Hindi pa Rin Sapat sa Batang Ito ang Pagkakaroon ng Marangyang Buhay; Ano Pa Kaya ang Nais Niya?

Hindi pa Rin Sapat sa Batang Ito ang Pagkakaroon ng Marangyang Buhay; Ano Pa Kaya ang Nais Niya?

FamilyLoveStories

Si Andrew ay ang nag-iisang anak ng mag-asawang negosyante na sina Raymond at Sharon. Sila ay kilala sa pagiging matagumpay nila sa kani-kanilang mga kumpaniya na siya namang napakalaki na nang kinikita ngayon.

Sa laki ng kanilang kinikita ay malaki na rin ang kanilang naipon na kahit ba hindi na magtrabaho ang anak nila hanggang sa pagtanda nito ay hindi ito mauubos. Dahil dito ay naibibigay nila ang lahat ng mga pangangailangan at mga luho ng kanilang anak na si Andrew nang walang pagdadalawang-isip gaano man ito kamahal.

Ngunit kahit na kay Andrew na ang lahat na kinaiinggitan ng karamihan ay tila ba’y hindi pa rin siya kuntento sa mga ito. Madalas siyang napapaaway sa kanilang eskwelahan dahil sa pang-aagaw niya ng mga laruan ng kaniyang mga kaklase.

“Hon, pinapatawag na naman tayo ng teacher ni Andrew sa school,” ani Sharon sa asawa.

“Ano na namang bang ginawa niya? Kailangan ba talaga tayong pumunta? Hindi ba puwedeng si Yaya na lang ang makipag-usap tapos sabihin niya na lang sa atin?” sunud-sunod na tanong ni Raymond.

“Hindi eh. Kailangan isa raw sa atin ang pumunta,” sagot ni Sharon.

“Iyon naman pala eh. Baka puwedeng ikaw na lang? Sunud-sunod kasi ‘yung meetings ko nun,” pakiusap ni Raymond.

“Ikaw nga sana ang papapuntahin ko dahil puro meetings din ako. Paano kaya ‘to?” wika ni Sharon.

Napaisip ang mag-asawa at pilit na kinumbinsi ang bawat isa na makipag-usap sa guro ni Andrew. Bandang huli ay napagkasunduan nila na parehas na lang silang pumunta para patas sa kanilang dalawa.

Nang makausap nila ang guro ni Andrew ay napag-alaman nilang nakipag-away ang kanilang anak dahil na naman sa isang laruan. Sa pagkakataong ito ay dahil naman sa laruang sasakyan.

“Anak, why are you doing this? Bakit ka ba nakikipag-away nang dahil lang sa toy car? Eh ang dami-dami mo nga niyan sa bahay, ‘di ba?” tanong ni Sharon kay Andrew.

“Hindi mo kailangang mang-agaw. Anong klaseng toy car ba ‘yan at bibilhin ko ‘yan kahit ilan pa ang gusto mo,” ang sabi ni Raymond sa kaniyang anak.

“Hindi niyo po kayang ibigay sa’kin ‘yun. Nag-iisa lang ang toy car na ‘yun,” tugon ni Andrew.

“That’s impossible! We can give you everything!” sambit ng ama nito.

“Hindi ko rin naman po kailangan ng maraming laruan,” wika ni Andrew.

“So bakit parati kang nang-aagaw ng toys ng classmates mo to the point na nang-aaway ka?” nagtatakang tanong ng ina nito.

“Puno po kasi ng masasayang alaala ang mga laruan na ‘yun kasama ang mga magulang nila sa tuwing naglalaro sila nun. Gusto ko lang naman po malaman ang pakiramdam na may laruan na puno ng masasayang alaala kasama ang mga magulang. Kasi kahit marami po akong mga laruan ay wala naman akong alaala na kasama kayong laruin ang mga ‘yun kahit isang beses. Nabibigay niyo po ang lahat sa akin maliban sa oras niyo. Oras na makasama kayo bilang mga magulang ko at bilang isang buong pamilya tayo,” pahayag ni Andrew.

Ikinagulat ng mag-asawa ang kanilang narinig. Napagtanto nila na masyado silang naging abala na palaguin ang kanilang mga negosyo. Kung gaano karaming oras ang binigay nila sa mga ito ay ganun naman kakaunti ang naibigay nila sa kanilang nag-iisang anak. Sa pagsisigurado nila na maging maayos ang kinabukasan ng kanilang pamilya ay napabayaan naman nila kasalukuyang pangangailangan ng kanilang anak.

Nang dahil dito ay agad na humingi ng tawad ang mag-asawa kay Andrew.

“I’m sorry anak kung hindi ka namin nabigyan ng oras. Sorry kung inisip namin na magiging masaya ka basta mabigay namin ang lahat ng materyal na bagay na gustuhin mo,” wika ni Raymond.

“Hindi ka namin dapat pinabayaan at pinaubaya na lang sa mga yaya mo. Hayaan mong bumawi kami sa’yo ng Daddy mo,” sambit ni Sharon.

Mula noon ay binigyan na ng mag-asawa ng oras si Andrew. Sabay-sabay na sila kung kumain ng agahan at inihahatid pa nila ang anak sa eskwela. Maaga na rin silang umuuwi mula sa kanilang mga opisina upang sabay na makapaghapunan at makapaglaro o makapagkuwentuhan bago matulog. Bihira na rin pumasok ang mag-asawa tuwing Sabado at Linggo. Nilalaan na lamang nila ang mga araw na ito upang makasama ang kanilang anak. Kung minsan ay naglalaro lang sila sa kanilang tahanan o ‘di kaya’y namamasyal. Minsan naman ay nagbabakasyon sila sa bahay bakasyunan at talaga namang sinusulit na nila ang oras nila na magkakasama.

Nang dahil dito ay hindi na muling nang-agaw at nakipag-away si Andrew sa eskwelahan. Tuluyan na siyang nakuntento at naging masaya kapiling ang kaniyang mga magulang.

More Stories