Huminto ang Ikot ng Mundo ng Dalaga Matapos Siyang Lokohin ng Dating Kasintahan; Mga Drama ang Naging Karamay Niya sa Kalungkutan

“I’m really sorry, Jack. Sige na, please. Bigyan mo ako ng second chance. Bumalik ka na sa’kin. Akin ka na lang uli,” pakiusap ni Mia sa dating kasintahan.

“No, Mia. Pumunta ako rito para linawin sa’yo na tapos na talaga tayo. Mahal ko si Fay. Ayokong mawala siya sa’kin,” tugon ni Jack.

“Fine! Willing ako makihati sa kaniya hanggang sa marealize mo na ako pa rin talaga ang mahal mo. Basta ‘wag mo lang akong iwan,” giit ni Mia bago akmang hahalikan si Jack.

Agad na pinigilan ni Jack si Mia at sinigawan ang dalaga: “Don’t do this to yourself! Have some self respect!”

Naiyak na lang si Mia at pinilit na yumakap sa dating kasintahan. Bago pa mapigilan ni Jack si Mia ay biglang nagpakita si Fay.

Agad na kinalas ni Jack ang pagkakayakap sa kaniya ni Mia at lumapit sa bagong kasintahan.

“Hon, this is not what you think it is,” agad ni depensa ni Jack.

Tiningnan ni Fay nang masama si Mia hanggang sa umalis ito bago kausapin ang kasintahan.

Advertisement

“Huwag ka nang magpaliwanag,” sambit ni Fay.

“No. Hindi mo naiintindihan…” tugon ni Jack na hindi pinatapos ni Fay dahil agad siyang nagsalita.

“Narinig ko ang lahat. Sorry kung hindi kita pinagkatiwalaan kaya pinakialaman ko ‘yung phone mo. Sinundan kita after kong mabasa ‘yung usapan niyo ni Mia sa message na magkikita kayo rito. I’m sorry… at thank you,” ang sabi ni Fay.

Agad na niyakap ni Jack si Fay at hinalikan sa noo.

Makalipas ang panahon ay ikinasal ang dalawa. Matapos nilang maghalikan sa harap ng altar ay unti-unting dumilim ang eksena. Pasimula nang lumabas ang mga letra sa telebisyon nang may narinig na katok sa pintuan si Rose.

Agad niya itong pinagbuksan nang malaman na ang kumakatok ay ang matalik niyang kaibigan na si Grace.

“Ang tagal mo naman dumating. ‘Di bale, marami pa naman ako ditong mapapanuod nating drama,” pagbati ni Rose sa matalik na kaibigan.

“Bes, ilang drama pa ba ‘yang balak mong panoorin? Wala ka na ba talagang ibang gagawin kundi manood ng mga drama pagkatapos niyong maghiwalay ng ex mo? Tingnan mo nga ‘yang sarili mo at saka ‘tong bahay mo. Wala ka bang balak mag-ayos?” sunod-sunod ng mga tanong ni Grace.

Advertisement

“Hayaan mo na lang muna ko, bes. Alam mo namang kailangan ko ‘to ‘di ba?” ang sabi ni Rose.

“Alam kong sobra kang nasaktan at nalulungkot sa panloloko sa’yo ng ex mo pero huwag mo namang pabayaan ang sarili mo. Isang buwan ka nang ganito. Tandaan mo, hindi titigil ang mga obligasyon mo sa buhay at ang mundong ‘to dahil may problema ka sa lovelife,” pangaral ni Grace.

“Kailan mo balak magtrabaho uli? Baka akala mo hindi mauubos ‘yang ipon mo?” tanong pa ni Grace.

Hindi naka-imik si Rose.

“Ang gawin mo, maghanap ka ng bagong trabaho at doon sa bagong trabaho mo ituon ‘yung oras at panahon mo. Malay mo dun ka pa makahanap ng bagong lovelife,” payo ni Grace.

Napaisip si Rose sa sinabi ng matalik na kaibigan. Tumingin siya sa kaniyang paligid at nakita niya kung gaano kagulo ang kaniyang bahay na kasing gulo ng kaniyang buhay. Pagtingin niya sa salamin ay lalo siyang napaisip.

“Anong nangyari sa’kin? Bakit ako nagkaganito? Bakit kailangan kong pag-aksayahan ng oras at luha ang taong hindi naman ako pinapahalagahan? Ang dami kong sinayang na panahon sa pagmumukmok,” wika ni Rose sa sarili.

Nang dahil dito ay natauhan si Rose. Napagtanto niyang kailangan niya nang ayusin ang kaniyang buhay. Sinimulan niyang ayusin ang kaniyang sarili at mga gamit sa bahay. Matapos nito ay agad na siyang tumingin ng mga mapapasukang trabaho.

Advertisement

‘Di nagtagal ay nakapasok siya sa isang kumpaniya. Maayos ang naging pagtanggap sa kaniya rito at nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan na napagtutuunan niya ng pansin. Sa tulong nila at ng trabahong pinagkakaabalahan ni Rose ay unti-unti siyang nakapag-move on hanggang sa tuluyan niya nang nakalimutan ang dating nobyo.

Nang tuluyang maghilom ang sugat sa puso ni Rose ay pumasok na uli siya sa isang bagong relasyon. Sinagot niya ang katrabaho nilang si Dan na ilang buwan nang nanliligaw sa kaniya at naging masaya siya sa piling ng binata.

Dahil dito ay lubos ang pasasalamat ni Rose sa mga naging pangaral ni Grace sa kaniya noon sapagkat kung hindi dahil sa matalik na kaibigan ay baka tuluyan nang nasira ang buhay niya at ‘di na niya natagpuan ang lalaking pakakasalan niya.