Sa Byahe Inabutan ng Pananakit ng Tiyan ang Dalaga, Doon Niya Pala Matatagpuan ang Forever Niya

Alas tres palang ng umaga ay gising na si Alexa para maghanda papasok sa eskwela. Siya ay nag-aaral sa PUP Sta. Mesa at araw-araw siyang bumabyahe papasok at pauwi mula pa sa Bulacan.

Bunso si Alexa at tanging siya lamang ang nakatungtong ng kolehiyo. Kaya kahit mahirap ang buhay ay hindi siya sumusuko. Katulad ng mga normal na araw, nagtimpla siya ng gatas at ininom ito habang nagpapatuyo siya ng kanyang buhok at kinakabisa ang lecture. Political Science kasi ang kinukuha ng dalaga at pangarap niyang maging abogado pagdating ng araw.

“Lord, wag niyo naman ako pagtae-hin sa gatas na’to please?” nakapikit na wika ng dalaga sa isang basong gatas sabay lagok dito.

Sa hindi niya malamang kadahilanan ngunit sobrang sirain ng kanyang tiyan at minsan pa nga ay hindi na umaabot ang dalaga sa banyo dahil nakakadumi na ito sa kanyang salawal.

Umalis na si Alexa ng kanilang bahay. Naka-uniporme siya ng paldang blue at ¾ na blouse, nakasuot din siya ng jacket dahil malamig sa jeep na dadaan sa NLEX, alas singko na ng umaga ng mga sandaling iyon.

Sumakay na si Alexa ng jeep, nagkabit ng headset ang dalaga sabay talukbong sa hood ng jacket nito at sumandal. Lagi siyang umuupo sa likod ng driver dahil sa mga hold-upan daw ay ang pwestong iyon ang hindi ginagalaw. Yakap niya ang kanyang bag na puro papel at libro lang naman ang laman.

Ang pera naman niya ay nakalagay sa bulsa ng kanyang pang ilalim na shorts at ang cellphone nya ay nasa kanyang pusod. Madaling madali para kay Alexa ang matulog sa byahe, naging bihasa na siya roon.

Hangang sa dumating na sila sa Monumento, bumaba ang dalaga at nag-abang ng jeep na byaheng Recto/Divisoria. Ayaw niya mag LRT dahil napakahaba ng pila doon at dahilan niya’y hindi siya nakaka idlip sa tagal ng paghihintay.

Advertisement

Sumakay ang dalaga sa tabi ng driver. Hindi pa man nakakalayo ang sinasakyang jeep ay biglang tumunog ang kanyang tyan at tumaas ang kanyang mga balahibo, naramdaman rin niyang kumapal ang kanyang mukha.

“T*ngina wag ngayon please, malayo pa ako,” bulong ng dalaga sa sarili sabay yakap sa bag nito ng mas mahigpit. Nakalma ng dalaga ang sarili at ang nag-aalboroto nitong tiyan. Lumagpas na sila ng 5th avenue ng bigla itong nagparamdam ulit. Kinilig si Alexa na hindi niya napigilang ipakita. Napasilip sa kanya si manong driver ngunit nakayuko lamang ang dalaga at nagkunwaring tulog.

Pinilit ni Alexa matulog sa paniniwalang lilipas ang sakit ng kanyang tiyan. Pagkamulat niya sa mula sa pagkakaidlip ay nasa Abad Santos pa lamang sila ngunit kumukulo nanaman ang tiyan ng dalaga.

“Hindi ka natatae. Hindi ka natatae. Hindi ka natatae!” paulit-ulit na binigkas ng dalaga sa kaniyang isipan habang mahigit na mahigpit ang yakap niya sa kanyang bag.

Mabait ang kapalaran dahil nakarating siya sa Recto at dali-daling sumakay ng jeep na may byaheng Stop & Shop PUP, sa tabi muli siya ng driver naupo.

7:30 ang una klase ng dalaga at alam niyang aabot siya. Nang biglang umiikot ang tiyan na parang binubulungan ng demonyong gustong gusto ng lumabas sa pwet nito.

Hinubad na ni Alexa ang jacket niya dahil namumuo na ang pawis nito sa noo. Napakapit na rin ang dalaga sa unahan ng jeep na tila ba hindi na niya malaman kung paano pa mapipigilan ang nararamdaman. Nang biglang nagpa-gasolina pa si manong.

“Pag nga naman minalas ka talaga!” bulong ng dalaga.Sinilip niya kung bukas ang palikuran doon ngunit natanaw niyang naka lock ito kaya hindi na siya bumaba. Halos naka angat na ang pwet ng dalaga sa pagpipigil na hindi lumabas ang tae niya. Natatanaw niya sa gilid ng kanyang mata na tinatawanan siya ng driver.

Advertisement

“Kuya sige lang pagtawanan mo lang ako, kakarmahin ka rin,” isip-isip ng dalaga.

At nakarating na siya sa kanto ng eskwelahan. Huminto si Alexa sa paglalakad. Napaupo ito, tayo, upo, sandal sa pader at pilipit sa kanyang mga binti. Sabay tingin niya sa kanyag braso, nangingilabot na siya sa pagpipigil ng taeng iyon. Nang may naramdaman siyang may lumabas ng kaunti, gusto nang maiyak ng dalaga.

“Putragis kang gatas ka! King*na mo! Pag ako nagkalat dito sa daan susunugin kita pag-uwi!” galit na galit ang dalagang binubulong iyon.

“Kuya, pwede bang maki-banyo sa inyo?” wika ng isang lalaki sa di kalayuan. Naisip niyang susunod siya roon. Nang bigla siyang pinuntahan ng binata at hinawakan sa siko para tumayo.

“Bilisan mo, nagsabi na ako dun sa manong,” baling sa kanya ng lalaking hindi nya kilala. Ngunit mas mahalaga pa ba iyon, tumakbo si Alexa papasok sa palikuran at saka nagpasabog. May baon parating extrang salawal ang dalaga kaya nagpalit na rin siya.

“Manong, salamat po. Ikaw ang nagligtas ng buhay ko,” wika ng dalaga sa matandang nagpagamit sa kanya ng banyo.

Lumabas na ang dalaga at natanaw niyang naroon ang lalaking tumulong sa kanya. “Kuya, salamat nga pala. Una na ako. Thank you ulit,” wika ng dalaga sa lalaki sabay alis niya. Hindi na niya nakaya pang tignan ang binata ng dahil sa kahihiyan.

“Uy, ako nga pala si Marvin Kirato. Magka-building lang tayo kaya sabay na tayo maglakad papasok,” saad ng binata na hinabol pala siya.

Advertisement

“Nakakahiya ako, alam ko. Pwede mo ako pagtawanan ayos lang. Wag mo na sana ikalat pa diba. Atin-atin na lang yung nangyari,” baling ni Alexa.

“Hahaha, matagal na kitang nakakasabay at parati nalang ganon yung nangyayari sayo. Minsan naman umaabot ka sa school pero mas malala yung itsura mo kanina,” tumatawang sagot ni Marvin.

Namula sa hiya ang mukha ni Alexa sa sinabi ng binata. Hindi niya lubos maisip na may tao palang nakakapansin na parati na lamang ganoon ang nangyayari sa kanya.

“Nag gagatas kasi ako sa umaga para hindi malamigan ang tyan ko sa byahe. Taga-Bulacan pa kasi ako,” Nakayukong sagot ng dalaga. Noong malapit na sila sa classroom nag paalam na ang dalaga.

“Sige una na ako,” nakayuko parin ito at hindi tinitignan ang lalaki. Kaya naman laking gulat ni Alexa ng dumampi ang mga kamay ng lalaki sa kanyang baba at unti-unting inangat ang kanya mukha. Parang nasa teleserye na dahan-dahan bumagal ang kilos ng mga nasa paligid niya at nagtama ang kanilang mga mata, kinilig si ate girl.

“Alam mo ang cute cute mo,” saad ng lalaki sa kanya sabay alis.

Simula noon ay naging malapit pa lalo sa isat-isa ang dalawa. Halos dalawang taon na niligawan ni Marvin si Alexa at maraming beses pa naulit ang pagtatae ng dalaga ngunit hindi ito naging hadlang para magmahalan ang dalawa.

Naging magkasintahan ang dalawa at ngayon ay tatlong taon ng mag-asawa. At sa darating nilang anibersaryo, balak ni Marvin dalhin si Alexa sa kainan na ang mga gamit ay puro pang banyo.

Advertisement

Ikaw kabayan? Nagkalat kana rin ba sa daan?