Parati na lang Nagluluksa ang Babae sa Pagkawala ng Kaniyang mga Mahal sa Buhay; Makalipas ang Ilang Araw ay Agad din Siyang Sumasaya

Ilang ulit nang iniwang luhaan ng mga dating kasintahan si Jenny kaya naman mula noon ay napagdesisyunan niya na hindi na siya muling iibig pa upang hindi na siya maloko ng mga lalaki. Nang dahil sa kaniyang mapait na karanasan sa mga lalaki ay iniiwasan niya na ang mga ito at hindi na pinapansin pa.

Ngunit mayroong isang lalaki na pilit na pumasok sa kaniyang buhay. Siya si Allan. Kahit na anong pag-iwas at hindi pagpansin ni Jenny sa kaniya ay nagpursigi pa rin siya sa pagsuyo sa dalaga kaya naman bandang huli ay nakuha niya ang atensiyon nito at naging magkasintahan sila.

Kahit na sila ay magkasintahan na ay mailap pa rin si Jenny kay Allan. Iniingatan niyang mahulog nang lubos sa lalaki sapagkat alam niyang labis lang uli siyang masasaktan kapag iniwan siya ng binata. Ngunit dahil sa patuloy na pagpupursigi ni Allan, bandang huli’y unti-unting lumambot ang puso ni Jenny sa kasintahan hanggang sa sila ay ikinasal.

Sa isang taon nilang pagsasama ay unti-unti nang binubuksan ni Jenny ang kaniyang sarili upang mahalin nang lubos ang asawa. Ngunit sa kasamaang palad ay biglang pumanaw si Allan nang dahil sa sakit nito sa puso.

Ikinagulat ito ni Jenny. Hindi niya akalain na magiging maiksi lang ang pagsasama nilang mag-aswa. Labis ang pagsisisi niya dahil hindi niya naibigay ang pagmamahal na nararapat kay Allan.

“Bakit ngayon pa, Allan? Bakit kung kailan handang-handa na kong mahalin ka nang buong puso ko saka naman ito nangyari? Bakit hindi mo man lang inantay na masuklian ko ang pagmamahal na binigay mo sa’kin?” ang sabi ni Jenny habang umiiyak.

Pagkatapos ng libing ni Allan, nang pauwi na ang lahat ay biglang hinim*tay si Jenny. Sa pag-aalala ng lahat ay agad siyang tinakbo sa ospital.

Nang magkaroon ng malay si Jenny ay sakto naman ang pagdating ng doktor at sinabi ang kaniyang kalagayan.

Advertisement

“There’s nothing serious naman but I think she’s been too stressed lately. She needs to rest well, especially now that she’s pregnant.”

“Congratulations!” pagbati pa ng doktor.

Biglang naluha si Jenny. Hindi niya inaasahan ang pagdadalang-tao niya ngunit labis niya itong ikinatuwa. Naging isa itong pagkakataon para sa kaniya upang ipamalas sa kaniyang anak ang pagmamahal na hindi niya lubos na naibigay sa kaniyang namayapang asawa.

Hindi pa man niya naipapanganak ang sanggol ay labis na ang pagmamahal ni Jenny para rito. Mas minahal pa niya ito nung nailuwal niya ang kaniyang anak na malaki ang pagkakahawig kay Allan.

Pinalaki niya ang kaniyang anak na si Allen na puno ng pagmamahal kaya naman labis din ang pagmamahal ng anak niya sa kaniya.

“Nawala man ang Daddy mo sa akin, iniwan ka naman niya sa akin. Mahal na mahal kita, anak. Hinding-hindi kita pababayaan,” ang sabi ni Jenny.

“Thank you, Mommy. ‘Wag po kayong mag-alala, hindi ko po kayo iiwan. Sisiguruduhin ko pong hindi ka na mag-iisa,” tugon ni Allen.

Ngunit ‘di nagtagal ay nagkaroon din ng sakit sa puso si Allen kagaya ng kaniyang ama. Ginawa naman ni Jenny ang lahat upang mapagamot at mapagaling ang bata ngunit hindi pa rin ito kinaya ng puso ng kaniyang anak hanggang sa ito ay bumigay na.

Advertisement

Sa pagkawala ni Allen ay tuluyang naiwang mag-isa si Jenny. Hindi niya ito kinayanan kaya madalas siyang dumalaw sa puntod ng kaniyang mag-ama.

Isang araw pagdalaw niya roon ay hindi niya napigilang maglabas ng saloobin sa kaniyang mag-ama.

“Sabi niyo sa akin parehas niyo kong hindi iiwang mag-isa pero bakit ngayon, wala na kayo at mag-isa na lang ako? Bakit lahat na lang ng mga taong minahal ko ay iniiwan din ako? Bakit wala man lang natira? Hindi ba ako marunong magmahal kaya iniiwan na lang ako ng mga taong mahal ko?” pagtangis ni Jenny habang humahagulgol.

Nasaksihan at narinig ito ng isang matandang lalaki na naglilinis ng puntod sa malapit kaya naman nilapitan niya si Jenny at sinabing, “Anak, hiram lang ang mga buhay natin. Hindi natin masasabi kung hanggang kailan lang natin makakapiling ang mga tao sa paligid natin. Hindi rin natin masasabi kung sino ang darating at kung sino ang aalis. Pero ang masasabi ko ay kapag may umalis, may bagong dumarating.”

Hinagod ng matandang lalaki ang likod ni Jenny upang siya ay tumahan sa kaniyang pag-iyak bago ito umalis. Pinunasan naman ni Jenny ang kaniyang mga luha bago harapin sana ang matandang lalaki at pasalamatan ngunit pag lingon niya ay nawala na lang ito na parang bula.

Pagkauwi ni Jenny mula sa sementeryo ay may nakita siyang matandang lalaki sa harap ng kaniyang bahay. Nang makita siya nito ay dahan-dahan nitong binaba ang isang kahon at kumaripas ito ng takbo papalayo sa kaniyang bahay.

Sinubukan itong habulin ni Jenny ngunit nang may narinig siyang iyak ng sanggol sa kahong iniwan ng matanda ay agad niya itong nilapitan. Nakita niya ang isang sanggol at liham.

Ayon sa liham ay sadyang pinapaampon ng matanda ang kaniyang apo kay Jenny sapagkat pumanaw na ang mga magulang nito at hindi naman niya ito kayang alagaan nang mag-isa dahil siya ay may sakit at mas mahirap pa siya sa daga.

Advertisement

Biglang napaisip si Jenny. Ito na marahil ang sinasabi ng matandang lalaki sa sementeryo. Naisip niya rin ang kaniyang mag-ama na patuloy pa ring nakamasid sa kaniya sa kabilang buhay at nais siyang hindi maiwang mag-isa.

Nang dahil dito ay napagdesisyunan ni Jenny na ampunin ang sanggol. Itinuring niya ito bilang isang tunay niyang anak kaya naman labis din ang pinamalas na pagmamahal sa kaniya ng bata. 

Mula noon ay hindi na siya naiwan pang mag-isa. Nakasama niya ang sanggol na inampon niya at itinuring niya bilang tunay na anak hanggang sa kaniyang pagtanda.