Labis na Kinainggitan ng Babaeng Ito Ang Kaniyang Matalik Na Kaibigan Ngunit Sa Huli’y Napagtanto Niyang Mali Siya

Simula pagkabata ay magkasama na si Cherry at Alysa. Marami silang pagkakaparehas sa maraming bagay katulad ng kanilang edad. Parehas din silang bunso at kikay. Lumaki sila ng sabay at halos magkapatid na rin ang turingan sa isat-isa.

“Happy new year, sissy! Wish ko sana’y walang magbago sa’tin ngayong nakapagtapos na tayo ng kolehiyo. Mahal na mahal kita!” saad ni Alysa sa kaibigan habang nanonood sila ng fireworks sa kalangitan.

“Ako rin, sissy! Mamimiss kita! Alam ko naman na sa Maynila ka magtratrabaho e, iiwan mo na ako dito. Ito na ang unang taon nating magkakahiwalay, baka mamaya ‘pag nakakilala ka ng ibang kaibigan doon ay makalimutan mo nang may bestfriend ka dito sa probinsya,” baling sa kanya ni Cherry.

“Naku hindi, noh. Bestfriend kita at hindi na magbabago ‘yon, hindi ka mapapalitan ng kahit na sino, basta lagi pa rin tayong magbobonding ‘pag uuwi ako dito ha?” saad ni Alysa.

Kakatapos lang ng dalawa sa kursong Financial Manangament at si Alysa ay mas pinili na magtrabaho sa Maynila upang maiba naman daw sa kaniyang kinagisnang buhay.

At nagkaroon na nga ng kani-kaniyang trabaho ang dalawa. Si Cherry ay naging isang call center agent at si Cherry naman ay pumasok sa opisina na nasa ilalim ng pamamahala ng gobyerno ng Pilipinas.

“Sissy, kamusta ka diyan sa Maynila? Mukhang busy ka na ha, puro tour kayo sa mga post mo sa Instagram, nakakainggit!” saad ni Cherry kay Alysa habang kausap ito sa telepono.

“Hay naku, sissy! Sobrang stress ng work pero limpak-limpak naman ang sahod, alam mo ba na ang nasa kontrata ko ay 15,000 lang ang sasahurin ko pero nakakapaguwi ako ng halos 25,000 bawat sahod, ang dami-daming bonus dito, sissy! At yun nga, lagi rin kaming gumagala,” payabang na saad ni Alysa sa kaibigan.

Advertisement

“Ako ito, tinutupad yung pangarap nating makapagtrabaho sa gobyerno. Ayaw mo ba dito? Dito ka na lang! Para lagi tayong magkasama,” baling ni Cherry.

“Naku sissy, ayoko diyan! Boring! Tanders ang mga kasama, walang bonus at masyadong simple ang buhay para sa ganda ko hahaha,” wika ni Alysa.

“Siya sissy alis na ako, duty na muna,” paalam ng dalaga.

Sa tuwing mag-uusap ang dalawa ay parati na lang bukambibig ni Alysa ang laki ng sahod niya dahil nahihiya siyang aminin sa kanyang kaibigan na ang dahilan kung bakit hindi siya sa gobyerno nagtratrabaho ay hindi siya makapasa-pasa sa civil service exam.

Malaki ang takot ng dalaga na mahusgahan na walang narating sa Maynila lalo na’t si Cherry ay ipinagmamalaki sa kanilang lugar dahil sa kaniyang trabaho. Mataas kasi ang tingin ng tao sa probinsya sa mga taong nagtratrabaho sa gobyerno at ayaw ni Alysa na matabunan siya ni Cherry.

“Okay, okay kailangan maganda ka sa mga post mo! Kaya mo yan,” saad ni Alysa sa sarili habang nagsusukat siya ng magagarang damit sa mall at kinukuhanan niya ang sarili na suot ito para may mapost siya sa kaniyang Instagram. Ilang beses na rin siyang nasisimangutan ng mga sales lady sapagkat matapos magsukat ng sandamakmak na damit ay hindi naman ito bumibili.

Halos patayin rin ni Alysa ang sarili para lamang makasama sa mga paglabas-labas ng mga ka-opisina kahit pa nga hindi na siya kumakain ng maayos may maitabi lang na pera.

“Sissy! Pauwi na si tatay galing ibang bansa at balak naming mag-Davao tour, gusto mo bang sumama? Para masabi ko kay nanay at maisali ka sa pagbu-book ng flight,” text ni Cherry sa kaibigan.

Advertisement

Mas may kaya ang pamilya ni Cherry, seaman ang tatay niya at isang manager naman sa bangko ang kanyang ina.

“Naku sissy may Palawan tour kasi kami ng mga katrabaho ko. nakapag-book na kami! Ikamusta mo na lamang ako kay itay pag dumating. Babawi na lang ako pag-uwi ko diyan ngayong fiesta natin,” reply ni Alysa sa kaibigan ngunit ang totoo’y hindi naman siya nakasama sa pagbu-book sa Palawan dahil ang mahal ng package tour nila.

Ang mga magulang naman ni Alysa ay hiwalay na ngunit nagsasama pa rin sa isang bubong para buo pa rin daw ang kanilang pamilya. Bata pa lang si Alysa ay nakakaramdam na siya ng inggit sa kaibigang si Cherry lalo na sa kaniyang pamilya.

“Hays Alysa, kailan ka ba magpapakatotoo kay Cherry? Kaibigan mo ‘yon di ba? Bakit ganito ang nararamdaman mo? Hindi naman siya nakikipagkompetensya sa ‘yo pero bakit ganito?!” saad ng dalaga sa sarili sabay gulo ng kaniyang buhok.

At lumipas pa ang maraming taon na magkahiwalay na ang dalawang dalaga, minsan na lang silang mag-usap at magkita. Parati ring tinitignan ni Alysa ang Facebook ni Cherry at inggit na inggit siya rito dahil ibat-ibang parangal na ang nakukuha niya sa trabaho samantalang siya ay walang usad ang karera sa call center at walang ipon kundi puro kasinungalingan.

Umuwi si Alysa sa kanilang probinsya para sa kaarawan ng nanay ni Cherry, nagkita ang dalawa at agad siyang niyakap ng kaibigan, labis na inggit ang naramdaman niya.

Napakaganda nito at mukhang walang problema sa buhay, maganda ang trabaho, may nobyo at higit sa lahat ay masaya ang pamilya. Kaya naman pagkatapos niyang maibigay ang regalo ay agad na rin siyang lumayo sa mga tao at nagpunta na lamang sa roof top nila Cherry tsaka ito nanigarilyo.

“Alysa! Andyan ka lang pala!” saad ni Cherry dito. Agad namang nagpunas ng luha ang dalaga.

Advertisement

“Ohh, bakit ka umiiyak!? Miss na miss ko ang bestfriend ko!” dagdag pa ni Cherry.

“Wala, nahihiya lang akong humarap sa maraming tao dahil baka ikumpara nila tayo,” diretsong saad ni Alysa sa kaibigan.

“Ikumpara? Bakit naman? Ano ka ba?! Hindi! Alam mo ba na palagi kitang binibida dito sa atin, ang sinasabi ko pa nga ay masayang-masaya ka sa Maynila dahil sa wakas ay nagagawa mo talaga ang mga gusto mo at hindi ka nagpabulok dito sa sistema ng probinsya natin! Proud ako sa’yo dahil matapang ka!” saad ni Cherry.

“Hindi naman ako kagaya mo, tignan mo ang sarili mo natupad mo ang pangarap natin at maganda ang estado sa buhay, hindi katulad ko,” saad ni Alysa.

“Sissy! Hindi mo kailangang ikumpara ang sarili mo sa ‘kin at ang tagumpay ko ay hindi sukatan ng tagumpay mo! Ano ka ba, marami rin akong problema pero hindi ko hinahayaan na kainin ako ng mga ‘yon, sissy cheer up! Wala kang ibang kakompetensya kundi sarili mo lang at walang ibang tao ang makakapagdikta ng success mo sa buhay! At isa pa, hindi mo ako kaaway, kaibigan mo ako!” baling ni Cherry sabay yakap sa kaibigan.

Simula noon ay napagtanto ni Alysa na tama nga ang kaibigan niyang si Cherry at hindi niya kakompetensya ang babae, kaibigan niya ito. Kaya naman inayos ni Alysa ang kaniyang buhay, kumuha ito ulit ang civil service exam at nakapasa, ngayon ay nagtratrabaho na rin siya sa isa sa mga sangay ng gobyerno, matagumpay, masaya at higit sa lahat ay wala siyang tinapakang tao at walang kinaiinggitan.