Kasal na Kasali ang Biyenan

Matagal nang magkasintahan si Bianca at Louis, kaya napagkasunduan na nilang magpakasal. Pareho silang nagtatrabaho sa bansang Dubai. Si Louis ay isang electrician, habang isa namang interior designer si Bianca.

“Love, mauna kana munang umuwi sa Pinas. Para asikasuhin mo muna ang mga kakailanganin ng kasal natin,” malambing na wika ni Louis sa kanyang fiancee na si Bianca.

“Sige Love, basta sumunod ka kaagad ah. Hindi na kasi ako sanay na hindi ka kasama at nakikita,” wika naman ni Bianca.

Katulad nga ng usapan nila ay siya lang ang umuwi sa Pinas upang asikasuhin ang kasal. Pagkarating sa bansa ay wala siyang sinayang na oras. Agad niyang inasikaso ang lahat, mula sa kanyang susuutin at hanggang sa kaliit liitang detalye.

Ngunit nagkakaroon siya ng problema dahil sa kanyang biyenang hilaw, ang mama ni Louis.

“Bakit ba naman kasi kailangan mo pang bumili ng bagong gown? Pwede naman tayong mag-renta nalang, isang beses niyo lang namang gagamitin iyon.” suhesiyon nito.

“Naiisip ko lang po Ma, na pwede naman po iyong sinasabi niyo. Pero huwag naman ‘yong sa susuotin namin ni Louis, kahit sa mga abay nalang po. Napag-usapan naman po namin ni Louis ang lahat ng ito,” mahinahon niyang paliwanag ngunit ismid lamang ang isinagot nito.

“Hmp! Gagastos pa kayo ng malaki,” anito. “At saka iyong reception? Bakit kailangang sa hotel pa? Pwede naman na dito nalang sa bahay namin. D’yan sa bakuran pwede na iyan.”

Advertisement

“Ma, nasa Dubai palang po kami ay nakapag-reserve na kami ni Louis sa hotel na iyan. At saka iyan po kasi ang gusto ni Louis para daw hindi na tayo mapagod sa pag-estima ng mga bisita. Wala na pong maghuhugas ng pinggan o maglilinis ng kung ano-ano. Nais lang po namin na mapagaan ang trabaho ng lahat,” paliwanag niya na mukhang minasama yata ng biyenan dahil nagalit ito sa kanya.

“Ang sabihin mo lang talaga ay ito ang gusto mo lahat. Pa-sosyal ka kasi. Kilala ko ang Louis ko, hindi siya ganitong maarte. Pinilit mo lang yata ang Louis ko!”

“Ano po? Plano po namin itong lahat ni Louis, Ma.”

“Ewan ko! Hindi ko gusto ang plano mo. Sinasabi niyo pang plano ninyo, alam ko naman na ikaw lang ang may gusto nito!”

Para hindi na niya ito masagot ay walang sabi-sabing tumayo siya at umalis. Mas maigi ng huwag na lamang niya itong patulan upang hindi pa siya magkasala. Iiwan nalang niya.

Kinagabihan ay tumawag si Louis sa kanya.

“Hello Love,” malambing niyang wika. Nawawala ang pagod niya kapag nakakausap ang nobyo.

“Love, ano iyong sinabi ni Mama na sinagot-sagot mo raw siya? Nagsa-suggest lang naman daw siya kung ano ang sa tingin niya ay makakabuti at makakaayos sa kasal natin. Bakit naman kailangan mo siyang sagutin at talikuran?” halata sa boses ni Louis ang pinipigilang galit.

Advertisement

“Hindi ko siya sinagot sa masamang paraan Love, ipinaliwanag ko lang naman sa Mama mo ang mga bagay na napag-usapan natin at sa–” Hindi niya naituloy ang sasabihin ng bigla itong magsalita.

“Dapat sinunod mo nalang ang sinasabi ni Mama.”

“Louis, ako wala naman akong problemang tao e. Kung maayos naman iyong sinasabi ng Mama mo at mas makakabuti ang suhestiyon niya kesa sa plano natin ay maaari ko namang palitan ang nauna nating plano. Pero hindi naman kasi maganda ang mga suhestiyon niya e, mas maganda parin iyong plano natin.”

“Pero iyon ang gusto niya, Bianca.”

“Bakit kailangan na ang Mama mo ang masunod Louis? Siya ba ang ikakasal? ‘Di ba nga nag-ipon tayo ng ilang taon para lang matupad ang kasalang ito tapos sa bandang huli siya lang din ang masusunod? Ganyan ka ba talaga ka-loyal sa Mama mo?” naiinis niyang wika.

“Bakit, masama bang mahal ko lang ang Mama ko Bianca? Ganyan ka kasi hindi mo mahal ang Nanay mo.”

“Hindi totoo ‘yan! Mahal ko ang pamilya ko. Pero may sarili akong isip lalo na’t ngayong nasa tamang edad na ako. Hindi naman masamang mag-suhestiyon ang magulang natin. Pero hindi iyong ipagpipilitan nila ‘yong gusto nila at baguhin nalang iyong naka-plano. Gano’n ang nangyayari sa Mama mo. Gusto niyang baguhin ko ang naka-plano na, hindi naman pwede iyon.”

“Gano’n ba? Huwag nalang nating ituloy ang kasal. Ayoko din naman na magpakasal sa babaeng hindi makasundo ng Mama ko!”

Advertisement

Pakiramdam niya’y biglang sinaksak ang puso niya dahil sa sinabi nito. “Gano’n nalang? Kasi hindi ko gustong sundin ang sinasabi ng Mama kaya sasayangin mo ang lahat ng pinagsamahan natin. Ang planong nabuo na natin, ang lahat!”

“Oo!”

“Sige! Sana makahanap ka ng babaeng maging sunod-sunuran nalang ng Mama mo. Ayoko ding magpakasal sa lalaking Mama’s boy! Na para bang hindi makawala sa palda ng Ina!” ibinaba na niya ang telepono at inayos ang mga nakausap patungkol sa kanilang kasal. Alam niyang isa iyong malaking kahihiyan sa kanya at hindi madaling magpa-cancel ng reservation. Pero mas nanaisin niyang mapahiya kesa magpakasal sa lalaking sunod-sunuran nalang ng kanyang Ina.

Hindi masamang mahalin natin ang ating mga magulang. Ang masama ay ang hayaan natin silang kontrolin tayo, may sarili na tayong isip. Timbang-timbangin natin kung tama ba sila o sumusobra na.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!