Dalawang Sanggol na Nagkapalit ng mga Magulang ang Magbubuklod sa Dalawang Pamilyang Naging Biktima ng Pagkakataon

Dalawang Sanggol na Nagkapalit ng mga Magulang ang Magbubuklod sa Dalawang Pamilyang Naging Biktima ng Pagkakataon

FamilyInspiringStories

Masayang umuwi sina Anton at Zara kasama ang kanilang anak na si Carissa mula sa kanilang bakasyon sa probinsya. Pagdating nila sa kanilang bahay ay hindi nila inaasahan ang balitang ihahatid ng estrangherong mag-asawa na magiging dahilan ng isang malaking pagbabago sa kanilang buhay.

“Anong kailangan niyo sa amin? Bakit niyo kami hinahanap?” tanong ni Anton sa mag-asawa na sinusundan ng mga maluha-luhang mga mata ang anak nilang si Carissa habang papaakyat ito sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

“Ang pangalan ko ay Bernard at ang asawa ko naman ay nagngangalang Yula. Kami ang mga tunay na magulang ni Carissa.”

Kumulo ang dugo nina Anton at Zara sa mga salitang lumabas sa bibig ni Bernard. Inaangkin ng mag-asawa ang kanilang anak. Si Carissa na iningatan ni Zara sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Ang anak na inalagaan nila simula nung ito’y isinilang. Sila ang kinamulatan ng anak bilang mga magulang nito. Anong karapatan ng dalawa para sabihing sila ang tunay na mga magulang ni Carissa? Sa tindi ng kanilang galit ay marahas nilang ipinagtabuyan palabas ng kanilang bahay ang dalawa.

Desperado na sina Bernard at Yula. Matagal nilang hinanap ang mag-asawa. Hindi sila pwedeng umalis sa bahay ng mga ito ng bigo. Kailangan nila ang tulong ng dalawa. Sila lang ang makakatulong sa kanila kaya gagawin nila ang lahat makumbinsi lang ang mga ito.

“Si Veronica ang anak ninyo! Nasa ospital siya ngayon! Kailangan niya kayo! Kayo lang ang makakatulong sa kaniya! Parang awa niyo na tulungan niyo siya kung hindi ay baka mamatay siya! Masyado pa siyang bata para makaranas ng matinding paghihirap! Parang awa niyo na! Tulungan niyo si Veronica! Tulungan niyo ang anak niyo!”

Lumuhod si Yula sa kalye habang nagsisigaw nung ipinagtabuyan sila ng dalawa palabas ng gate ngunit hindi siya pinakinggan ng mga ito. Si Bernard naman ay walang nagawa kung hindi nanghihinang yakapin ang kaniyang asawa. Nung huminahon na ang dalawa ay bigo nilang nilisan ang bahay nina Anton at Zara.

May leukemia si Veronica at nangangailangan ito ng bone marrow transplant. Nagpatest sina Bernard at Yula at hindi nagmatch ang genes nila sa bata. Dito rin nila natuklasan na hindi pala nila tunay na anak si Veronica kaya agad nilang tinungo ang ospital kung saan ito isinilang para alamin kung sino ang tunay niyang mga magulang nang sa ganoon ay malapitan nila ang mga ito para hingan ng tulong para sagipin ang buhay ng pobreng bata.

Sinubukan pa rin nina Bernard at Yula na kumbinsihin sina Anton at Zara na si Veronica ang tunay nilang anak at hindi nila tunay na anak si Carissa. Araw-araw ay nag-iiwan sila ng mga videos at litrato ni Veronica sa mailbox ng mag-asawa. Binigyan din nila sila ng kopya ng mga birth certificate, DNA result at medical records ng bata. Nag-iwan din sila ng mga kopya ng ebidensyang nakalap nila nung pinaimbestigahan nila kung paano nagkapalit ang dalawang sanggol sa ospital kung saan pinanganak ang mga ito at kung sino ang salarin. Umaasa ang mag-asawa na sana ay paniwalaan sila nina Anton at Zara at sana ay masagip din ng mga ito ang buhay ni Veronica.

Ilang linggo na ang lumipas pero wala pa ring natatanggap na tugon ang mag-asawa mula sa tunay na mga magulang ni Veronica at habang tumatagal ay pahina ng pahina ang pangangatawan ng bata. Kailangan na siyang maoperahan sa lalong madaling panahon kung hindi ay baka tuluyan na siyang bawian ng buhay.

“Pinansin kaya nila yung mga iniwan natin sa mailbox?” tanong ni Yula sa asawa.

“Sana hindi nila binasura ang mga ito. Sana binasa nila ang mga ito lalo na ang mga ebidensyang nakalap natin.” Isang malalim na paghinga muna ang ginawa ni Bernard bago niya sinagot ang asawa.

“Ginawa na natin ang lahat ng kaya nating gawin. Ipagdasal na lang natin na sana ay makumbinsi natin sila na hindi natin sila niloloko, na puro katotohanan lang ang mga sinabi natin sa kanila. Na sana ay sagipin nila ang buhay ni Veronica, ang buhay ng tunay nilang anak.”

Natigil ang pag-uusap ng mag-asawa nung makarinig sila ng mga katok mula sa pinto. Maya-maya ay pumasok sina Anton at Zara. Kasama ng mag-asawa si Carissa, ang tunay na anak nila Bernard at Yula. Puro iyakan lang ang namayani sa silid. Sina Anton at Zara ay niyakap ang anak nilang si Veronica habang humahagulgol ng iyak habang sina Bernard at Yula naman ay yakap-yakap ang anak nilang si Carissa habang walang tigil din ang pagtulo ng mga luha sa kanilang mga mata.

Nang mahimasmasan na ang lahat ay tsaka nagsimulang magsalita si Anton.

“Pasensya na kung ngayon lang kami nagpunta. Gumawa muna kami na sarili naming imbestigasyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin kami makapaniwala na may nakapasok na estrangherong babae sa nursery at nagawang ipagpalit ang mga anak natin. Hindi na namin kinasuhan ang babae dahil napag-alaman namin na nabaliw ito matapos pumanaw ang sanggol na isinilang niya sa nasabing ospital. Pero kinasuhan namin ang ospital dahil sa kanilang kapabayaan sa seguridad. Maari nating gamitin ang makakalap nating danyos perwisyo mula sa kanila para sa pagpapagamot ni Veronica.”

Nilapit ni Zara si Carissa sa hinihigaan ni Veronica para makilala niya ito bago niya nilingon sina Bernard at Yula.

“Alam na rin ni Carissa na kayo ang tunay niya mga magulang. Ipinaliwanag na namin sa kaniya ang sitwasyon. Medyo nalungkot siya pero nauunawaan naman niya ang lahat. Nagpatest na rin kaming tatlo. Hintayin na lang natin ang resulta. Sana ay magmatch na ang genes para maoperahan na agad si Veronica at nang sa ganoon ay tuluyan na siyang gumaling,” wika ng babae sa mag-asawa.

Agad na niyakap nina Bernard at Yula ang tatlo.

“Maraming, maraming salamat. Nabuhayan kami ng pag-asa na maliligtas na ang buhay ni Veronica,” sambit ni Yula sa mag-asawa.

“Kami ang dapat magpasalamat sa inyo dahil hindi niyo pinabayaan si Veronica kahit natuklasan niyong hindi pala siya ang tunay niyong anak,” tugon ni Anton.

“Hiling lang namin na huwag niyong ilayo sa amin si Carissa dahil napamahal na rin sa amin ang bata,” hiling ni Zara sa dalawa.

Nasagip ang buhay ni Veronica dahil may ka-match siya na gene. Nakakatuwa lang isipin na si Carissa ang naging donor niya imbes na ang mga tunay niyang magulang. Matapos ang operasyon ay unti-unti nang nanumbalik ang kaniyang lakas.

Lumipat sa mas malaking bahay ang dalawang pamilya kung saan sama-sama silang naninirahan sa iisang bubong. Sa ganitong paraan ay hindi kinakailangan mawalay ng mga bata sa mga kinilala nilang mga magulang at hindi rin sila mahihirapan sa paga-adjust sa bago nilang buhay.

Naging malapit sina Carissa at Veronica. Sa katunayan ay magkapatid na ang turingan ng dalawa. Gayon din ang kanilang mga magulang. Magkasangga sina Anton, Bernard, Zara at Yula sa pag-aaruga at pagmamahal sa dalawang prinsesa ng kanilang buhay.

Isang ‘di inaasahang pangyayari ang bumago sa buhay na dalawang pamilya ngunit imbes na pairalin ang galit at saradong kaisipan ay binuksan nila ang kanilang puso at mas pinalawak nila ang kanilang pangunawa para pagbuklurin ang kanilang mga pamilya at mamuhay ng masaya at mapayapa kasama ang dalawang bata na naging sentro ng kanilang buhay.

More Stories