Bigong Hatid ng Trapik

Si Albert ay panganay sa apat na magkakapatid. Kasalukuyan ay siya lang ang nagta-trabaho para sa kanilang pamilya. Matanda na kasi ang mga magulang niya at umalis naman ang sumunod niyang kapatid sa dating trabaho. Sa araw-araw na pagpasok ni Albert sa opisina, araw-araw din niyang tinatahak ang mahabang traffic sa kahabaan ng EDSA.

Halos abutin ito nang hating gabi sa daan, dahil sa mabagal na usad ng trapiko. Noong mga nakaraang buwan ay mabilis pa nang kaunti ang oras ng kaniyang biyahe. Ngunit ngayon ay inaabot na hanggang tatlong oras, dahil bukod sa mga sunod sunod na pag-ulan ay malapit na rin magpasko kaya napakarami ng tao sa kalsada.

Mas mahaba na ang oras na kaniyang ginugugol sa trabaho at sa biyahe, kaysa sa oras niya sa kanilang bahay. Ang normal na alas-nuwebe niyang uwi ay umaabot na ng alas-onse. Tulad nang mga nakalipas na araw, hindi rin naiba ang araw na ito sa buhay ni Albert.

“Happy Birthday Bunso!” bati ni Albert sa kanyang kapatid na noon ay natutulog pa sa kama.

Si Albert naman ay abalang naggagayak sa kwarto para pumasok sa opisina.

“Bunso, ano ang gusto mong regalo?” tanong ni Albert habang binubutones ang long sleeve na suot.

“Ice… cream…” sagot ng bunsong kapatid ni Albert na si Kyle.

“O sige, hintayin mo ‘ko mamayang gabi ha? Bibilhan ka ni kuya ng maraming ice cream,” nakangiting sabi ni Albert habang nakatingin sa kanya ang bunsong kapatid.

Advertisement

Hindi man kayamanan ang pamilya ni Albert ay sapat na ito upang magkaroon ng munting handa sa kanilang hapag-kainan kapag mayroong may kaarawaan ang isa sa kanila. Bago umalis, nag-iwan pa si Albert ng pera sa kanyang nanay para gamitin sa panghanda ni Kyle.

“Ma, ito po. Lutuan niyo na lang po si Kyle ng spaghetti at fried chicken, pati na rin ng shanghai,” wika ni Albert habang inaabot ang pera sa kanyang ina.

“Salamat, anak. Mag-iingat ka sa biyahe mo,” sagot ng ina.

“Opo, ‘nay. Basta lutuan niyo na lang po si Kyle ng gusto niyang handa. Si Mara na po ang bibili ng regalong laruan kay Kyle. Bibili na lang rin po ako ng cake at ice cream pag-uwi,” ani Albert habang naglalakad na palabas ng kanilang gate.

“Oo, ‘nak. Sige na at baka tanghaliin ka na nang pasok,” sagot ng ina.

Madali lang ang naging biyahe ni Albert papasok ng opisina. Maganda ang panahon at tuloy-tuloy naman ang daloy ng mga kotse sa EDSA.

“Hay, ang ganda naman ng naging biyahe ko. Sana ganito rin pauwi,” bulong ni Albert sa kanyang sarili.

Pumasok na si Albert sa trabaho. Samantalang abala naman ang kaniyang nanay sa bahay nila na nagluluto ng handa. Nang magtanghalian na ay may natanggao na tawag si Albert habang nasa opisina.

Advertisement

“Kuya, nakaluto na po si mama ng spaghetti at fried chicken!” masayang bati ni Kyle sa kanya sa kabilang linya ng telepono.

“O ang sarap naman niyan. Kumain na ba kayo? Happy Birthday, Kyle. Papuntahin mo mga kalaro mo, yayain mo na kumain sa bahay at maglaro kayo,” ani Albert.

“Opo, kuya. Kumain na po kami, ang dami pa nga e. Sarap kasi magluto ni mama,” masayang kwento ni Kyle.

“Wala nga lang akong cake,” biglang malungkot na sabi nito.

“Hayaan mo, ibibili ka ni kuya! ‘Di ba bibilhan din kita ng ice cream?” sagot ni Albert para hindi malungkot ang kapatid.

“Yehey! Thank you, kuya. Hihintayin po kita makauwi. Ba-bye. Ingat ka kuya, I love you,” bati ni Kyle at sabay na ibinaba na nito ang telepono.

Malaking ngiti naman ang naiwan sa mukha ni Albert. Masaya siya na maramdaman na maligaya ang kaniyang kapatid ngayong kaarawan niya.

At nang mag-uwian na, ang napagdesisyunan ni Albert na bumili na ng cake at ice cream sa mall na kaniyang madadaanan. Maganda naman kasi ang panahon at mukhang magiging mabilis lang ang kaniyang biyahe pauwi. Baka rin kasi pagkarating nila sa kanilang lugar, ay sarado na sa mga bilihan at wala pa siyang mabili.

Advertisement

Alas-7 na nang gabi ng matapos mamili ng cake at ice cream sa mall, ngunit pagkalabas nito ay laking gulat niya nang makita ang malakas na hangin at buhos ng ulan. Ang dami na rin ng mga tao na nag-aabang ng masasakyan. Sinbukan ni Albert magbook na lamang ngsasakyan ngunit wala rin tumatanggap, maging taxi ay napakahirap sakyan. At dahil kailangan niyang makauwi ay nakipagsapalaran si Albert mag-abang ng masaksayan, at matagumpay itong nakasakay sa isang bus at nakaupo pa ito.

Akala ni Albert ay doon na natapos ang paghihirap niya sa kaniyang magiging biyahe, ngunit naging matindi ang naging traffic. Halos wala nang usad ang mga sasakyan sa kalsada. Alas-9 na at nasa kalagitnaan pa lang si Albert ng kaniyang biyahe.

“Sana hindi pa lusaw ‘yan cake na binili mo,” wika ng babaeng katabi ni Albert sa bus.

“Ay, oo nga e. Sana hindi pa, pero panigurado ako na itong ice cream na binili ko ay lusaw na,” sagot ni Albert na noon ay nag-aalala na dahil gabi na at baka hindi pa niya abutan na gising si Kyle.

Hindi na rin kasi ito makatext na dahil nalowbat na rin ang kaniyang celpon.

“Grabe no? Napahirap na talaga ngayong bumiyahe. Mauubos at mauubos ang oras mo,” sabi ng babae na patuloy na kinkausap si Albert.

Nahihiya man, nakipag-usap na rin si Albert sa babae upang mawala na rin ang pagkabagot nila sa biyahe sa loob ng bus. Nagpatuloy ang trapik hanggang sa babaan ni Albert, at bakas na sa mukha nito ang labis na pag-aalala dahil alas-11 na nang gabi, at iniisip nito na baka nakatulog na ang kapatid nang hindi man lang nagawang makita ang cake at hipan ang kandila nito.

Sumakay na si Albert ng traysikel diretso sa bahay nila. Nang makarating sa labas ng bahay, ay laking gulat nito nang makita ang buong pamilya na nag-aabang sa labas ng pinto.

Advertisement

“Nay! Si kuya!” sigaw ni Mara, pangalawa sa panganay sa kanilang magkakapatid.

“Kuya!” sigaw ni Kyle na mabilis na tumakbo papunta sa gate at pinagbuksan si Albert.

“Kuya, akala na namin kung ano na ang nangyari sayo. Hindi ka namin matawagan!” umiiyak na yumakap si Kyle sa kanyang kuya.

Lumapit naman si Mara at yinakap din ang kanyang kuya.

“Sobrang nag-aalala kami sa’yo kuya. Ang lakas lakas ng bagyo, at hindi ka namin matawagan. Buti na lang nakauwi ka na,” wika ni Mara.

“Nalowbat kasi si kuya at natrapik ng sobra. Pero nabili ko naman ang cake ng birthday boy, kaso medyo lusaw nga lang. Tapos ito ang ice cream, na pakiramdam ko ay milkshake na ang itsura,” wika ni Albert habang bitbit ang pasalubong papasok ng bahay.

Trenta minutos na lang at matatapos na ang araw ng kaarawan ni Kyle, kaya dali-dali nilabas ni Albert ang cake at sinindihan ito. Nagsama-sama ang mag-anak sa kusina upang kantahan si Kyle na sila ay magkakasama.

“Mag wish ka na Kyle,” sabi ni Albert.

Advertisement

“Papa God, ang wish ko po na sana ay palaging po kaming magkakasama at wag niyo po sanang pababayaan ang bawat isa sa amin nila nanay, tatay, kuya, aking mga ate, at ako po. Bonus na lang po yung laruan,” bulong ni Kyle na humiling bago hipan ang kandila ng kaniyang cake.

Bago natapos ang gabi, masayang nagkwentuhan ang pamilya ni Albert. Na kahit nahuli na siya ng dating ay masaya parin na nakapagdalo ng kaarawan ang bunso niyang kapatid.

Nang matutulog na, magkatabi si Albert at Kyle sa kama.

“Kyle, pasensiya ka na ha? Nahuli ng dating si kuya, hindi ko tuloy naabutan ang mga bisita mo. Nalate tuloy yung cake at nalusaw yung ice cream mo,” ani Albert habang yakap-yakap ang bunsong kapatid.

“Ayos lang’yon, kuya. Kahit walang cake at ice cream, basta nandito ka kuya, basta kasama ka namin. Magcharge ka lagi ng selpon mo ha! Grabe nag-alala talaga kami sa’yo,” sagot ni Kyle na noon ay nagawang pang magbiro kahit na antok na antok na.

Nakangiti si Albert nang marinig ang sinabi ng kanyang kapatid. Nagdasal ito at nagpasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap, at nagpasalamat sa pagmamahal ng kanyang pamilya na siksik, liglig at umaapaw.