Ayoko Nang Maging Mahirap!

Padabog na pumasok si Joy sa kanilang barung-barong. Bwisit, nakauwi na siya ay kumakapit pa sa kanya ang maasim na amoy. Nagtatrabaho kasi siya sa pabrika ng suka, naroon rin ang nanay niya at kapatid niyang si Emma at kahit labag sa loob niyang mamasukan roon ay pinatos niya na.

Syempre, kung ang kapatid niya ay pag aaral ang dahilan, siya naman, kaya nagtatrabaho ay upang may maipambili ng mga pampaganda sa bayan. Diyos ko, kung makakaipon nga lang siya ay aalis na siya rito sa Bulacan. Sabi kasi ng kaibigan niyang si Fely, maunlad raw sa Maynila. Matataas ang building at maganda ang buhay. Ganoon ang gusto niya, hindi itong impyernong kinalalagyan niya ngayon!

“Tabi nga dyan,” asar na sabi niya sa sa kapatid na si Emma. Nagbabasa ang dalagita ng libro dahil may pagsusulit raw ito bukas. Pumapasok ito sa eskwela kung umaga at pag uwian naman ay dumidiretso na sa pabrika. Kaya sabay-sabay silang mag iina kung umuwi.

“Anak, ano ang gusto ninyo- pritong itlog o ilalaga ko muna?” tanong ng kanyang ina, nakapagsalang na rin ito ng sinaing.

“Pareho namang itlog yan.” mataray na wika niya. Dinampot niya ang cellphone na pinahiram ni Fely at humilata sa kahoy nilang upuan. Buti nalang ay nakapagpa-load siya kanina. Makakausap niya ang binatang taga-Maynila na nakilala niya lang sa text.

Buo na kasi ang plano niya, kapag araw ng kanilang sahod, nanakawin niya ang pera ni Emma at ng kanyang ina para pamasahe at pocket money. Hindi naman rin kasi sapat kung sahod niya lang. Luluwas siya sa Maynila at sasama na sa binata.

Namasdan niya si Emma, tapos ay napailing siya. Ang gaga, umaasa pa talagang mababago ang buhay kung mag-aaral. Akala ba nito, makakaahon ito sa ganoon-ganoon lang? Ayaw tumulad sa kanya, balak mag-asawa ng mayaman, may pangarap. Ipapakita niya rito kapag nagtagumpay na siya sa Maynila, babalikan niya ito at pamumukhaan. Hah!

“Hello Benjo, kumusta ka na? Ready na ba ang titirhan natin dyan? Kanina pa kita tinatawagan hindi mo naman sinasagot.” nakanguso pang sabi niya. Nasa labas siya ng barung-barong at pagalaw-galaw pa ang binti dahil malamok.

Advertisement

“May ginagawa kasi ako. Oo ready na ang titirhan natin, kailan ka ba kasi pupunta rito? May dala ka bang pera?”

“Oo naman babe. Magdadala ako ng pera..bukas ng gabi luluwas na ako. May hinihintay lang akong sahod,”

Nakangiti siya hanggang matapos ang tawag.

Buong araw kinabukasan ay ang ganda ng mood ni Joy. Goodbye probinsya, hello Maynila na kasi siya!

Kinagabihan ay palihim niyang hinila ang isang supot ng damit na matagal na niyang inempake. Lumabas siya sa salas at nagkalkal sa mga tokador, hanggang makita niya ang hinahanap.

Ang sobre ng sweldo ni Emma at ng kanyang ina, sa wakas!

Pero palabas na siya nang pinto nang matigilan dahil may nagsalita sa kanyang likuran.

“Saan ka pupunta anak?”

Advertisement

Imbes na kabahan, nakaramdam pa ng pagka-irita ang dalaga, “Aalis na. Ayoko na dito.”

“Alam mo Joy hindi kita maunawaan ‘nak. Sinusubukan ko naman, kaya lang ay ito lang talaga ang buhay na maibibigay ko. Ngayon kung gusto nating umunlad, magsikap tayo. Tingnan mo si Emma, kahit na sobrang hirap ay pinipilit niyang-“

“Nay! Nay, wala akong pakialam kay Emma. Kung iyon ang pinaniniwalaan niyang magbabago sa buhay niya, ito naman ang sakin. Sisimulan ko sa pag alis dito dahil kayong dalawa na mga walang pangarap ang humihila sa akin pababa. Ayoko na, ayoko na sa buhay na kaya mong ibigay. Mag isa kang magdawdaw sa putik ng kahirapan, magpapayaman na ako sa Maynila,” masasakit na salitang sabi niya bago tinalikuran ang inang napaiyak na lamang.

Buti nalang ay nayakap ito ni Emma na kanina pa pala nagising dahil sa kanilang diskusyon.

Makalipas ang sampung taon

Naiilang na nag-doorbell si Joy sa malaking bahay. Kung mamasdan ang paligid, parang Maynila na rin dahil sa kaunlaran. Marami nang establishments at malalaki na rin ang mga bahay. Sino ba ang mag aakala na ito ang Bulacan na iniwan niya noon?

“Sino sila?” tanong ng kasambahay. Minasdan siya nito mula ulo hanggang paa, nanliit tuloy siya. Kupas na kasi ang maong na kanyang suot, may butas ang manggas ng kanyang blouse at ang tsinelas niya ay pudpod na. Idagdag pa ang mabuhangin niyang paa dahil sa paglalakad mula sa sakayan ng bus hanggang dito. Wala na kasi siyang pamasahe.

“S-Si Joy kamo,”

Advertisement

“Sinong Joy po? Apelyido?” tanong muli nito.

“Basta sabihin mo si Joy, si Ate Joy.”

Ilang sandali ay umalis ito at bumalik rin, binuksan na nang tuluyan ang gate at pinapasok siya. Mangha si Joy sa ganda ng bahay.

Maraming tanim sa hardin, bermuda grass ang kanyang nilalakaran. Marmol naman ang sahig sa salas at mataas ang kisame, nakakalula ang malaking mga chandelier.

Ilang buntong hininga ang pinakawalan niya, tapos ay nagpasyang tumalikod na. Ipapahiya niya lang ang kanyang sarili.

“Ate?”

Dahan-dahan siyang napalingon nang marinig iyon. Nangingilid na ang kanyang luha nang makita ang kapatid. Ang laki na ng ipinagbago ni Emma, hindi na maiisip na dati itong taga-repack ng suka sa pabrika.

Elegante ang suot nito, ang mga hikaw ay tiyak niyang mas mahal pa kaysa sa lahat ng perang nahawakan niya buong buhay niya.

Advertisement

Nangangatog ang mga labi na nagsalita siya, “N-Nagkamali ako, patawarin ninyo ako ni nanay..” mahinang wika niya.

Nakatitig lang ito sa kanya, “Alam mo bang nagkasakit si Nanay noong umalis ka? Nanghina siya ng todo, baldado na nga siya ngayon bagamat nakakausap pa naman. Alam mo ate, tumatak sa isip ko iyong sinabi mo noong wala akong pangarap. At ikaw ay mayroon, kaya nagsikap ako. Kasi hindi tulad mo, wala sa isip ko na iwan ang nanay para sa pansarili kong kapakanan,” sabi nito.

Napapikit si Joy, pinagbayaran niya ang lahat ng maling desisyon. Pagdating niya sa Maynila ay may asawa pala si Benjo, ibinahay lang siya nito sa isang makipot na apartment. Nang malaman ng lalaki na buntis siya ay sinaktan siya nito ng todo hanggang malaglag ang bata.

Dahil sa nangyari ay nagka-diperensya ang kanyang matris.. hindi na siya magkakaanak pa. Nakilala naman niya si Rupert, isang biyudo na may tatlong anak at nang ibahay siya nito ay nananakit rin pala. Matagal nang nais bumalik ni Joy, hindi niya lang alam kung paano. Wala na rin siyang mukhang maihaharap pa.

Lalo na ngayon, nagpakumbaba na nga siya ay galit pa rin at nagmamalaki si Emma. Naiintindihan niya naman, naging makasarili siya noon.

“Napagbayaran ko na ang lahat ng kasalanan ko,” wika niya.

“Iniwan mo kasi kami ate, masyado kang nasilaw sa Maynila. Nalimutan mong ang totoong kayamanan ay ang pamilya,”

“H-Hindi mona ba talaga ako matatanggap?”

Advertisement

Nang hindi sumagot si Emma ay lulugo-lugong tumalikod si Joy.

“Ate,” tawag ulit ng babae.

Muli siyang napahinto sa paglalakad. Diyos ko, hindi niya na kakayanin kung magsalita pa ito ulit ng masakit. Sapat na ang mga narinig niya.

Tumikhim si Emma, “Ate na-miss kita.”

Paglingon niya ay umiiyak na ito. Patakbo niyang niyakap ang kapatid, “Patawarin mo ako, please. Sorry sa pang iiwan ko noon.” paulit ulit na wika niya.

Tumangu-tango naman ito at niyakap siya ng mahigpit. Parang isang malaking tinik ang nabunot sa dibdib ni Joy.

Mula noon ay naging mas masaya ang kanilang pamilya.

Walang masamang mangarap, basta huwag mananakit ng iba makamit lamang iyon. Ang tamang gawin, magsikap, magdasal at mag-tiyaga, pasasaan ba’t tutuparin rin ng Diyos ang hiling ng ating mga puso.

Advertisement

Images courtesy of www.google.com