Pinaibig ng Lalaki ang Anak ng Isang Mayamang Negosyante Upang Palaguin ang Kaniyang Negosyo; Mawawala sa Kaniya ang Lahat nang Malantad ang Kaniyang Panloloko

Nasa lobby ng isang hotel si Tiffany nang makatanggap siya ng tawag mula sa isa sa mga tauhan niya sa restawran. Ipinaalam nito na nagkulang umano sila ng karneng baboy dahil nasira ang stock nila at hindi na raw kayang magdeliver ng supplier nila. Sinubukan na rin daw nilang humanap ng ibang suppliers ngunit walang may kayang makapagdeliver sa oras na kailangan nila para sa function nila mamayang gabi.

Nabahala si Tiffany sa sinabi ng kaniyang tauhan hanggang sa narinig niya ang pag-uusap ng isang lalaki at receptionist. Nagfafollow up ang lalaking ito sa proposal na ipinasa nito noong isang linggo tungkol sa pagsusupply sana ng karneng baboy sa hotel na iyon.

Dahil dito ay nilapitan ni Tiffany ang lalaki at nagtanong, “Excuse me, did I hear it right, isa kang pork supplier?”

“Yes po Ma’am. Pork supplier po ako sa iba’t-ibang restaurants sa lugar namin and gusto ko po sanang magventure na magsupply rin dito sa Manila,” sagot ng lalaki.

“Do you have complete papers and a copy of your proposal with you right now, Mister?” tanong ni Tiffany.

“Emil po Ma’am. Ito po ‘yong papers,” wika ni Emil habang inaabot ang mga dokumentong hinihingi ni Tiffany.

Nang matapos pag-aralan ni Tiffany ang mga papeles ay ipinaliwanag niya kay Emil kung gaano karami ang kailangan ng restawran niya na maideliver sa tanghaling iyon.

Ikinagulat ito ni Emil ngunit imbes na panghinaan ng loob ay mas nilakasan niya ang kaniyang loob at tinanggap ito bilang hamon na kailangang malampasan ng kaniyang negosyo upang mas maparami ang kaniyang mga kliyente.

Advertisement

“So, we’ll try you today. Kapag nagawa mong makapagdeliver on time with good quality products, who knows? Baka ito na ‘yong break na hinihintay mo sa Manila? We might get you as our regular supplier if you do well,” pang-eengganyo ni Tiffany.

Matapos nilang mag-usap ay agad nang inasikaso ni Emil ang order ni Tiffany. Habang ang dalaga naman ay patuloy pa ring pinahanap ang kaniyang mga tauhan ng iba pang mga suppliers upang makasiguro.

Dalawang oras na ang lumipas ngunit wala pa ring mahanap ang mga tauhan ni Tiffany. Namomroblema na ang dalaga nang bigla siyang nakatanggap ng tawag mula kay Emil na nagbigay sa kaniya ng pag-asa. Ipinaalam nito na nakaalis na sa warehouse nila ang delivery truck at papunta na ito sa restawran ng dalaga.

Pagkarating ng delivery ay agad na pinatingnan ito ni Tiffany sa kanilang chef. Bumilib sila sa magandang kalidad ng karneng baboy na ibinenta sa kanila ni Emil at sa mabilis na pag-deliver nito sa kanila.

“I’m impressed,” sambit ni Tiffany kay Emil.

Dahil dito ay kinuha ni Tiffany si Emil bilang regular na pork supplier ng restawran na ‘yon.

“Ang suwerte mo, Sir. Congrats! Kapag tuloy-tuloy na maayos ang pag supply mo dito ng karneng baboy ay baka gawin kang pork supplier ni Ma’am sa lahat ng branch ng restaurants niya. At ‘di lang ‘yon. Alam mo bang may hotel chain ‘yan sila Ma’am? Naku! Jackpot ‘yang negosyo mo pag nagkataon kaya mas husayan mo pa,” payo ng isa sa mga taga-kusina kay Emil.

Nang dahil dito ay mas pinaghusayan pa ni Emil at sinubukan niyang makipaglapit kay Tiffany.

Advertisement

Nagbunga naman ang kaniyang mga paghihirap sapagkat makalipas ang isang buwan ay ginawa nang pork supplier si Emil sa iba’t-ibang branch ng restawran ni Tiffany.

Dahil sa pagiging regular na supplier ni Emil sa mga restawran ni Tiffany ay madalas na nagkukrus ang kanilang mga landas lalo na sa tuwing sumasama si Emil sa pagdedeliver ng mga karne kung saan sila nagkikita ng dalaga.

Kung minsan ay nagkakape muna sila sa labas habang ibinabagsak ang mga karneng baboy sa restawran ni Tiffany hanggang sa madalas ay nagkakayayaan na rin sila na mag-agahan nang sabay. Dahil dito ay unti-unting nagkalapit ang dalawa hanggang sa sila ay nagkagustuhan na at naging magkasintahan.

Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Emil mula sa hotel na dati niyang pinagpasahan ng proposal kung saan sila nagkakilala ni Tiffany. Nais umano siyang makameeting ng mga bigating boss ng hotel chain na ito upang pag-usapan ang tungkol sa kaniyang proposal at sa balak nilang gawing pork supplier si Emil ng buong hotel chain ng kanilang pamilya.

Pagkatapos ng kanilang meeting ay binati ng Chairman na ama ni Tiffany si Emil, “Congratulations! I heard a lot about you from my daughter. I hope you do well.”

Labis na nagpasalamat si Emil at pagkaalis niya ay kinausap naman si Tiffany ng kaniyang ama, “Tiffany, masyado kang tiwala sa boyfriend mong pork supplier. Siguraduhin mong hindi ka niloloko niyan. Kaya ko lang siya kinuha bilang supplier sa hotel chains natin ay dahil sa rekomendasyon mo.”

“Dad, he’s not like that. We both love each other,” siguradong sagot naman ni Tiffany.

‘Di kalaunan ay nagbago ang paniniwalang ito ni Tiffany. Dahil noong isang araw, habang kumakain sila sa labas ni Emil ay biglang may sumugod na babae sa kaniyang kasintahan at sinampal ito sa harapan niya.

Advertisement

“Manloloko ka! Akala ko ba pure business lang? Eh bakit may pahalik-halik pa kayong dalawa?” pag-uusisa ng babae kay Emil.

“Miss, nakikita mo ba kung gaano na kalaki ‘tong tiyan ko? Anak niya ‘tong dinadala ko at ikakasal na kami sa susunod na buwan!” ang sabi naman ng babae kay Tiffany.

Ikinagulat ito ni Tiffany. Napatingin na lamang siya nang masama kay Emil na puno ng katanungan sa kaniyang isipan.

“Please let me explain,” wika ni Emil kay Tiffany.

Upang takasan ang kahihiyan na dulot ng eksenang ito na kumuha ng atensiyon ng mga tao sa restawran ay nagmamadaling umalis si Tiffany.

Kinuha ni Emil ang pagkakataong ito upang kausapin ang babaeng sumampal sa kaniya, “Mia, ano bang ginagawa mo rito?”

“Huwag mong ibahin ‘yong topic. So bagong babae mo na naman ‘yon?” tanong ni Mia.

“Ano ka ba naman? Hindi ko siya mahal. Ginagamit ko lang siya para sa negosyo ko. Kita mo nga’t ang dami ko nang sinusuplyan na mga restaurants at hotel dahil sa kaniya, ‘di ba? Ginagawa ko ‘to para sa atin. Para sa future nating tatlo ni baby,” paliwanag ni Emil.

Advertisement

Hindi sang-ayon si Mia sa ginagawang ito ni Emil. Kokontrahin pa lang sana niya ito nang biglang may babaeng sumampal dito at nagsabing, “Manloloko! Manggagamit ka lang pala!”

Bumalik pala roon si Tiffany dahil naiwan nito ang susi niya sa kotse at narinig nito ang lahat ng sinabi ni Emil.

“Tiffany, nagkamali ka ng intindi. Please let’s talk,” pakiusap ni Emil.

Hindi na ito pinansin pa ni Tiffany at muling lumabas ng restawran matapos niyang kunin ang kaniyang susi.

Hinabol siya ni Emil at sumunod sa kanila si Mia nang palihim.

“Tiffany, wait! Makinig ka naman muna sa akin. Hindi ko naman talaga siya mahal eh. Napipilitan lang akong pakasalan siya dahil buntis siya. Kung gusto mo’y makikipaghiwalay na ako sa kaniya at ‘di ko na siya pakakasalan,” pangungumbinsi ni Emil.

“Lahat talaga gagawin mo para makapangloko, ‘no? Kung ganoon kadali para sa’yo na gawin ‘yon sa kaniya, most likely ganoon din ang gagawin mo sa’kin. You better stop because I’ve already decided!” matapang na sagot ni Tiffany bago sumakay sa kotse nito.

Bago paandarin ni Tiffany ang sasakyan ay binuksan niya muna ang bintana ng kaniyang kotse at sinabi kay Emil na, “By the way, our lawyer will meet you tomorrow para i-process ang termination ng contract mo bilang pork supplier ng lahat ng restaurants at hotels ng family namin.”

Advertisement

Nanlambot si Emil sa sinabing ito ni Tiffany. Akala niya’y tuluyan na siyang naka-jackpot sa dalagang anak mayaman. Sa kaniyang pagkainis, nang makita niya si Mia na nakamasid sa malayo ay napagbuntungan niya ito ng galit. Sinisi niya ang kaniyang kasintahan sa nangyari sa pagkapurnada ng kaniyang pagyaman.

Sa kanilang pagtatalo ay biglang humilab ang tiyan ni Mia at dinugo ito. Agad siyang isinugod sa ospital ni Emil.

Mabilis mang nadala sa ospital si Mia ay nawala pa rin sa kaniya ang sanggol na dinadala niya sa kaniyang sinapupunan. Sa pangyayaring ‘yon at sa labis na pagdadalamhati ni Mia ay nakipaghiwalay na siya kay Emil.

“Ano, masaya ka na? Wala ka na ngayong rason para magpakasal pa sa’kin,” sambit ni Mia.

“Tingin mo ba talaga masaya ako na nawala ang anak natin? Hindi ko ‘yon ginusto,” wika ni Emil.

“Ikaw ang gumawa niyan sa anak natin. Dahil sa’yo at sa mga kalokohan mo ay nawala ang anak natin kaya ayaw ko na! Malaya ka na at ganoon din ako sa mga panloloko mo. Umalis ka na! Ayaw na kitang makita pa,” saad ng babae.

Labis ang naging pagsisisi ni Emil sa nangyaring iyon. Sa paghahangad niya na mapabilis ang pag-asenso niya sa buhay ay naging gahaman siya’t nagawa niyang makapanloko at manakit ng maraming tao. Nang dahil sa ginawa niyang iyon ay mas lalo siyang nawalan sa buhay. Nawala ang mga taong nagmamahal sa kaniya, bumagsak ang kaniyang negosyo, at higit sa lahat ay hindi niya na maibabalik pa ang nawalang buhay ng kaniyang anak.