Inday TrendingInday Trending
Plano ng Babae na Sirain ang Kasal ng Kaniyang Ex-Boyfriend; Hindi Inaasahang Bagong Pag-ibig Pala ang Matatagpuan Niya

Plano ng Babae na Sirain ang Kasal ng Kaniyang Ex-Boyfriend; Hindi Inaasahang Bagong Pag-ibig Pala ang Matatagpuan Niya

Maitim na ang ilalim ng mga mata, sabog-sabog ang buhok at tila ba wala nang gana pa sa buhay si Valerie. Ika nga, losyang kung tawagin. Paano ba naman, magdiriwang na sana sila ng ika-limang anibersaryo ng kaniyang nobyo nang mahuli niyang nambababae ito.

“Anong ibig sabihin nito?!” bulyaw ni Valerie nang makitang nakikipaghalikan sa iba ang kasintahan sa loob ng inuupahang apartment.

“Valerie, ‘wag kang mag iskandalo dito, please?” mahinahong tugon ng lalaki.

“Wag mag iskandalo, e harap-harapan mo akong niloloko?! G*go!” sigaw naman ni Valerie. “Hoy, ikaw babae! Alam mo bang may girlfriend ‘tong kinakalantari mo ha. Di ko alam na hindi pala pambababae ang gusto nitong tukmol na ‘to, pangangaso pala, dahil mukha kang aso!” dagdag pa nito.

“Sawa na ako sa’yo. Hindi na ako masaya. Ayoko na! Okay na ba? Tapos na tayo! Just get out!” matigas na tugon naman ng lalaki.

Parang tumigil ang mundo ni Valerie sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Hanggang sa hindi niya namalayan, nasa labas na pala siya ng condominium at wala sa sarili.

Gabi-gabi ay alak ang kasangga niya. Panlaban sa labis na hapding nadarama niya sa loob.

“Walang hiyang hinayupak na ‘yon! Bumili pa ako ng bagong underwear. Pati yung T-back ko pula tapos pinaghandaan ko pa, mambababae lang pala! Ang kakapal ng mukha! Gusto naman pala niya ng mukhang aso, sana sinabihan na lang niya ako para binigyan ko na lang siya ng askal!” hinagpis ng dalaga habang lumalagok ng mapait na alak.

Nasa prosesa na sana siya ng pag-usad nang malaman niyang nagpaplano na palang magpakasal ang dating nobyo at bago nito. Hindi matanggap ni Valerie na sa limang taon nila ay hindi man lang siya inalok ng kasal at doon sa bagong babae pa ito ginawa.

“Kung hindi ako sasaya, sisiguraduhin kong hindi rin kayo magiging masaya!” nakangising sabi ng dalaga sa sarili sabay tumawa ng malakas.

“Hoy, Valerie! Hinangin na ba ang utak mo at tumatawa ka nang mag-isa riyan?” sigaw naman ng ina ni Valerie sabay hampas ng kaldero sa ulo nito. “O, e ‘di balik ka sa katinuan ngayon. Nakakita ka ba ng bituin?” dagdag pa nito.

“Nay naman, ano ba?!” pagmamaktol naman ng dalaga.

Nakaisip si Valerie ng paraan upang mapigilan ang “Happy Ending” ng kaniyang ex-boyfriend. Pipigilan niya ang nalalapit na kasal nito.

Kinuha ni Valerie ang impormasyon tungkol sa dating kasintahan. Alas tres ng hapon, sa simbahan sa katabing bayan daw ito magpaparehistro. Pinaghandaan ni Valerie ang magiging kaganapan.

Kinuha niya ang make-up, itim na bestida at malaking shades sa mata. Kailangan niya ito upang mapigilan ang kasal sa ayaw at gusto ng mga tao.

Suot ang makapal na pekeng pilikmata at pulang lipstick, nagtungo doon si Valerie. Saktong alas tres nang makita niya ang lalaki at babaeng nag rerehistro, panahon na para bumida-kontrabida siya sa kasalang ito.

“Matapos mong kunin ang lahat sa akin, iiwanan mo na lamang ako na parang pinagsawaang laruan!” sigaw ni Valerie na tila ba humahalinghing ang tono. “Ano bang wala siya na wala ako?!” sigaw pa ni Valerie.

Napalingon naman ang mga tao doon. Nanlaki ang mata ni Valerie nang mapansing hindi ang dating nobyo ang nagpaparehistro. Halos umusok naman ang ilong ng babaeng kasa-kasama ng lalaking pumipirma sa papel.

“Akala ko ba magbabago ka na? Sino itong babaeng ito? Isa ba sa mga kabit mo ha? May kasal ka pa diyan na nalalaman, pinaglololoko mo naman pala ako!” galit na galit na sabi ng babaeng nag rerehistro sa pag-aakalang kabit ng kasama si Valerie. “Magpakasal ka sa sarili mo!” sabay sampal ng papeles sa mukha ng lalaki.

Napatakip ng mukha at saka nagmamadaling umalis si Valerie. Dahil sa kaniyang katang*han, ibang kasal ang kaniyang nasira. Maling impormasyon pala ang kaniyang nasagap dahil nakarehistro na raw pala ito isang linggo pa ang nakakaraan.

Isang umaga, nakatanggap ng mensahe si Valerie. “Friend, kasal daw ngayon ng ex mo. Sa St. Michael Parochial Church daw! Alas diyes ngayon, bilisan mo!” sabi ng isang kaibigan.

Napatayo si Valerie sa pagkakahiga at saka nagmadaling magbihis at maligo. Naglagay siya ng mas makapal na pekeng pilikmata, pulang-pulang lipstick at pula ring bestida. Ngayon, sisirain niya nang tuluyan ang kasal.

Natunton niya ang simbahan at tila nagdaraos nga ito ng seremonyas. Binuksan ni Valerie ang pulang payong na dala at tinakpan ang mukha. Isang malaking pasabog ang kaniyang ipamamalas.

“Ang kakapal ng mukha ninyo! Wala sa inyo ang magiging maligaya! Ngayon, matiktikman ninyo at batas ng babaeng inagawan, nilolo at inapi! Itigil ang kasal!” sigaw ni Valerie habang unti-unting tinitiklop ang payong na dala upang ipakita ang mukha.

Nanlaki ang mga mata ni Valerie nang makita ang kaganapan. Maling seremonyas ata ang kaniyang napuntahan. May puting ataul sa gitna at lahat ay nakaputi at nakatitig sa kaniya.

“Hija, ayos ka lamang ba?” tanong ng pari.

“Diyos ko! Libing pala ang napuntahan ko. Nakakahiya! Lupa, pwede bang bumuka ka na lang at lamunin na ako?” bulong ni Valerie.

Halos lumubog sa hiya si Valerie. Mukhang maling impormasyon na naman ang nasagap niya. Muli na lamang siyang nagtakip ng mukha at nakayukong lumabas ng simbahan. Wala na siyang mukhang maihaharap sa mga tao.

Nagtungo siya sa isang malapit na parke. Umupo siya at nagbukas ng cellphone. Napaluha siya nang makita ang mga litrato ng dating nobyo na ikinakasal. St. Gabriel Parochial Church pala ang simbahan na napili nito, taliwas sa impormasyong kaniyang nasagap.

“Ginawa ko naman ang lahat… pero wala, talo pa rin ako,” lumuluhang sabi ni Valerie nang biglang may kamay na nag-abot sa kaniya ng puting panyo.

“Mukhang broken-hearted ka rin. Kunin mo na ito,” alok ng lalaki.

Kinuha ni Valerie ang panyo at saka pinunasan ang luha. Ibabalik na sana niya ang panyo nang mapatulala bigla sa hitsura ng lalaking nag-abot nito. Saksakan ng gwapo ang lalaki! Matangos ang ilong, maputi at matangkad.

“Brokenhearted ka pa sa lagay na ‘yan? Ang gwapo-gwapo mo tapos wasak ang puso mo? Kung manggagantso ka o holdaper, umalis ka na lang, wala akong pera!” sigaw naman ng babae.

“Wait, what?” bigla namang napahagalpak ng tawa ang lalaki. “Wedding ngayon ng ex-girlfriend ko. Kaso ipinagpalit niya ako sa malapit e. Hindi niya nahintay ang pag-uwi ko. Sayang, hindi ako umabot. Maling simbahan kasi yung napuntahan ko. Wrong information,” kwento pa ng lalaki.

Muli naman napatingin si Valerie. “Mukhang naka-move on na ata ako. Ang gwapo!” bulong ni Valerie.

“A-ano?” natatawang tanong ng lalaki.

Natauhan naman bigla si Valerie nang napagtanto na napalakas ata ang kaniyang pagkakasabi. Naupo sa tabi niya ang lalaki at nakipagkwentuhan. Tila ba napakagaan ng loob nila sa isa’t isa at parang kay tagal na nilang magkakilala.

Nalaman ni Valerie na ang gwapong lalaki ay ex-boyfriend pala ng babaeng ipinagpalit sa kaniya ng dating nobyo. Pero wala silang kamalay-malay, iyon na pala ang simula ng isang magandang pangyayari.

Naging malapit si Valerie at ang lalaking nakilala na itago na lamang sa pangalang John. Madalas silang lumabas at mas lalong napalapit ang loob sa isa’t isa.

Hindi naglaon, ang hindi inaasahang pagkikita noon ay nauwi sa nakakakilig na pag-iibigan. Nanligaw si John kay Valerie na agad namang sinagot ng babae.

Hunyo noong nakaraang taon, ikinasal si Valerie na may malaking ngiti sa labi habang nakatingin sa tamang lalaking nag-iintay sa kaniya sa tapat ng altar, si John.

Sino nga naman mag-aakala na dahil sa maling lugar na itinuro ng mga tao ay magtatagpo ang dalawang naliligaw na puso? Nakakakilig isipin na may kakaibang pamamaraan pala talaga ang tadhana sa pagpapakilala ng taong tunay na nakalaan para sa atin.

Advertisement