhin ang mga katutubong ito ngunit hindi na maiaalis ang natamong mga sugat ni Lino at mga tattoo sa katawan ni Sheryl.

“Sheryl, mahal ko, patawarin mo ako! Please, patawad!” halos hindi na makahinga si Lino sa paghingi ng tawad. Pakiramdam niya’y siya ang may kasalanan sa lahat ng nangyari.

“Mahal ko… Tama na, please. Wala kang kasalanan. Mahal na mahal din kita,” wika ni Sheryl habang niyayakap ang asawa.

“Wala itong mga markang ito kumpara sa mga sugat na natamo mo. At isa pa, bagay naman sa akin, ‘di ba?” natatawang sabi ni Sheryl habang pilit na pinagagaan ang loob ng kanyang asawa.

Nagyakapan ang dalawa at sabay na nagdasal sa Maykapal dahil pinanatili pa rin silang ligtas at buhay sa kabila ng mga nangyari.

Nagpatuloy sa pamumuhay ang mag-asawa. Buong puso namang tinanggap ni Lino ang mga marka sa katawan ng asawa nang dahil sa unang gabing sila’y magkasama. Sinimulan na rin naman nilang pag-ipunan ang pagpapabura sa mga nasabing tattoo. Sa katunayan, nang dahil sa nangyari’y mas lalo pang tumibay ang relasyon ng dalawang ito.