Bakasyon sa Probinsya

Hindi maipagkakailang may kaya ang pamilya ng pitong-taong gulang na batang si Cheska – naibibigay ng kaniyang mga magulang ang kanilang mga pangangailangan at anumang naisin nito, kasama na rito ang pag-uwi sa probinsya ngayong bakasyon. Maliit pa lamang ay nasanay na itong sumama sa kaniyang mga magulang sa mga ekskarsyon at pasyal ng mga ito saan mang lupalop ng Pilipinas. At dahil siya’y nag-iisang anak, pinagbibigyan palagi ng mag-asawa ang kaniyang mga kahilingan.

Isa na rin sa mga dahilan ng kanilang panandaliang pamamalagi sa probinsya ay ang kahilingan ng lola ni Cheska na makita silang mag-anak bago ito tuluyang pumanaw – ilang buwan na rin na nakahimlay na lamang sa kaniyang kama ang matanda at siya na lamang inaalagaan ng isang private nurse na buwan buwan ay ang ina ni Cheska ang nagpapasweldo. Unica-hija lamang si Charice – ina ni Cheska kung kaya’t kahit na sa Maynila na ito nakatira kasama ang sarili niyang pamilya ay sinusuportahan pa rin nito ang mga magulang sa probinsya.

Mahigit na walong oras ang biyahe ng mag-anak mula sa Maynila papunta ng probiinsya kung kaya’t napag-usapan na halinhinang magmamaneho ang mag-asawa kada dalawang oras. Isang araw bago umalis ang mag anak ay nag-empake ang mga ito ng gamit at makakain sa byahe. Ibinilin na rin ni Gio, asawa ni Charice, sa kanilang mga katulong ang kanilang tahanan.

Araw na ng pag-alis ni Charice at kaniyang pamilya – alas cuatro ng umaga umalis ang mga ito upang hindi maipit sa trapik palabas ng lungsod, at para na rin mabilis na makarating sa kanilang bahay sa probinsya.

Sinalubong ni Antonio, tatay ni Charice, ang mag-anak. Agad namang nagmano at bumati ang anak at sumunod naman si Gio at Cheska. Giliw na giliw ang matanda sa kaniyang apo sapagkat sa paraan ng pananalita nito ay halatang bibo at matalino itong bata. Dumiretso ang mga ito sa kuwarto kung saan nakalagak si Besilda, ang ina ni Charice. Maigi naman at nakakasapagsalita pa ito kung kaya’t nakipag kwentuhan pa ito sandali sa mag anak ni Charice bago kumain ng pananghalian ang mga ito.

Sa hapag ay nakahain ang nilagang baka, embotido, at ginataang gulay. Isa isa nang sumandok ng kanin ang mag-anak pati na si Antonio at ang dalawang kasambahay ng mga matatanda.

“Tay, kamusta namana ang lagay ng inang?” tanong ni Charice para basagin ang katahimikan.

“Wala naman daw problema sabi nung nars na tumitingin. Medyo pasaway lang ang inang mo, minsan ay tinatapon ang mga gamot at ayaw inumin. Paminsan-minsan ayinilalabas namin sya d’yan sa bakuran. Nung huli kasi naming punta sa doctor, pinayuhan na kailangan n’ya rin makalanghap ng sariwang hangin kahit papaano. Madalas ay tuwing umaga namin siya inilalabas,” tugon naman ni Antonio saka ito sumubo ng kanin.

Advertisement

“Eh Tang… napag-usapan ho kasi namiin ni Charice na isama na ho kayo ni inang pa-Maynila. Mas marami ho kaisng mga espesyalista roon, mas matitingnan ho si inang. Saka para ho maalwan ang pamumuhay ninyo doon sa bahay,” ani Gio habang inaasikaso ang pagkain ng anak.

“Salamat Gio, pero hindi ba kayo mahihirapan no’n? Ang akin lang naman ay, maayos naman ang aming kalagayan dito. Wala kayong dapat ikabahala,” sagot ni Antonio na may halong pangungumbinsi.

“Kayo ho ang bahala, itang. Basta ho kung magbago ang isip ninyo eh, maaari n’yo naman kaming sabihan. Agad naman ho naming kayong aasikasuhing mag-asawa,” dagdag ni Gio at saka na ito nagtuloy sa pagkain.

Nang matapos na mananghalian ay nagpaalam si Cheska na lilibot lang sa bakuran ng bahay. Agad namang pumayag ang mag-asawa at binilinan ito na mag-iingat at kung nais nitong magpahinga ay bumalik na lamang agad sa loob. Para naman makasiguro, nagprisintang sumama sa kaniya ang kaniyang lolo. Sumang-ayon naman ang bata at saka ito lumabas kasama si Antonio at lumibot sa malawak na bakuran ng bahay. Habang naglalaro ito, ang mag asawa naman ay ipinatawag ni Besilda.

Pinalabas ni Besilda ng kuwarto ang nars na siyang nag aalaga sa kanya at saka nito masinsinang kinausap ang mag asawa.

“Charice…” panimula nito na may panginginig ng boses. “unang una, nais kong humingi ng tawad. Alam kong hindi ako naging perpektong ina sa’yo. Hindi lahat ng pangangailangan at kagustuhan mo ay naibigay ko. Ngunit salamat dahil lumaki kang mabait na bata, at nagpapasalamat ako sa Panginoon na natupad moa ng iyong mga mithiin sa buhay,” dagdag nito na may luha sa mga mata. Agad namang hinawakan ni Charice ang kamay ng ina.

“Nais kong ipabatid sa iyo ang katotoohanang dapat ay noon ko pa sinabi,” sambit ng matanda na siyang ipinagtaka ni Charice. “hindi kita tunay na anak, Charice. Mayroon akong kakambal at iyon ang totoong asawa ni Antonio, na siyang tunay mong ina.” Napalunok ang babae sa sinabi ng matanda. Kita sa mga mata nito ang pagdududa sa sinasabi ng kaniyang itinuring na ina.

“Magkasintahan pa lamang si Antonio at Belinda ay ipinagbubuntis ka na niya. Nang malaman nila ito ay agad silang nagtanan, at ako na saksi ay paminsan-minsang dumadalaw sa kanilang mag-nobyo. Labing siyam na taong gulang pa lamang siya noon, kaya’t noong siya ay manganak sa’yo ay agad siyang binawian ng buhay. Wala kaming nagawa ni Antonio kung hindi sabihin sa mga magulang namin ni Belinda ang nangyari. Galit na galit ang aming mga magulang at inilayo sa amin ni Antonio ang mga labi ni Belinda, at ikaw naman ay naiwan sa poder ng iyong ama. Itinakwil na rin ako noon ng aking mga magulang sa dahilang kinunsinti ko ang relasyon nina Belinsa at Antonio. Bago pumanaw ang aking ama, noon lamang namin napag-alaman na si Belinda ay nakalibing sa silong ng bahay na ito. Iyon din ang dahilan kung bakit kahit anong mangyari ang hindi kami umaalis ni Antonio sa lugar na ito.”

Advertisement

May paghikbi sa gitna ng mga salita ni Besilda. “patawarin mo ako Charice, dahil natakot akong ipagtapat sayo ang katotohanan. Hindi ko alam ang aking gagawin kung ika’y hindi ko mapalaki ng tama. Sobrang bait sa akin ni Belinda kung kaya’t iyon na lamang ang naisip kong isukli sa kaniyang mga mabuting nagawa – ang mapalaki ka nang maayos, at matupad mo ang iyong mga pangarap.”

Nang mga oras na iyon ay napaluha na rin si Charice na siyang niyakap ng kaniyang asawa.

“Mahal kita, nay. Kahit pa hindi ikaw ang aking tunay na ina, ang lahat ng aking nakamtan sa buhay ay hindi ko maaabot kung hindi dahil sa inyo ni itay. Kahit kaunti ay hindi ko ho maisip na magalit sa inyo, kahit pa itong nalaman ko ay ngayon niyo lang ipinagtapat sa akin, naiintindihan ko ang inyong intension. At salamat, sa lahat ng inyong ibinigay at pinagpaguran para sa akin,” lumuluhang sambit ni Charice at matapos ay niyakap niya si Besilda. Humigpit ang yakap ng matanda at saka ito kusang bumitaw. Nang tingnan ito ng babae ay nakangiti ito ngunit wala nang pulso. Lalong humagulgol si Charice at saka ito niyakap ng asawa. Tinawag ni Gio ang nars para suriin ulit si Besilda ngunit binawian na talaga ito ng buhay.

Malungkot na niyakap ni Cheska ang kaniyang mga magulang, at si Antonio naman ay nagpasalamat sa lahat ng nagawa ni Besilda para sa kaniya saka nito pinagpasyahang itabi sa puntod ng asawa ang labi nito.