Ang Tunay na Kagandahan

Hayskul pa lamang ay crush na crush na ni Joanna ang kaklase niyang si Rafael. Gwapo, matangkad, matangos ang ilong, chinito, at matalino pa! Kaya naman kahit na labis ang pagkagusto niya noon, hindi siya kailanman umasa na magugustuhan ni Rafael ang isang gaya niya.

Sa araw ng kanilang pagtatapos, nakatanaw lamang sa kalayuan si Joanna kay Rafael. Sa loob kasi ng apat na taong pagiging magkaklase, kailanma’y hindi sila nagkausap ng lalaki. Sigurado rin siya sa kanyang sarili na hindi naman siya napapansin nito dahil wala naman siyang ugaling katangi-tangi.

“Paalam sa’yo, Rafael. Salamat sa pagbibigay ng inspirasyon sa’kin sa apat na taon,” bulong ni Joanna sa sarili habang nakatanaw kay Rafael, na sa panahong iyon ay sinasabitan ng medalya bilang Valedictorian.

Kaya’t ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat makalipas ang apat na taon. Nang makatapos siya sa kolehiyo sa kursong Business Management, nag-apply siya sa isang maliit na kompanya bilang isang sekretarya.

“Joanna, ikaw ba ‘yan?!” gulat na tanong ng isang pamilyar na boses.

At hindi nga siya nagkamali. Iyon ay walang iba kundi ang lalaking sinisinta niya noong hayskul, si Rafael. Hindi niya akalaing kilala pala siya nito. Para bang tadhana na sila’y pinagtagpo ulit, dahil namamasukan din pala bilang isang Accountant si Rafael sa parehong kompanya.

Hindi nagtagal at lalong napalapit ang dalawa sa isa’t isa. Madalas kasing yayain ni Rafael itong si Joanna na lumabas at manood ng sine. Palagi rin siya nitong inihahatid sa kanilang bahay.

“Grabe. Buti na lamang at natuto na akong mag-ayos at maglagay ng make-up sa mukha. Kung hindi e baka hindi pa rin ako napapansin nitong si Rafael,” isip ni Joanna habang nagkikilay at naglalagay ng mga kolorete sa mukha, aalis kasi sila ni Rafael mamayang gabi upang kumain sa labas.

Advertisement

Hindi niya inasahan na ang gabing iyon pala ay ang pagtatapat ni Rafael ng pagmamahal para sa kanya. Sa gabing iyon, doon na naging opisyal na magkasintahan sina Rafael at Joanna. Masayang masaya itong bida nating dalaga dahil hindi niya kailanman inakalang magiging abot-kamay niya na ang lalaking dating pinapangarap lamang.

Ngunit sa kabila ng saya, naroon ang kanyang pangamba na sa oras na masilayan siya ni Rafael na walang kahit anong make up sa mukha ay hindi na siya nito magustuhan. Tunay kasing mahusay sa paglalagay ng make up si Johanna kaya naman ibang iba talaga ang hitsura niya sa tuwing tinatanggal niya na ang mga make up sa mukha niya.

Ilang buwan ang lumipas at lalong nagtibay ang pagsasama ng dalawa. Masaya si Johanna dahil para bang “match made in heaven” silang dalawa ni Rafael dahil sa halos lahat ng bagay ay magkasundo sila. Bihirang-bihira rin na sila ay may pagtalunan.

“Johanna! Sumama kayo ni Rafael sa team building natin ha? Magiging masaya ‘yon kapag kumpleto ang mga empleyado ng kompanya,” paanyaya sa kanya ng isa sa mga katrabaho.

“Oo naman! Masaya nga ‘yan, lalo na’t sagot ni boss ang lahat ng gastos,” tatawa-tawang tugon ng dalaga. Ngunit halos mangiwi siya nang malaman na sa isang resort sa Pansol, Laguna pala gagawin ang kanilang outing.

“Oh my gosh. Hindi ako pwedeng magswimming! Malamang sa malamang e mabura ang kilay ko. Mabura ang make up ko! Baka pandirihan ni Rafael ang hitsura ko,” halos maiyak na sa kaiisip itong si Johanna.

Dumating na nga ang araw ng kanilang outing. Iisa lamang ang plano niya. Magpapanggap na lamang siyang nilalagnat upang makaiwas sa pagsu-swimming. Makikipagkantahan na lamang siya at makikipagkwentuhan sa mga kaopisina…

Ngunit nabulilyaso ang lahat ng kanyang plano noong kinagabihan. Nagsimula na kasi ang inuman at karamihan sa mga katrabaho niya’y tinamaan na ng alak.

Advertisement

Habang naglalakad si Johanna patungong kwarto upang mag-retouch ng kanyang lipstick, bigla na lamang siyang itinulak ng lasing na si Arlene sa swimming pool!

“Di ka naman nilalagnat e! Magswimming ka na kasi kasama namin!” ani Arlene habang pinapanood itong si Johanna na bumangon mula sa pagkakatulak.

Nanlaki ang mga mata nila nang unti-unting nalusaw ng maligamgam na tubig ang mga kolorete sa mukha ng dalaga. Idagdag mo pa rito ang mga luhang unti-unting bumuhos sa kanyang mga mata.

“Babe! Ayos ka lang ba? Bakit ka umiiyak? Nasaktan ka ba?” nag-aalalang tanong ni Rafael sa kanya habang iniaahon siya sa pool.

“Bitawan mo ako! Oo na, pangit pa rin ako. Pangit kapag wala nang make up. Maiintindihan ko kung iiwan mo na ako,” umiiyak na sabi ni Johanna.

Nagulat siya nang biglang tumawa ng malakas itong si Rafael.

“Natawa ka pa talaga? Di mo man lang itago yong pagtawa mo?!” ani Johanna habang tinatakpan ang kanyang mukha.

“Babe naman… Para saan pang valedictorian ako noong hayskul tayo, kung aakalain mong malilinlang ako sa make up mo? Minahal kita hindi dahil sa hitsura mo. Minahal kita dahil ikaw lang ang babaeng nakilala ko na may ganyang kabuting puso,” malambing na wika ni Rafael sabay lagay ng kanyang tuwalya sa balikat ng nobya.

Advertisement

“Ayieee! Tama na ‘yan, ang daming langgam!” sabay sabay na pang-aasar naman ng mga kaopisina nila.

“T- talaga ba, babe? Akala ko kasi napansin mo lang ako ngayon dahil magaling na akong mag-ayos,” ani Johanna.

“Hindi… Mahal na mahal kita, Johanna. At kahit dati pa, gusto na kita. Nahihiya lang naman akong lumapit sa’yo noon dahil parang ang sungit mo e! Natorpe lang ako. Maganda ka, babe, pinakamaganda sa lahat. May make up man o wala,” dagdag pa ng binata, dahilan upang labis na mamula ang pisngi nitong si Johanna.

Nagyakapan ang magkasintahan. Sa wakas ay malaya na si Johanna sa mga kinatatakutan niya. Nang bigla namang sumabat itong lasing na si Arlene…

“Saka isa pa girl, ang dami mo namang pera, bumili ka ng waterproof na make-up! Hik!” at sabay sabay na nagtawanan ang magkaka-opisina.