Upang Hiwalayan ng Kasintahan ay Binidyuhan ng Babae ang Malalaswang Ginagawa Niya Kasama ang Ibang Lalaki; Napaiyak na Lamang Siya nang Malaman ang Ginawa ng Kasintahan Matapos Mapanood Ito

Maganda, matalino, magandang hubog ng katawan at magandang kutis, halos lahat ata ay nasa kay Dianne na. Mayroon siyang mga totoong kaibigan, mapagmahal na pamilya at madaming manliligaw, tila ba pinagpala siya sa lahat ng bagay.

Marami mang katangian ang na kay Dianne na ipinagkait naman sa iba, ay isang bagay lang ang talagang kulang sa kanya, at iyon ay ang kapasidad na magmahal. Hindi alam subalit sadyang hindi lang siya makaramdam ng pagmamahal sa kanyang puso.

Ang babaeng kaedaran niya ay mayroong mga crush at boyfriend na, ngunit sadyang pagdating sa kanya ay hindi siya nakakaramdam ng kilig man lang. Marami siyang manliligaw, pero wala ni isa sa mga iyon ang bumihag ng puso niya.

Noong nagkolehiyo ay mas lalong dumami ang manliligaw ni Dianne. Kabi-kabila ang nakapila masungkit lamang ang matamis niyang ‘oo.’ Kahit sino naman ang biyayaan ng ganoong kagandahan ay paniguradong pipilahan din.

Sinubukan niyang makipagrelasyon, pero hindi sa mga kaedaran niya. Ayaw niya ng mga isip batang lalaki, lalong-lalo na ang mga mahihina ang utak. Halos lahat ng dine-date niya ay mas matatanda sa kanya.

Dahil nga wala siyang maramdaman na kahit ano, dumating si Dianne sa punto na nakaka-limang kasintahan siya sa loob ng isang buwan. Nakukuha kasi ng ilang lalaki ang interes niya, subalit mabilis siyang magsawa kaya’t hindi ito tumatagal ng isang linggo.

“Husgahan na ako ng kahit sino. Sabihin na nila ang gusto nilang sabihin, pero wala akong pakialam. Wala naman din talaga akong kwenta,” natatawang saad ni Dianne.

Sinubukan ni Dianne ang mga dating applications noon, pumukaw ng atensyon niya ang isang gwapong lalaki. Noong una ay masungit ito sa kanya sa palitan nila ng mensahe, kaya nakita niya ito bilang isang malaking hamon.

Advertisement

Bilang babae na sanay na sa mga landian, alam na alam niya kung paano aakitin at papaibigan ang mga lalaki. Lahat ay ginawa niya upang mahulog sa kanya ang binata, at nagtagumpay nga siya. Nahulog ang loob ng gwapong binata sa kanya.

Naging kasintahan niya ang gwapong si Gabriel. Nagkapalagayan sila ng loob at napagtanto niya na napakabuti ng puso nito. Madalas siyang napapatawa ng binata at pinaramdam nito sa kanya ang kakaibang saya na hindi naipadama ng iba.

Nagsama sila sa condo na tinitirahan ni Dianne. Naging mainit ang mga gabi nila at naging masaya naman ang bawat umaga sa kanilang buhay. Hanggang lumipas pa ang mga buwan at naramdaman na lamang ni Dianne na hindi na siya masaya.

Yung init at saya na nadama niya noon ay unti-unting nawawala. Nababato na siya at nakakaramdam na ng pagkainip sa kanilang relasyon. Kaya’t ginawa niya ang isang masakit na bagay na puwedeng gawin ng isang babae sa kanyang kasintahan, at iyon ay ang lokohin ito.

Gabi-gabi ay umaalis siya upang gumimik sa mga club at bar. Doon ay sumasayaw siya at nakikipaglandian sa kung sino-sinong lalaki. Dumating pa ang pagkakataon na lasing na lasing siya at sumama siya sa isang lalaki doon upang makipagniig.

Lasing siya pero alam niya ang ginagawa niya at alam din niya na alam ni Gabriel ang mga kalokohang ginagawa niya. Sadyang hindi niya alam kung manhid o nagbubulag-bulagan lang ang lalaki dahil harap-harapan na niya itong niloloko, ngunit hindi pa rin ito nakikipaghiwalay.

“Mahal na mahal kita, Dianne,” bulong ni Gabriel habang nakayakap mula sa likuran ng babae.

“Bakit mo ba ako minahal ng ganito? Hindi kita deserve Gab,” seryosong tugon naman ng dalaga.

Advertisement

“Hindi ko alam, pero lahat ay gagawin ko huwag lamang mawalay sa’yo. Ganoon kita kamahal,” sagot naman ng binata.

“Alam mo naman ang mga ginagawa ko, hindi ba? Bakit mo ba kailangan saktan pa ang sarili mo?” medyo inis na tanong ni Dianne.

“Kasi mahal kita. Iyon lang ang alam ko,” sagot muli ng lalaki.

Panandaliang itinigil ni Dianne ang pag-gimik. Tumigil din siya sa pakikipagkita sa iba’t ibang lalaki dahil nakaramdam siya ng konting awa sa kasintahan, subalit isang pagsubok na naman ang darating sa kanilang buhay.

Ilang araw bago matapos ang semester ay nalaman ni Dianne na nagdadalang tao siya, hindi sa kay Gabriel ngunit sa ibang lalaki na nakilala niya sa bar noon. Ipinagtapat niya ito sa nobyo at inaasahang hihiwalayan na siya nito, ngunit nagkamali siya.

“Buntis ako Gabriel at hindi ikaw ang ama,” seryosong sabi ni Dianne.

“Ayos lamang. Handa ako na panagutan ka. Ako ang tatayong ama ng batang dinadala mo. Handa akong maging ama sa dinadala mo, huwag ka lamang mawala sa akin,” sagot naman ng binata.

“Ano ba Gab?! T*nga ka ba talaga o nagbubulag-bulagan ka lang?! Niloko kita, okay? Bakit mo ako papanagutan?” asar na tanong naman ng dalaga.

Advertisement

“You are my life, Dianne. Hindi ko kaya na mawala ka. You brought happiness into my life, please… let me love you, Dianne.”

Bilang isang makasariling babae, pumayag si Dianne, pero hindi dahil sa mahal niya ang kasintahan kundi dahil nais lamang niya ng makakasama sa miserable niyang buhay. Idinamay niya ang lalaking totoong nagmamahal sa kanya dahil lang sa hindi siya masaya sa buhay.

Ginawa niyang parang isang alipin ang nobyo. Taga-luto, taga-linis ng bahay at tagapaglaba ng maruruming damit ang naging trabaho ni Gabriel sa piling niya. Kayang-kaya naman niyang magbayad ng kasambahay pero mas gusto niyang pahirapan na lamang ang lalaki.

May pagkakataon pa na sa tuwing magagalit o maiinis siya ay sasaktan niya ang lalaki. Minsan ay sasabunutan niya ito o kaya naman ay sasampalin ng walang dahilan, pero walang reklamo siyang narinig mula sa nobyo.

Isang araw habang pababa ng hagdanan ay sinadya ni Dianne na magpakahulog. Sinadya niya ito upang malaglag ang bata sa sinapupunan. Tagumpay naman siya dahil mahina ang kapit ng bata. Wala rin naman siyang plano na maging ina kaagad.

Sa ospital ay lumapit sa kanya si Gabriel, lumuluha ito at lumuhod sa kanyang harapan, “patawarin mo ako, Dianne. Kung mas naging alerto at maingat lang siguro ako, eh hindi sana mawawala si baby. Pasensya ka na.”

Laking gulat naman niya dahil sinisisi ng lalaki ang sarili niya sa pagkawala ng bata na sinadya naman niya talagang gawin. Kung alam lang sana ni Gabriel ang totoo, sana ay hindi na siya luluha ng ganoon.

Nagsama pa silang dalawa ng ilang buwan, subalit sadyang wala talagang maramdaman na si Dianne para sa lalaki. Kaya bumalik siya sa dating gawi. Gabi-gabi siyang nasa club at doon ay kinakatagpo ang kung sino-sinong lalaki.

Advertisement

Dumating pa ang pagkakataon na may inaya siyang lalaki upang makipagsiping, pero sa pagkakataong ito ay kinuha niya ang camera at saka ibinidyo ang malaswa nilang ginagawa. Ipinakita ni Dianne doon na siya’y sobrang naliligayahan sa kanyang ginagawa.

Matapos noon ay ipinadala niya ito sa kanyang nobyo. Labis na nasaktan si Gabriel sa napanood. Hindi niya inaasahang aabot sa ganoon ang kayang gawin ni Dianne. Halos mabaliw siya sa sakit habang pinapanood ang pag giling ng nobya sa ibang lalaki.

“Ayos ba ang performance ko?” tanong ni Dianne mula sa telepono.

“Bakit mo ba ginagawa ito, Dianne? Bakit?” lumuluhang tugon ni Gabriel.

“Kasi nga, I don’t want you in my life anymore! Pinagpipilitan mo pa ang sarili mo kahit na ayaw ko na sa’yo. Ngayon, lisanin mo na ang condo ko at ‘wag nang magpapakita pa! Ayoko na sa’yo!” matigas na pahayag ng dalaga sa telepono.

Halos isang linggo din na hindi umuwi ang babae sa kanyang condo. Sa paaralan naman ay iniiwasan niyang makita ang dating kasintahan. Namuhay siya ng malaya at nagpakasaya tulad ng dati.

Habang nasa bar ay nakatanggap siya ng isang text mula sa hindi kilalang numero:

“Simula ngayon ay wala nang mang-aabala sa’yo. Patawarin mo sana ako kung hindi ako sapat upang mapasaya ka. Sana ay mahanap mo ang tao na tunay na magpapaligaya sa’yo.” Alam naman niyang si Gabriel lamang ito. Kaya’t itinuloy na lamang niya ang pagsasaya.

Advertisement

Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaibigan. Isang malaking balita ang nagpatigil ng kanyang mundo.

“Wala na si Gabriel. Lumaklak daw ng sleeping pills, Dianne. Pumanaw na siya!” sabi ng kaibigang babae.

Hindi naman makapaniwala si Dianne, kaya agad siyang nagtungo sa tahanan nila Gabriel. Buong akala niya ay hindi siya papapasukin ng ina ng lalaki dahil sa ginawa niya, pero laking gulat niya na naging mainit pa ang pagtanggap nito sa kanya.

“Alam mo Dianne? Matagal na kasing depressed yan si Gab. Noong nagkahiwalay at iwan kami ng daddy niya ay labis na kalungkutan ang nadama niya. Nagulat na nga lang ako na isang araw ay bumalik ang mga ngiti sa labi niya.

Ikaw pala ang dahilan. Nakita ko ang mga litrato mo na nakaidikit sa kwarto niya. Ikaw ang muling nagbalik ng saya sa kanyang mga mata. Kaya salamat dahil sa maikling panahon ay naparamdam mo sa anak ko na pwede pa siyang maging masaya.

Nagulat na nga lang ako na isang araw ay nakita ko siyang umiiyak. Inamin niya na nahuli mo daw siya na may ibang babaeng kasama kaya kayo nagkahiwalay. Matapos ng araw na iyon ay natagpuan na lang namin siya na walang buhay,” kwento ng ina ni Gabriel.

Halos ‘di naman makakibo si Dianne. Burado lahat ng text message nilang ni Gabriel sa phone at kahit sa huling sandali ay prinotektahan pa rin siya ng lalaki. Durog na durog ang puso niya dahil alam niyang siya ang tunay na may kasalanan ng lahat ng ito.

Sa unang pagkakataon sa lumipas na ilang taon ay ngayon siya nakaramdam ng labis na sakit. Wala na ang tanging lalaki na totoong nagmahal sa kanya. Labis ang pagsisisi niya sa kanyang nagawa. Lumuha siya ng lumuha dahil hindi niya inakalang aabot sa ganito ang kanyang kasalanan.

Advertisement

Tuwing gabi ay binubulabog siya ng mga alaala ni Gabriel. Hindi siya makatulog at kusang tumutulo ang kanyang mga luha. Kahit anong gawin niya ay hindi na niya maibabalik ang mga naganap.

Kung hindi lamang sana siya naging manhid, siguro ay nasagip pa niya mula sa depresyon ang dating kasintahan. Wala siyang ibang pwedeng sisihin kundi ang kanyang sarili. Ipinagkait niya sa sarili ang pagkakataong magmahal at mahalin din pabalik.

Ngayon ay nagbagong buhay siya, ngunit dala niya sa kanyang dibdib ang bigat ng kasalanang minsang nagawa. Palagi niyang ipinagdarasal ang kapatawaran upang makalaya na sa masakit na pangyayaring naganap.