Nagpanggap na Mayaman ang Dalaga sa mga Kaibigan, Laking Pagsisisi Niya nang Mabuking ang Kanyang Pagkukunwari

“Ma, alis na po ako, mahuhuli na ako sa klase!” maarteng sigaw ni Trixie.

“Umuwi ka ng maaga, ha. Huwag ka nang magpupunta kung saan-saan!” sabi naman ng inang si Aling Dolor.

Habang naglalakad ay panay ang bida sa mga kapitbahay ng bago niyang bag at sapatos na hindi halatang binili lang sa ukay-ukay ng ina dahil mukhang imported.

(photo for illustration purposes only.)

Hanggang sa pagsakay ng jeep ay hindi nagpapatinag ang dalaga at nagwisik pa ng pabango na inorder pa rin ng kanyang ina sa kumare nito.

Pagdating sa eskwelahan ay patuloy niyang ibinida sa mga kaibigan ang bago niyang bag at sapatos.

“Hi, guys! Look at my bag and my shoes! It looks expensive, ‘di ba?” aniya.

“Ow, maganda nga Trixie, saan mo nabili and how much?” wika ng sosyalera niyang kaibigan na si Casey.

“You know, binili iyan ni Mama, pero I don’t know kung saan!” palusot ng dalaga.

Advertisement

Hindi rin naman nagpakabog ang isa niyang kaibigan at pinahangaan siya ng mamahaling damit.

“Look, Trixie, bagay sa akin ang bago kong dress di ba?” sabi ni Lara, ang pinakamayaman niyang kaibigan.

“Wow, Lara, iyan ba iyong sinasabi mong dress na binili ng Mommy mo sa New York?” manghang tanong ni Ara, ang madaldal niyang kaibigan.

“Yes, ang mahal kaya ng bili dito ni Mommy, kaya ingat na ingat ako!” anito.

(photo for illustration purposes only.)

Natameme si Trixie sa ginawang pagpapainggit ni Lara. Alam niyang walang-walang panama ang bag at sapatos niya na binili lang sa ukay-ukay kumpara sa damit nito na binili sa New York.

Simula nang pumasok siya sa eskwelahang iyon ay umasta na siyang mayaman.

Ang trabaho ng nanay niya ay labandera at ang tatay naman niya ay taxi driver.

Karamihan sa mga estudyante sa pinapasukang eskwelahan ay may mga sinasabi sa lipunan. Masuwerte lang siyang nakapasok doon dahil sa nakuhang scholarship at dahil isa siyang honor student.

Advertisement

Dahil sa kagustuhang makasali sa grupo nina Lara na sikat sa buong eskwelahan ay natutong mangpanggap si Trixie na mayaman din siya.

Isang araw, napagpasyahan ng mga kaibigan na ihatid siya sa bahay niya. Hindi na siya nakatanggi dahil sa nagpumilit ang mga ito, kaya nakaisip siya ng solusyon.

“Wow, ang ganda naman ng bahay niyo!” manghang wika ni Ara.

“Dito ka ba talaga nakatira? In fairness, parang bahay ng artista,” sabi naman ni Casey.

“Hindi mo sinabi sa amin na ganyan pala kaganda ang bahay niyo, ha?” ani Lara.

“Ipapa-renovate pa nga iyan ni Papa, e. Gusto niya mas maganda pa,” paghanga pa niya.

(photo for illustration purposes only.)

“Really? Nakaka-excite naman! Puwede ba kaming pumasok, sige na, Trixie!” sabi ni Ara.

“Naku, may curfew kami sa bahay, e. Kapag alas sais na ng gabi ay bawal nang tumanggap ng bisita. Mahigpit kasi si Papa, e!” palusot niya.

Advertisement

“Sayang naman! Sige sa ibang araw na lang. Mauna na kami, Trixie, kita tayo bukas sa school!” paalam ni Lara.

“Okay, sige, bye bye! Ingat kayo!”

Nang makaalis ang kotse ni Lara ay lumabas naman sa loob ng bahay si Aling Dolor.

“O Trixie, anong ginagawa mo dito sa tapat ng bahay ni Madam Delilah?” takang sabi ng ina na ang tinutukoy ay ang bahay ng amo nito kung saan ito naglalaba.

Nag-isip siya ng idadahilan sa ina.

“A, e sinusundo ko po kayo, ma. Ano, tapos na po ba kayong maglaba kina Madam Delilah?”

“Tamang-tama ang dating mo dahil tapos na ako. Tara na at baka hinahanap na tayo ng papa mo!”

Sa isip ni Trixie ay nalusutan niya ang araw na iyon ngunit hanggang kailan niya itatago ang totoo niyang pagkatao sa mga kaibigan?

Advertisement

Nang sumunod na araw ay nagtataka si Aling Dolor kung bakit nawawala ang ilan sa damit na pinalabhan ni Madam Delilah sa kanya.

“Julio, nawawala ang tatlong blouse at isang palda ng anak na dalaga ni Madam Delilah. Malalagot ako kapag nalaman niyang nawawala ang mga damit! Saan naman kaya napunta ang mga iyon!” nag-aalalang sabi ng babae sa asawa.

“Hon, baka naman nasama lang sa mga itiniklop mong mga damit o di kaya’y naibalik mo na sa bahay nina Madam?” anito.

“Ewan ko, pero nawawala talaga, e! Diyos ko wala akong perang pambayad ng mga nawawalang damit!”

Sa eskwelahan ay suot-suot pala ni Trixie ang isa sa mga blouse at palda na hinahanap ng ina. Siya ang kumuha ng mga iyon para ipagyabang sa mga kaibigan.

(photo for illustration purposes only.)

“Wow, Trixie nice outfit na naman, ha!” manghang sabi ni Ara.

“Oo nga, may bago ka na namang damit, sinong nagbigay?” sabi ni Casey.

“Regalo lang ‘to sa ‘kin ng tita ko na nasa Canada. Ang ganda di ba?”

Advertisement

Napaniwala na naman niya ang mga ito sa kasinungalingan niya.

Napagkasunduan na naman ng mga kaibigan niya na ihatid siya sa bahay niya at gaya ng dati ay sa tapat ng bahay ni Madam Delilah niya ipinahinto ang kotse ni Lara ngunit hindi niya inasahan ang madadatnan niya. Pagkababa niya sa kotse ay nakita niyang binubulyawan ni Madam Delilah ang kanyang ina sa labas ng bahay nito.

“Sa iyo ko ipinagkatiwala ang mga damit tapos iwawala mo lang?!” sigaw ng babae.

“Pasensya na po, madam. Hindi ko po talaga alam kung bakit nawala. Hindi ko po sinasadya!” paliwanag ni Aling Dolor.

Hindi niya napigilan ang sarili at nilapitan ang ina.

“Ma, ano pong nangyayari?” tanong niya.

Nagulat ang babae nang makitang suot niya ang damit ng anak nito.

“O, bakit suot ng anak mo ang damit ng anak ko, sabi mo nawala? Naku, Dolor niloloko niyo akong mag-ina. Bayaran niyo iyan!” patuloy na bulyaw ng babae.

Advertisement

“Naku, sorry po, Madam. Wala po akong alam sa ginawa ng anak ko, pero ako na po ang humihingi ng tawad sa ginawa niya!” pakiusap ng ina.

“Basta bayaran niyo ang mga ninakaw niyong damit kundi ipapapulis ko kayo!” anito at pumasok na sa loob ng bahay.

(photo for illustration purposes only.)

Tumingin sa kanya ng makahulugan ang ina.

“Magpapaliwanag ka sa akin sa bahay, uwi!”

Nakita ng mga kaibigan ni Trixie ang mga nangyari at nakaramdam ng awa ang mga ito sa kanyang ina.

Pagdating sa bahay ay umamin si Trixie sa ginawang kasalanan. Inamin niyang lahat sa mga magulang ang pagkuha sa mga damit ng amo at pagpapanggap na mayaman sa mga kaklase.

“Bakit mo naman nagawa iyon, anak? Ikinahihiya mo ba kami, ang buhay natin?” sabi ng ina.

“Anak, hindi mahalaga kung mahirap o mayaman ka, ang mahalaga ay ang pagiging mabuting tao,” wika naman ng ama.

Advertisement

“Sorry po, ma, pa! Hindi ko po akalaing aabot sa ganito ang mga ginawa kong kalokohan. Sana po ay mapatawad niyo ako. Pinagsisisihan ko po ang lahat!” mangiyak-ngiyak niyang sabi sa mga magulang.

“Huwag ka lang sa amin humingi ng tawad, magpaliwanag ka rin sa mga kaibigan mo,” ani Aling Dolor.

Kinaumagahan ay kinausap niya ang mga kaibigan at ipinagtapat din niya ang totoo sa mga ito, na hindi talaga siya mayaman at nagmula lang siya sa simpleng pamilya.

“Hindi mo na kailangang mag-sorry, Trixie! Nakita namin kagabi ang mga nangyari. Dapat kasi nung una pa lang ay sinabi mo na sa amin ang totoo. Hindi naman kami matapobre at hindi naman kami namimili ng kaibigan. Tanggap ka namin kung sino at ano ka,” paliwanag ni Lara.

“Salamat sa inyo. Ano friends pa rin tayo?”

“Oo naman. Walang iwanan!” tugon ng tatlo.

Ipinakilala ni Trixie ang mga kaibigan sa kanyang mga magulang at isinama sa totoo nilang bahay. Nagpaliwanag din siya kay Madam Delilah at humingi ng paumanhin sa mga nagawa. Pinatawad naman siya ng mayamang babae. Mula noon ay hindi na niya ikinahiya ang tunay na estado ng kanilang buhay, na ang mahalaga ay ang pagiging totoo sa sarili at pagiging mabuting tao.