Nagbebenta Raw ng Aliw ang Babaeng Ito sa Internet Kaya Naman Sinugod Siya ng Kaniyang mga Kapitbahay, Magugulantang Sila sa Matutuklasan

“Ale, pabili nga po ng sprite yung sakto,” saad ni Vangie na bumibili sa tindahan ng kapitbahay.

“Wow! Isang libo na naman ang pera mo! Mayaman kahit walang trabaho!” saad ng ale sabay kuha ng bayad.

“Baka mamaya mahuli ka diyan sa mga ginagawa mo! Mahiya ka naman!” saad ng ale sa loob ng kaniyang tindahan at alam ng dalagang siya na naman ang pinaparinggan ng ale ngunit hindi na lang niya pinansin.

“Salamat ho!” baling ng dalaga sabay kuha ng inumin.

Umuwi na siya at nagsara ng pinto. Napilitan ang dalaga na huminto sa kaniyang pagtratrabaho simula nang iwan siya ng ama ng kaniyang dalawang anak at wala siyang makuhang titingin na ibang tao dito.

Nasa apat na taon pa lang ang panganay niya at dalawang taon naman ang bunso. Nangibang bahay ang lalaki at hindi na nag-atubili pa si Vangie na habulin ito.

Dahil wala nang iba pang bubuhay sa kaniya at sa mga anak ay nagtrabaho na lamang siya sa bahay.

“Hoy Marta! Yung kapitbahay natin kanina bumili na naman dito sa akin at isang libo na naman ang pera! Malakas na talaga ang kutob ko sa babaeng ‘yan e! Baka naghuhubad na ‘yan sa bidyo camera at kumikita ng ganyan kalaki kahit wala naman siyang trabaho,” saad ni Aling Wilma ang aleng may-ari ng tindahan kanina.

Advertisement

“Hay naku! Tapos pinagtatakhan ko pa e nagpakabit pa siya ng internet! Wala na ngang trabaho nagpa-wifi pa! Baka mamaya e yung dalawang anak niyang babae yung mga pinaghuhubad niya! Jusmiyo!” baling naman ni Aling Marta.

“Nung minsan nga e lumabas yan ng bahay nila ay nakita kong posturang-postura! Naka make-up nga at binantayan ko talaga kung aalis ba ng bahay, naku hindi naman! Kinaumagahan ko na nakita!” saad muli ni Aling Wilma.

“Ay teka! Nakasabay ko yan minsan sa paggrogrocery, naku Wilma! Tinalo ka sa pamimili at punong-puno ang basket niya! Kung titignan ko ay nasa sampung libo rin iyon! Nakakapagtaka na talaga ‘yang babaeng ‘yan at hindi na maganda ang pakiramdam ko!” wika naman ni Aling Marta.

Sumugod naman kaagad ang dalawang ale at kinausap ang isang barangay kagawad.

“Kagawad! Kilala niyo ho ba si Vangie? Gusto lang ho sana namin siya i-report! Mantakin niyo ba naman kagawad parating malaki ang pera ng babaeng iyon kapag bumibili sa tindahan ko e wala namang trabaho iyon at wala na ring kamag-anak. Malakas ang pakiramdam ko e nagbebenta ng aliw yun sa kompyuter! Dun lang naman malaki ang pera!” pahayag ni Aling Wilma.

“At isa pa kagawad, halos pitong buwan nang ganoon ang pamumuhay ni Vangie. Hindi halos lumalabas ng bahay pero kapag naman naglabas ng pera e puro libo at walang barya! Ang amin lang e baka pati mga anak niya ay ginagamit niya sa masamang trabaho!” dagdag pa ni Aling Marta.

“Baka naman ho e may jowa lang na foreigner at yun ang nagpapadala!” saad naman ni Kagawad Joel.

“Naku kagawad! Malakas ho ang kutob namin na hindi ganoon. Kung jowa lang ang meron siya e bakit pati ang mga anak niya ay hindi na rin lumalabas ng bahay? Sige nga kagawad? Isipin mo yun. Wala naman mawawala sa atin kung susugurin natin at saka may awtoridad para gawin iyon dahil kailangang malinis at maayos ang mga pamumuhay ng mga nakatira dito sa ating barangay!” mariing wika ni Aling Wilma.

Advertisement

“Siya sige ho! Mukhang sigurado naman kayo at naniniwala akong hindi niyo lang gawa-gawa iyan. Hayaan niyo mamayang hapon e pupuntahan namin ang bahay nila Vangie at magdadala na rin kami ng mga pulis para diretso huli na rin,” baling ng kagawad.

Kinahapunan ay agad na dumating ang kagawad at may kasama itong dalawang pulis.

“Mga kapitbahay! Magsilabas kayo dali!!!! Aarestuhin na ‘yang si Vangie!” sigaw ni Aling Wilma sa mga kapitbahay at lahat ng mga ito ay nakatunghaw sa bahay ni Vangie habang kinakatok ng mga pulis.

Mabilis na lumabas si Vangie nang may kumatok sa kaniyang pintuan at katulad nga ng inaasahan ay napakaganda ng babae, nakamake-up ito at nakamagandang pangtaas ngunit maiksing short naman ang kaniyang pangbaba.

“Nais lang ho sana naming tignan kung totoo ang reklamo ng mga kapitbahay niyo na nagbebenta raw ho kayo ng aliw sa interntet,”saad ng pulis.

“Naku, hindi ho! Pasok po kayo sa bahay ko nang makita niyo kung ano ang pinagkakaabalahan ko,” saad ng babae sabay bukas ng kaniyang pinto.

“Naku! Pupusta ako! Paglabas nila ay nakaposas na ‘yang si Vangie at umiiyak!” saad ni Aling Marta at nagtawanan naman ang iba nitong kapitbahay.

Ngunit laking gulat nila na lumabas kaagad ang mga pulis at humingi pa ng pasensya sa babae.

Advertisement

“Kagawad! Anong nangyari!? Bakit hindi niyo pa hinuli?” tanong ni Aling Wilma.

“Nakakahiya kayo sa kapitbahay niyo, marangal ang trabaho ng tao at ang lakas niyong paghinalaan siya ng masama. Kung ako sa inyo ay humingi kayo ng tawad,” saad ng kagawad sabay alis. Hindi na nakatiis pa ang dalawang ale at sumugod ito sa bahay ng babae.

“Gusto niyo ho bang malaman kung ano ang pinagkakakitaan ko? Kung bakit marami ako laging pera? Nagtratrabaho ho ako bilang sekretarya ngunit nasa ibang bansa ho ang kumpanya na pinapasukan ko at sa webcam lang ho kami lagi nag-uusap. Kaya naman hindi ho ako lagi lumalabas ng bahay dahil sa gabi ho ang trabaho ko dahil umaga iyon sa ibang bansa at kapag umaga naman ho dito sa atin ay tsaka pa lang ako natutulog.”

” Hindi ko rin ho pinapalabas ang mga anak ko dahil hindi ko sila mababantayan kaya naman binigyan ko na lang sila ng space para makapaglaro at makapag-aral. Kailangan ko ho kasing kumita ng malaking pera pero kailangan ko rin silang bantayan kaya naman ganito ho ang klase ng trabaho ko,” paliwanag ni Vangie sa dalawang ale.

Hindi nakapagsalita ang mga ito dahil nakita nga nila na totoo ang sinasabi ni Vangie. Ang mga anak niya ay may pwesto kung saan may manila paper at iba pang chart para sa pag-aaral ng mga ito dahil kahit hindi pa sila pumapasok sa eskwelehan ay matatalino ang mga bata at nagsasalita ng English. Si Vangie naman ay pinakita ang kaniyang trabaho at wala na silang makita pang butas para ipaglaban pa ang akusasyon sa babae.

Kaya naman humingi na sila ng tawad kay Vangie at sila na mismo ang nagpakalat ng magandang chismis tungkol sa babae.