Sa Edad na Disi-Siete, Naging Isang Ama na Ako

Disi-dsiete anyos lamang noon si Gabby nang unang beses na nagkaroon ng nobya. Tulad ng maraming kabataan, isa si Gabby sa mga naging mapusok na bata. Sa murang edad, kanilang sinubukan ang isang bagay na tanging mag-asawa lamang sana ang gumagawa.

“Sige na naman, isang beses lang naman natin gagawin,” pag-aaya ni Gabby sa nobyang si Sherina.

“Pero kasi, natatakot ako. Di pa naman natin dapat ginagawa yung ganun,” pagtanggi naman ng dalaga.

“Akala ko pa naman mahal mo ako. Akala ko handa mong ibigay lahat sa akin, pero mali pala ako. Wala ka palang tiwala eh,” pagmamaktol naman ng lalaki.

“Sige na…” manihang sabi ng babae.

Pinairal ni Sherina ang kanyang puso at nagpadala sa bugso ng damdamin. Ibinigay niya ang lahat sa nobyo at ginawa ang isang mapusok na bagay.

Makalipas ang dalawang buwan. Lumuluhang nagpunta ang babae sa bahay nila Gabby.

“Hindi pa ako dinadatnan. Dalawang buwan na rin. Nag positive ako sa pregnancy test. Ano nang gagawin natin?” lumuluhang saad ng dalaga.

Advertisement

“Paano mabubuo iyon? Isang beses lang naman nating ginawa ah?” naguguluhang tanong ng lalaki.

“Isang beses nga lang, pero nandyan na eh. Nabuo na. Ano nang gagawin natin?” iyak ng iyak na tanong ng dalaga.

Disi-syete anyos lamang si Gabby nang makabuntis na siya. Labis ang takot na nararamdaman niya. Hindi niya alam ang gagawin.

“Pero paano nga ang gagawin natin? Hindi ko pa kaya ang mabigat na responsibilidad. Wala akong alam sa pagpapalaki ng bata. Pareho pa tayong estudyante!” problemadong sagot ng lalaki sa kanyang nobya.

Noong una’y labis na sermon ang inabot nila mula sa kanilang magulang. Muntikan pang bugbugin ng kanyang ama si Gabby noong ipagtapat nila ang totoo, pero buti na lamang at nahimatay ang nanay ng binata kaya naibaling dito ang atensyon.

Nagsama sina Gabby at Sherina sa iisang bubong habang hindi pa naisisilang ang bata. Habang nasa sinapupunan pa, napagdesisyunan na ng bawat partido na ipaampon na lang ang bata. Mahirap lamang ang buhay noon at wala namang kakayahan ang magkasintahan na buhayin ang anak.

Pero lahat ng iyon ay nagbago nang kanilang unang beses na nasilayan ang ngiti ng sanggol. Ika-15 ng Abril 2011, eksasktong araw na dumating ang isang anghel sa buhay nila. Walang paglagyan ang kaligayahan ni Gabby nang mabuhat sa unang pagkakataon ang kanyang anak.

“Bakit ko ba ipapaubaya sa ibang tao ang pag-aalaga at pagpapalaki sa anak ko?” tanong niya sa kanyang isipan habang nakangiting pinagmamasdan ang tulog na sanggol.

Advertisement

Huminto muna siya sa pag-aaral at napagdesisyunang alagaan muna nila ng kasintahan ang kanilang anak.

“Basta, magsasama tayo at magkatuwang na bubuuin ang pamilya natin ha?” sabi ni Gabby sa kanyang nobya.

Naging maayos ang takbo ng kanilang pagsasama noong una, subalit makalipas ang tatlong buwan, bumitaw si Sherina sa kanilang plano at iniwan ang mag-ama. Sumama ito sa mga magulang at nagpakalayo-layo.

Napakasakit para kay Gabby ng nangyari. Pero kahit na ganoon, ayaw niyang maging mahina. Kailangan niyang maging matatag at ituloy ang buhay para sa anak.

Biyernes ng hapon noon. Sobrang bigat ng kanyang nararamdaman at para bang hindi na niya kakayanin pa ang mga susunod na araw. Nagpasya siyang magtungo sa simbahan at doon iiyak ang lahat ng kabigatan.

Muli siyang lumapit sa Diyos. Humingi siya ng tawad sa mga kapusukang nagawa at nangakong iaayos na ang buhay, tulungan lamang siya sa suliraning ito.

Doon din niya naisip ang mga sakripisyo ng magulang para lang maigapang ang pag-aaral niya noon. Halos mabaon pa nga sila sa utang matustusan lamang ang kanyang pag-aaral.

Lubos na pinag-isipan ni Gabby ang mga susunod niyang gagawin. Kinausap niya ang mga magulang at humingi ng tulong sa muli niyang pagbabalik sa eskwela.

Advertisement

Doon niya naranasan ang lahat ng hirap. Natutunan niyang magbanat ng buto para may ipagatas at ipangtustos sa pangangailangan ng anak. Natutunan niyang magtimpla ng gatas at mapuyat kapag nagigising sa madaling araw ang bata. Naranasan din niyang pumasok sa eskwela na madalas ay walang tulog at pahinga.

Matapos ang ilang taong paghihirap, at sa suporta na din ng mga magulang, nagawa ni Gabby na makausad. Nakatawid na sila ng kanyang anak sa bagong kabanata ng kanilang buhay. Dahil Marso noong nakaraang taon, umakyat siya sa entablado para tanggapin ang diploma niya sa kolehiyo.

Nakangiti siyang humalik sa anak matapos kunin ang diploma at saka bumulong: “Para sayo anak, pangako ni papa na ipaglalaban ko ang kinabukasan mo.”

Para sa kasintahang nang-iwan noon at sa mga taong nangmaliit at tumuligsa sa kanya, pinatunayan niyang may pag-asang nag-iintay sa batang ama na tulad niya. Natutunan niya na kung marunong tayong bumangon mula sa pagkakamali, makakamtan pa rin natin ang tagumpay sa bandang huli.