Isinabay ng Lalaki ang Estrangherong Babae sa Kotse Dahil sa Isang Ordinansa;  Paano sa mga Susunod na Araw, Mauulit Pa Kaya?

Isinabay ng Lalaki ang Estrangherong Babae sa Kotse Dahil sa Isang Ordinansa; Paano sa mga Susunod na Araw, Mauulit Pa Kaya?

FunLoveStories

Umaga na naman. Kailangan na namang maghanda papasok ng opisina si Marius.

Nakahanda na siya nang bigla siyang may maalala. Nakalimutan niya, bawal na nga pala ang single rider sa EDSA. Nagmamadali siya dahil maraming gagawin sa opisina. Hindi pwedeng matiketan o makuha ang lisensya ko, sa isip-isip niya. Pa’no kaya to?  Bahala na, ‘ika niya.

Binabaybay niya ang Aurora Boulevard nang may mamataan ang kanyang mga mata sa tapat ng kiosk ng isang tindahan ng donut. Babaeng balingkinitan. Maputi. Hindi katangkaran, subalit malakas ang dating. May nunal sa kaliwang pisngi. Korporada ang postura. Namagneto si Marius. Mukhang nakabusangot na ang babae, halatang mahuhuli na sa trabaho. Nakahalukipkip.

Tamang-tamang mabagal ang usad ng mga sasakyan (anong bago roon?) at tamang-tama ring napahinto at napatapat ang kotse ni Marius sa kinatatayuan ng dalaga. Ibinaba niya ang bintana sa passenger’s seat.

“Miss, miss… sakay na, kung ayos lang sa’yo? Mukhang wala ka pang masasakyan, punuan kahit bus,”  bungad ni Marius.

Bantulot ang reaksyon ng dalaga. Halatang nabigla.

“Miss, ‘di ako masamang tao. Sakay na… “

Sumakay ang babae sa likurang bahagi ng sasakyan. Mababakas sa mukhang masaya subalit may ilang.

“Salamat, Kuya. Kailangan lang talaga eh. Late na ‘ko,” basag ng babae sa katahimikan. Kimi ang ngiti nito.

“Naku, salamat din. Mas kailangan kita. Bawal na ang single ngayon sa EDSA. I mean, single rider. Single pa naman ako,” nakangiting sagot ni Marius. Sinulyapan niya ang isinakay na babae at nagtama ang kanilang mga mata. Ngumiti ang mga mata nito, at maya-maya’y sabay na silang napahagalpak ng tawa.

“Marius nga pala… arkitekto ako, sa Makati ako pumapasok.”

“Trixie po pala, call center agent sa Ortigas,” matipid na sagot ng babae.

Kahit malakas ang loob, napipilan si Marius. Lumipas ang mga minuto ng pamamaybay sa EDSA na tahimik lamang silang dalawa. Nakikiramdam. Nagpapakiramdaman. Paminsan-minsang sumusulyap si Marius sa kanyang tagapagsalba, baka makatulog kasi ito at makalimutang hindi siya taxi drayber.

Naisip ni Marius, matagal na siyang walang kasintahan at matagal na rin niyang tanggap iyon. Pero para ipamukha pa ng EDSA iyon sa mga gaya niya, masakit na yata. Baka naman si Trixie na kaniyang isinakay ang matagal na niyang hinihintay?

Babasagin sana ni Marius ang katahimikan ngunit inunahan siya ni Trixie.

“Kuya, dito na lang po ako. Pababa na po. Salamat po.”

Inihinto ni Marius ang sasakyan sa waiting shed.

Umibis si Trixie palabas.

“Kuya, salamat talaga. Ingat ka lagi. Pagpalain ka ng Diyos.”

“Anong salamat, may bayad ‘yan.”

Nawala ang ngiti ni Trixie.

“Biro lang miss, ikaw naman. Ingat. Salamat din. Salamat at hindi ako single ngayon.” Nakangiting sabi ni Marius.

Sa pagmamaneho ni Marius ay nanghinayang siyang hindi man lang niya kinausap nang matagal-tagal si Trixie. Sa kahabaaan ng EDSA ay muling ipinaramdam ang kaniyang pag-iisa.

Subalit may napansin siya sa inupuan ni Trixie. Isang ID. Parang napanood ko na to ah, sa isip-isip ng binata.

Pagdating sa parking lot ng opisina, agad na kinuha ni Marius ang ID at binasa. ID ito sa pinagtatrabahuhang kompanya ni Trixie at mukhang bago-bago pa.

Trixie Elguerra.

February 20, 1989…

Status: Single…

Contact number: 0917*******

Parang nagliwanag ang paligid ni Marius. Nawala ang kaniyang pagod sa pagmamaneho.

Akala mo EDSA ah, hindi na ko bawal sa’yo, nakangiting bulong ni Marius sa sarili.

Pagdating sa kanilang opisina ay agad na pinadalhan ni Marius ng text message ang numerong nakalagay sa ID nito.

“Miss, ako yung nasakyan mo kanina. May nakalimutan ka. Nakalimutan mo yung ID mo sa sasakyan ko.”

Nang sumunod na mga araw ay nagkita nga sila ni Trixie at iniabot niya rito ang ID. Doon na nagsimula ang kanilang paglabas-labas. Hindi naman pala mataray at masungit si Trixie kundi malambing pa nga.

Mula noon ay lagi nang sinusundo ni Marius si Trixie, sa dating lugar kung saan niya ito unang nakita. Hanggang sa ligawan na niya ito at sinagot naman siya.

Lumipas ang ilang buwan. Naging maganda ang pagsasama nina Marius at Trixie.

Makalipas ang dalawang taon, hiningi na ni Marius ang kamay ni Trixie, tutal ay magkasundo na naman na ang kani-kanilang mga pamilya. Pumayag si Trixie. Makalipas ang ilang buwan ay ikinasal na rin sila.

Sa kanilang honeymoon, bago angkinin ni Marius si Trixie, ay may ipinagtapat muna ito sa kaniya.

“May dalawang bagay akong ipagtatapat ako sa iyo. Pero sana huwag kang mabibigla.”

“Ano ‘yun?” tanong ni Marius.

“Una, sinadya kong iwan ang ID ko sa sasakyan mo. Kasi alam mo ba, may nagsabi sa aking manghuhula, na kung sinong lalaking estranghero na mag-aalok ng sakay sa akin, sa hindi inaasahang pagkakataon, iyon daw ang mapapangasawa ko? Kaya iniwan ko ang ID ko. Alam ko kasing ibabalik mo sa akin.”

Hindi makapaniwala si Marius. Mukhang nagkatotoo naman ang sinabi ng manghuhula.

“Eh ano naman yung pangalawa?”

Natawa si Trixie.

“Para makalibre ako nang sakay, jinowa kita!”

“Ay grabe ka… kaya mo lang ba ako pinakasalan dahil may kotse ako?”

“Hindi. Pinakasalan kita kasi mahal kita. At gusto ko, magkasama na tayo sa biyahe ng buhay. Ikaw at ako…”

Hindi na natuloy ni Trixie ang sasabihin. Inangkin na ni Marius ang kaniyang mga labi, at magkayakap silang nagpatihulog sa malambot na kama…

More Stories