Malapit nang Ikasal ang Bababeng Ito Ngunit Biglang Tumibok ang Kaniyang Puso sa Ibang Tao, Sino Kaya ang Pipiliin Niya?

“Beb, uuwi na si mama sa susunod na buwan. Excited ka na bang maging misis ko?” tanong ni Jack sa nobyang si Ava.

“Aba! Sino ba naman ang hindi magiging excited e ikakasal ako sa pinakamabait na anak, pinakaresponsableng lalaki at pinakamapagmahal na nobyo! Huwag kang magbabago ‘pag misis mo na ako ha! Sige ka, iiwan kita agad!” baling sa kaniya ng babae.

Anim na buwan na lamang ay ikakasal na ang dalawa, ang tagal rin inantay ni Jack na pakasalan siya ng dalaga dahil nobya na niya ito simula noong sila ay magkolehiyo hangang ngayon na apat na taon na silang nagtratrabah, natatakot na nga siyang baka magkasawaan na sila dahil malapit na e magsasampung taon na rin ang kanilang relasyon at mahal na mahal niya ang dalaga.

“Pangako ko sayo Ava, mas magiging mabuti akong asawa at araw-araw kong ipaparamdam yun sa’yo, habang buhay tayong magsasama, hangang dulo,” saad namang muli ni Jack sa babae saka nito hinalikan ang kamay at nagpakuha pa sila ng ilang litrato para sa kanilang prenup shoot.

Marami na rin silang napagdaan at alam niyang matibay na ang relasyon nilang dalawa. Marami nang sumubok na paghiwalayin sila, mapatempasyon man ito sa tawag ng laman, problema sa kaibigan o pera, lahat ng iyon ay nalagpasan nilang magkasama. Kaya labis na pinaghahandaan ni Jack ang bagong yugto ng kanilang buhay.

Sa kabilang banda naman ay nag-aaral parin si Ava ngayon, nagmamasteral siya sa kaniyang kursong accountancy at kahit na CPA na ay nais pa niyang mapalawig ang kaalaman.

“Friend, nakita mo na ba yung bagong classmate natin?” tanong ni Nina ang kaibigan ng babae.

“Sino? ‘Yong Enzo? Oo, bakit mo natanong?” saad naman ng dalaga sa kaibigan.

Advertisement

“Wala ang pogi kasi at ang hot ni kuya e! Kaso mukhang ikaw ang trip ate girl, parang ilang beses ka nang tinitingnan e, ‘di mo ba napapansin?” sagot ni Nina.

“Nako! hindi ko talaga mapapansin yun kasi hindi ko naman siya tinitingnan, at isa pa malapit na akong ikasal kaya wala na siyang pag-asa sa’kin,” sambit naman ng dalaga.

“Ay sus! E sa pagkakaalala ko, naawa ka na lang jan sa jowa mo dahil ang tagal-tagal niyo na at ilang beses ka nang niyayang magpakasal kaya naman ngayon nag yes yes yes I DO ka na. Susme friend! Parang ‘di mo ako kaibigan, hello!” baling namang muli ni Nina dito.

Mahal naman ni Ava ang nobyo nitong si Jack, tatagal ba naman sila ng siyam na taon kung hindi totong pag-ibig ang meron sila sa isat-isa. Pero nitong mga nakaraang araw ay parati niyang tinatanong sa sarili kung talaga nga bang handa na siyang magpakasal na nobyo o awa lamang ang nararamdaman niya dito.

“Malakas daw ang ulan ngayon, mukhang dito muna tayo sa school titigil, Enzo nga pala,” pakilala ng lalaki kay Ava. Malakas ang ulan ng mga oras na iyon dahil sa bagyong habagat at baha na rin ang daan kaya naman halos lahat ng istudyante ay na istranded. Malas lang ni Ava dahil hindi pumasok si Nina kaya wala siyang kasama.

“Hello,” maiksing sagot ni Ava dito.

“Ang iksi naman ng sagot mo, pero tinamaan ako agad sayo!” baling ng lalaki sabay ngiti sa dalaga.

Natawa si Ava at hindi nya iyon napigilan pa, “So uso pa talaga ang pick-up lines ngayon?” saad niya sa lalaki.

Advertisement

“Hindi naman siya uso, pero nabubuhay kapag nakikita ko ang tulad mo,” baling ng lalaki at saka tumabi ng kaunte kay Ava.

“Ops, wag ka mag-alala. Alam kong engaged ka na at malapit na kayong ikasal, hindi naman kita aagawin sa kaniya kung hindi ka mahuhulog sa akin. Haha! Sige na nga, seryoso na. Makikipagkaibigan lang po ate,” sambit ng lalaki saka inabot ang kaniyang kamay at pormal silang nagpakilala sa isat-isa.

Hindi malaman ni Ava kung papaano pero naging malapit sila sa isat-isa. Si Enzo ang naging takbuhan niya sa tuwing wala ang nobyo dahil abala ito sa kaniyang trabaho. Si Enzo rin ang nagmulat sa kaniya sa lahat ng bagay na pinagbawal ni Jack sa kanilang relasyon.

“Mamaya mag babar ang buong klase ha? Sasama ka, Ava!” saad ni Enzo sa babae.

“Nako! hindi pwede! Hindi ako papayagan ni Jack, ayaw niya na pumupunta ako sa ganyan,” sagot naman ni Ava.

“Grabe ka, Ava! Hindi pa kayo mag-asawa niyan pero wala ka nang sariling desisyon? Paano na lang pag misis ka na niya, lahat ba ng sasabihin niya ay gagawin mo? At lahat ng galaw mo naman ay alam niya? Tinalo mo pa ang mga numerong binibilang natin, yun may sariling buhay kasi minsan nawawala, ikaw nakadugtong na yata pusod mo kay Jack,” baling muli ni Enzo kay Ava at natulala ang babae.

Hindi pa man sila lubos na magkakilala ay tama si Enzo, lahat ng galaw niya ay nakadepende sa sasabihin ni Jack, sa opinyon ni Jack at kung papayag ba si Jack. Kinalimutan niya ang lahat ng kaniyang gusto dahil nai-adjust na niya ito sa gusto ng kaniyang nobyo. Tama si Enzo, wala siyang sariling mundo.

Kinaumagahan ay sinubukan lahat ni Ava ang mga bagay na ipinagbawal sa kaniya ni Jack at kasama niya si Enzo at ibang kaibigan na nagwalwal at nagpakasaya sa mundo. Pumunta sila sa bar, naglasing, humithit ng sigarilyo, nag cutting classes at pumasok sa motel.

Advertisement

“Bakit ngayon lang kita nakilala?” tanong ni Ava kay Enzo saka ito nagtakip ng kumot.

“Bakit? Kaya mo ba siyang iwan para sa akin?” mabilis na sagot ni Enzo sa dalaga.

“Kaya mo ba akong ipaglaban sa kaniya?” tanong ni Ava.

“Kung pipiliin mo ako Ava, ipaglalaban kita. Hindi mo ba nakikita? Mas bagay tayo sa isat-isa. Parehas ang lahat ng trip natin sa buhay kaya naman iwan mo na siya, magsimula tayo, Ava” saad ni Enzo sabay halik sa dalaga.

Sa loob ng apat na buwan ay kakaibang ligaya ang naramdaman ni Ava, ligaya na para bang isa siyang 13 anyos muli na kinilig sa kauna-unang pagkakataon at isang buwan na lang ay ikakasal na siya sa matagal na niyang nobyo.

“Beb, miss na kita! Mukhang sobrang abala ng magiging misis ko at hindi na nagpapakita sa akin ha,” salubong ni Jack sa nobya papasok sa kanilang bahay at dumiretso ang dalawa sa kwarto ng lalaki.

“Jack, itigil na natin ang kasal,” mahinang wika ni Ava.

Hindi nakapagsalita si Jack sa narinig at napaupo na lamang ito sa kaniyang kama at nagtakip ng mukha.

Advertisement

“Kaya ba hindi ka nagpapakita sa akin? Dahil iyan ang nararamdaman mo? Pwede naman nating ireschedule ito Ava, hangang sa maging handa ka na,” wika ng lalaki.

“Hindi Jack, itigil na natin ang lahat. I’m sorry, pero hindi pala kita mahal at may mahal na akong iba,” baling ni Eva sa nobyo.

“Ano ang nangyari sa ating dalawa, Ava? Bakit mo sinasabi iyan? Sasayangin mo na lang ba ang lahat ng pinagsamahan natin?” umiiyak na pahayag ni Jack at hindi na niya naituloy pa ang sinabi dahil umalis na si Ava.

Hindi nagparamdam si Ava sa loob ng isang buwan at hindi pa rin siya binitiwan ni Jack dahil alam niyang babalik ang babae.

Dalawang linggo bago ang kasal, nagpunta na si Jack sa simbahan para ipakansela ang naturang araw ng kanilang pag-iisang dibdib. Nagdasal muna ang lalaki at laking gulat niyang may humawak sa kaniyang kamay.

“Salamat kasi pinakawalan mo ako saglit, doon ako nagising kung gaano kita kamahal. Doon ko nakita kung ano ang bukas ko na hindi ikaw makakasama kong haharapin ang mundo. Napatunayan ko ngayon na mahal talaga kita at sigurado na ako. Patawarin mo ako,” saad ni Ava sa lalaki. Umaagos ang mga luha ng babae at niyakap ang nobyo.

“Patawarin mo ako kung kailangan pa nating maghiwalay o kailangan ko pang magkamali para lang makita ko kung gaano ka kaahalaga sa buhay ko. Sana patawarin mo pa ako Jack,” dagdag ng babae.

“Pinapatawad na kita Ava at kung ano man ang mga pinagdaanan mo para maramdaman ang lahat ng ito ay nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos, dahil sa huli ako at ikaw pa rin ang magkasama, tayo pa rin at iyon ang mas mahalaga,” baling ni Jack sa nobya.

Advertisement

Doon lamang napagtanto ni Ava na hindi pagmamahal ang naramdaman niya kay Enzo kundi ang pakiramdam ng nakawala niyang pagkatao. Marahil maraming bagay silang hindi pinagkakaintindihan ni Jack dahil pinagbabawal niya ito ngunit doon lang rin nakita ng babae na ang lahat ng iyon ay para sa kabutihan niya at mas nakita niya ang importansya ng kanilang pagsasama. Tinimbang din niyang mabuti kung si Enzo nga ba ang gusto niyang makasama sa bawat umaga ngunit ang sagot ay hindi kaya naman bumalik siya sa totoong nagmamay-ari ng kaniyang puso.

Huwag na sana nating hintaying mawala pa ang isang bagay bago natin makita ang halaga nito dahil hindi sa lahat ng oras ay mabibigyan tayo ng isa pang pagkakataon.