Hindi Maibabaon ang Lihim ng Balon

Pag-asa ng pamilya kung ituring si Joanne. Sapagkat naniniwala ang mga ito na ang dalaga na ang mag-aahon sa kanilang buhay. Hindi naging mahirap para kay Joanne ang makapagtapos ng may karangalan dahil matalino ito.

Kinailangan niyang lumuwas ng Maynila upang makahanap ng isang disenteng trabaho at magampanan ang responsibilidad sa pamilya. Alam niya na hindi niya dapat biguin ang mga magulang.

Sa wakas ay nakahanap na siya ng trabaho at malaki ang sweldo. Nangupahan siya sa isang maliit na kwarto. Maayos ang naging takbo ng kaniyang buhay sa Maynila. Madalas ay kausap niya ang mga magulang sa telepono.

“Anak, kapag hindi ka naman abala baka maaari ka namang umuwi dito, ha. Nangungulila na kasi kami sa iyo ng iyong tatay. Pero ‘wag mo kaming intindihin ng tatay dito at magsikap ka. Kailangan nating maibalik sa atin ang taniman na naisanla upang makapag-aral ka,” sambit ng ina ni Joanne.

Sa isipan ni Joanne ay masyadong mabigat ang nakaatang sa kaniyang responsibilidad kaya wala siyang panahon na magsaya man lang. Hindi niya dapat biguin ang kaniyang mga magulang.

Isang gabi habang naglalakad siya sa eskinita pauwi ng inuupahang kwarto ay may grupo ng mga kalalakihan ang dumampot sa kaniya. Dinala siya sa sementeryo at doon siya ay hinalay. Hindi siya nakapalag. Ang akala niya ay katapusan na niya. Kaya nang magising siya ay dali-dali siyang umuwi. Wala sa tamang pag-iisip noon si Joanne. Takot na takot siya dahil sa nangyari sa kaniya. Pakiramdam niya ay napakarumi na niyang babae. Ngunit hindi siya makapagsumbong sa pulis dahil malaking aberya at kahihiyan ito. Minabuti na lamang ni Joanne na lumipat ng inuupahan. Nabuhay siya na parang walang nangyari.

Ngunit isang araw ay natuklasan niya na nagbunga ang pananalbahe sa kaniya. Hindi niya alam kung paano ito sasabihin sa mga magulang kaya pilit na lamang niya itong itinago. Maliit ang kaniyang pinagbubuntis at maging ang mga kapitbahay ni Joanne ay hindi ito nahahalata. Ayaw rin naman niya ang bata dahil pinapaalala nito ang mapait niyang sinapit. Labag man sa kalooban niya ay gumawa siya ng plano. Pagkapanganak niya ay itinapon niya ang bata sa isang balon.

Upang makalimutan ang pangyayari ay napilitan siyang magtrabaho sa ibang bansa. Itinuon niya ang sarili sa pagtatrabaho ng sa gayon ay mabigyan na din niya ng magandang buhay ang kaniyang mga magulang. ‘Di naglaon ay nakaahon na din sila sa hirap. Nabaon na din sa limot ang mapait niyang nakaraan.

Advertisement

Ilang taon pa ang lumipas ay nakatagpo si Joanne ng mamahalin sa katauhan ni Sean, isang Amerikano. Dinala siya nito sa Amerika at doon na sila namuhay. Nagkaroon ng isang anak na babae si Joanne. Pinangalanan niya itong Macy.

Gustong-gusto ng mga magulang ni Joanne na makita na ang mag-anak. Kaya hiniling ng mga ito na umuwi naman sila sa Pilipinas.

Hindi na mahindian ni Joanne ang mga ito dahil matagal na rin silang hindi nagkakasama-sama kaya kasama ang kaniyang asawa at anak ay umuwi ng Pilipinas sila Joanne. Tuwang-tuwa ang mga magulang ni Joanne sa kanilang apo. Minabuti na din ni Joanne na ipasyal ang kaniyang mag-ama.

Nagpunta sila sa isang parke.

“Mommy, can I play with them po?” pagpapaalam ni Macy sa ina habang tinuturo ang mga batang niyaya siya. Ngumiti si Joanne at pinayagan ang anak.

Habang nag-uusap sila ng asawa ay nawala sa paningin niya si Macy. Nang tumingin-tingin siya sa paligid ay nakita niya ang anak na malapit sa isang balon.

“Macy, anak!” takot na napasigaw si Joanne dahil nakita niya ang kaniyang anak na pilit inaabot ang balon upang makita ang loob nito. “Huwag kang lumapit diyan, Macy!” Dali-dali itong tumakbo patungo sa anak upang kuhain niya ito.

Nang mahablot niya si Macy ay kinausap niya ito.

Advertisement

“Anak, huwag na huwag kang lalapit sa balon na iyan sapagkat delikado. Paano kung may mangyaring masama sa’yo o kaya mas malala ay mahulog ka riyan? Hindi ko maaatim na mawala ka sa akin! Anak, mangako ka na hindi ka na muling lalapit sa mga ganiyan,” natataranta na wika ni Joanne.

“Opo, mommy,” pagsunod ni Macy sa kanyang ina.

“Pero, mommy, pwede ka po ba ding mangako sa akin?” tanong ng anak.

“Sige, anak, kahit ano!” mabilis na tugon ni Joanne.

Saglit na natigilan ang anak.

“Mommy, pwede po ba huwag niyo po akong ihuhulog ulit sa balon tulad nung nangyari noon?” wika ng bata.

Kinilabutan si Joanne sa sinambit ng anak. Pilit man niyang kalimutan ang malagim na nakaraan ay tila nagbalik naman ang kaluluwa ng sanggol na itinapon niya noon sa balon sa katawan ng kanyang anak ngayon na si Macy. Napaluhod na lamang ito sabay yakap sa anak habang lumuluha.

“Patawarin mo ako sa nagawa ko, anak!” pagsisi ni Joanne.

Advertisement

Inamin ni Joanne ang kaniyang sikreto sa kaniyang pamilya at ipinaliwanag niya kung bakit niya ito ginawa. Magpahanggang ngayon ay pinagsisihan pa rin niya ang nagawang pagkakasala. At kahit kailan ay hindi na nagawa muli ni Joanne at Macy na lumapit pa sa balon.

Kahit gaano man natin itago ang ating nakaraan. Lalabas at lalabas pa rin ito paglipas ng panahon.