Hindi Gusto ng Dalagita ang Bago Nilang Nilipatang Bahay, Dalawang Matandang Mag-Asawa na Nagtitinda ng Basahan Lang Pala ang Magtuturo sa Kanya ng Leksyon

Bagong lipat ang pamilya ni Fritzie sa isang kalye sa Quiapo. Nasunog kasi ang dati nilang tinitirhang bahay kaya naghanap sila ng mauupahan na pansamantala nilang masisilungan ngunit panay ang maktol ng dalagita dahil maliit at masikip ang nakita nilang tirahan.

“Inay naman, dito ba tayo titira? E, para tayong sardinas na magsisiksikan dito, e!” inis niyang sabi.

“Aba, buti nga at may matitirhan pa tayo kahit maliit, iyong ibang kapitbahay nating nasunugan din ay walang mapupuntahan at sa kalsada lang natutulog,” wika ng kanyang inang si Aling Verna.

“Anak, huwag ka nang magreklamo. Magpasalamat ka na lang at may bahay pa tayong masisilungan at mauupahan. Masuwerte nga tayo at mura lang ang upa dito,” sabad naman ng amang si Mang Oman.

Sa sobrang inis ay lumabas ng bahay si Fritzie at naglakad-lakad.

Napadaan siya sa tulay kung saan maraming nagtitinda ng kung ano-ano. Nang may biglang tumawag sa kanya…

“Ineng, ineng baka gusto mong bumili ng basahan?” sabi ng matandang lalaki na tumawag sa kanya.

Napansin niya na gula-gulanit na ang damit ng matanda at sa tingin niya ay hindi pa ito naliligo sa ayos nito. May kasama itong matandang babae na nakaupo sa kariton.

Advertisement

“Aanhin ko naman po ang basahan at saka wala po akong pambili pasensya na po!” wika niya sa matanda saka naglakad na pabalik sa kanilang bagong nilipatang bahay.

Pagbalik niya ay inutusan naman siya ng tatay niya na bumili ng lutong ulam na kakainin nila sa pananghalian.

“Hetong singkwenta pesos, bumili ka ng ulam natin, alam ko dun sa may tulay may mga nagtitinda dun ng lutong ulam,” utos ng ama.

“Malas naman! Kadarating ko lang, pababalikin na naman ako dun, hmp!” pabulong niyang sabi.

Bumalik siya sa tulay para maghanap ng mabibilhan ng lutong ulam nang makita niya ang maliit na karinderya. Maraming kumakain sa tabi niyon at bumibili ng ulam kaya iyon ang pinuntahan niya. Di niya inasahan na makikita dun ang dalawang matandang nagbebenta ng basahan. Bumili ang matandang lalaki ng isang plastik na kanin at ginisang gulay na paghahatian nito at ng kasama. Pinagsaluhan ng dalawa ang biniling pagkain sa gilid ng karinderya habang sinusubuan pa ng matandang lalaki ang matandang babae.

Dahil sa kuryosidad ay nagtanong siya sa tindera kung kilala nito ang dalawang matanda.

“Ah, si Lolo Molong at si Lola Caridad ang tinutukoy mo hija. Mag-asawa ang dalawang iyan na inabandona ng sariling anak na lumayas sa poder nila dahil hindi na nakayanan ang hirap sa buhay kaya silang dalawa na lang ang magkasama ngayon. Nabubuhay sila sa pagtitinda ng basahan. Bilib nga ako sa kanila, e. Kahit uugod-ugod na ay nagtatrabaho pa rin.” wika ng madaldal na tindera.

“Ganoon po ba, wala na pala silang pamilya?” aniya na biglang naawa sa kalagayan ng dalawang matanda.

Advertisement

Hanggang sa makauwi siya ay iniisip pa rin niya ang mag-asawa. Matapos na makakain ng pananghalian ay humingi siya ng pera sa kanyang ina.

“Inay, pahingi naman po ng pambili ng basahan!” aniya.

“Ano, aanhin mo naman ang basahan?” nagtatakang tanong ng ina.

Nakaisip agad ng idadahilan ang dalagita. “Pinagdadala po kami ng basahan ng teacher namin sa school, inay,” palusot niya.

Nang abutan siya nito ng pera ay agad niyang pinuntahan ang dalawang matanda para bumili ng basahan.

Pagdating niya sa tulay ay hindi niya mahagilap ang dalawang matanda, kaya nagtanung-tanong siya sa mga nagtitinda kung nakita ng mga ito sina Lolo Molong at Lola Caridad.

Naikot na niya ang mga kalsada sa Quiapo ngunit hindi pa rin niya matagpuan ang hinahanap nang biglang gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi nang makita ang kinaroroonan ng dalawang matanda.

Nakita niya ang mga ito na nasa gilid ng Simbahan ng Sta Cruz.

Advertisement

“Mawalang galang na po, Lolo!” magalang niyang wika.

Nilingon siya ng matandang lalaki at nagtataka kung bakit naroon siya.

“O, ineng anong ginagawa mo dito, bibili ka na ba ng basahan?” tanong nito sa kanya.

“Opo, bibli na po ako. May pera na po akong pambili.”

Inabutan ng tatlong pirasong basahan ng matanda si Fritzie.

“Hayan, ineng. Tatlo-beinte lang iyan.”

Iniabot naman ng dalagita ang bayad sa matandang lalaki.

“Lolo, teka bakit hindi po kayo nakapuwesto sa may tulay. Mas marami pong namimili doon,” tanong niya rito.

Advertisement

“Pasensya na ineng, masama kasi ang pakiramdam ko. Hindi ko kayang tumayo para itulak ang kariton ng aking asawa kaya dito na lang kami nagtitinda.”

“Bakit po hindi muna kayo umuwi sa bahay niyo para doon magpahinga?”

Nalungkot ang mukha ng matanda sa itinanong niya.

“Wala kaming bahay, ineng. Dito lang kami sa kalye nakatira. Mula nang nasunog ang dati naming tinitirhan ay nagpagala-gala na kami sa kalye. Kung saan kami abutan ng gabing mag-asawa ay doon kami nagpapalipas ng magdamag. Hindi kami nakapagtapos ng pag-aaral ng aking asawa kaya hindi kami nakahanap ng maayos na trabaho. Pagbebenta lang ng basahan ang pinagkakakitaan namin. Dalawa na lang kami ni Caridad na magkasama. Iniwan na kami ng aming kaisa-isang anak dahil sa kahirapan ng aming buhay. At kahit hindi na ako nakikita, naiintindihan at naririnig ng aking asawa ay masaya akong karamay pa rin namin ang isa’t isa hanggang sa nalalabi naming mga sandali.”

Hindi na napigilan ni Fritzie ang maluha sa ikinuwento ni Lolo Molong. Totoo pala ang sinabi ng tindera na iniwan ang mga ito ng kanilang anak at nalaman pa niyang pipi at bingi si Lola Caridad at hindi na rin nakakita dahi sa kumplikasyon sa mata. Mas lalo siyang naantig nang matuklasang walang natitirhang bahay ang dalawang matanda. Biglang naisip ni Fritize na napakasuwerte niya dahil kahit mala-sardinas ang kanilang pamilya sa bago nilang nilipatan ay may bahay silang nasisilungan samantalang ang dalawang kaawa-awang matanda ay walang mauwian.

Nakaisip siya siya ng solusyon sa problema ng mag-asawa. Umuwi siya sa kanila at ikinuwento sa mga magulang ang pinagdaraanan ng dalawang matanda. Nahabag naman si Aling Verna at Mang Oman sa sitwasyon nina Lolo Molong at Lola Caridad kaya napadesisyunan ng mag-anak na kupkupin na ang dalawang matanda. Sinamahan siya ng kanyang ama sa kinaroroonan ng mag-asawa at tinulungan ang mga ito na makalipat sa kanila. Inalalayan ni Mang Oman si Mang Molong sa paglalakad, si Fritzie naman ang nagtulak ng kariton ni Lola Caridad.

Labis-labis ang pasasalamat ni Lolo Molong sa pamilya ni Fritzie sa pagkupkop sa kanila. Hindi niya inakalang sa edad nilang iyon ay magkakaroon pa sila ng tahanang masisilungan at pamilyang tatanggap sa kanila.

“Maraming salamat, ineng! Sa bagong pag-asa na ibinigay mo at ng iyong mga magulang sa amin ni Caridad,” pasasalamat ni Lolo Molong.

Advertisement

“Ako po ang dapat magpasalamat dahil natutunan ko po sa inyo na pahalagahan kung anuman ang mayroon kami. Basta kasama ang mga mahal sa buhay, walang imposible at lahat ay makakaya ng sama-sama,” aniya.

Mula noon ay itinuring na nila na miyembro ng kanilang pamilya sina Lolo Molong at Lola Caridad. Pinahinto na rin nila sa pagbebenta ng basahan ang mag-asawa. Hinayaan nila na ma-enjoy ng dalawang matanda ang natitirang mga oras na magkasama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!