Isang Kakaibang Gimik ang Naisip ng Lalaki Upang Hingin ang Kamay ng Kaniyang Nobya Para sa Kasal; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?

Isang Kakaibang Gimik ang Naisip ng Lalaki Upang Hingin ang Kamay ng Kaniyang Nobya Para sa Kasal; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?

HeartbreakingKarmaStories

“Kasado na ang lahat. Sinabihan ko na si Evelyn na kumalma. Papunta na kami diyan. Maghanda ka na, ah.”

“Sige ‘tol, salamat ha?”

At ibinaba na ni Tony ang kaniyang selpon.

Kasado na nga ang lahat. Kinuntsaba niya ang kabarkadang si Vhong para sunduin ang kaniyang nobyang si Evelyn mula sa trabahong pinapasukan nito. Magpo-propose na siya ng kasal dito, at ang naisip niyang gawin ay kakaibang paraan: isang prank.

Medyo hindi ganoon kasimpleng tanggapin ang ganitong prank dahil parang nakakatakot isiping mangyayari ang kaniyang wedding proposal sa loob ng morgue. Kunwari ay naaksidente siya at hindi nakaligtas.

Kinuntyaba rin niya ang kaibigang beki na siyang nag-ayos sa kaniya para sa kunwaring make-up upang magmukha siyang b*ngkay.

Bago pa man humiga ay nagdasal muna siya para humingi ng gabay at patnubay sa Diyos, na sana ay maging matagumpay ang kakaibang wedding proposal na ito. Ang gagawin niya, bigla siyang babangon kapag iyak na nang iyak ang kaniyang nobya. Saka maglalabasan ang kanilang mga kaibigan na naroon din upang kuhanan ng litrato ang mga mangyayari.

Nag-text na sa kaniya ang kaibigan. Nariyan na umano sila sa labas.

Naghanda na si Tony. Maingat na siyang humiga. Mabilis naman siyang tinakluban ng puting kumot ng isang kabarkada. Mabilis din itong umalis.

Huminga naman nang malalim si Tony. Kailangan niyang pigilan ang kaniyang paghinga.

May narinig na siyang kaluskos, umingay at lumangitngit ang pintuan pabukas, tanda na ngang may pumasok.

Narinig niya ang hikbi ng kaniyang nobya. Dahan-dahang lumapit sa kaniya. Unti-unti nitong tinanggal ang puting kumot sa mukha niya. Napahawak ito sa bibig nang makita ang mukha ng nobyo. Maputlang-maputla na ang mukha ni Tony.

Hindi na napigilan ni Evelyn ang pagbuhos ng kaniyang emosyon. Pinigilan naman ni Tony na matawa dahil masisira ang kaniyang plano.

Maya-maya, nagsalita na nga si Evelyn.

“Ang daya-daya mo naman, mahal… bakit mo naman ako iniwan kaagad? Hindi ba nangako ka sa akin na mamamasyal pa tayo sa ibang bansa, kasi hindi pa tayo nakakapunta man lang sa ibang bansa? Anong nangyari sa pangakong iyon? Paano mo malalaman ngayon na magkaka-anak ka na, na magiging daddy ka na?”

Dinig na dinig ni Tony ang lahat. Nais na niya sanang bumangon para yakapin si Evelyn, at ipahayag ang kaniyang katuwaan na magiging tatay na siya, kahit na ang totoo ay hindi pa siya handa.

“Paano na ako, paano na ang magiging baby natin ngayong wala ka na? Inunahan mo ko. Akala ko, ako ang mauuna sa iyo. Ipagtatapat ko pa naman sana sa iyo na nagpunta ako sa doktor noong nakaraang araw, kaya pala naninikip ang dibdib ko dahil may sakit daw ako sa puso. Hindi ako puwedeng mabigla, mahal. At isa sa mga ikinababahala ng doktor, ngayong buntis ako, baka raw maging delikado ang buhay ko dahil sa kondisyon ko. Pero paano ko pa masasabi sa iyo ang mga bagay na ito kung wala ka na? Ang daya-daya mo, mahal!”

Nagulat si Tony sa mga rebelasyon ni Evelyn kaya hindi sinasadyang mapadilat ang kaniyang mga mata.

Kitang-kita naman ito ni Evelyn kaya ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita ang pagdilat ng mga mata ng inakalang b*ngkay ng nobyo.

Naitutop ni Evelyn ang kaniyang kanang kamay sa kaniyang kaliwang dibdib. Talagang nabigla siya, hindi siya makahinga, namumuti at nanlalabo ang lahat sa kaniyang paligid.

“Mahal, mahal… prank lang ‘to… buhay na buhay ako, hindi totoong naaksidente ako, ginawa ko ito para maging kakaiba ang wedding proposal ko sa iyo… mahal…  mahal!!!”

Nawalan na ng ulirat si Evelyn. Naglabasan naman sa kani-kanilang mga pinagtataguan ang kanilang mga kaibigan. Agad nilang binuhat si Evelyn at itinakbo sa ospital.

Subalit huli na ang lahat. Inatake sa puso si Evelyn. Wala na ito.

Hindi makapaniwala si Tony. Hindi ito ang inaasahan niya.

Ang inaasahan niya, isisigaw niya ang ‘It’s a prank!’, hahampasin siya ni Evelyn, mumurahin, sasabihan siya na buwisit siya, kung ano-anong kalokohan ang ginagawa niya, hanggang sa ilalabas niya ang singsing, luluhod siya, at tatanungin niya ang pinakamalaking tanong ng taon na ‘Will you marry me?’

Pero ngayon, wala na. Ang kunwa-kunwarian, nauwi sa totohanan. Hindi siya, kundi si Evelyn.

Sising-sisi si Tony sa ideya ng prank na naisip niyang gawin para sa lintik na wedding proposal, na sa halip na maging masaya, naging trahedya.

More Stories