Babaeng Biktima ng Pang-aabuso ng Asawa, Naglakas Loob na Tumakas na Naging Dahilan ng Labis na Pagsisisi ng Mister

Nagmamadaling isinara ni Annie ang kalan, sinulyapan niya ang orasan sa pader at nakahinga siya ng maluwag, sakto lang ang pagkaluto ng ulam. Maya-maya kasi ay darating na ang mister, magagalit ito kapag hindi pa luto ang hapunan at pagbibintangan siyang kung saan saan nagpupunta kaya hindi nakaluto ng maaga.

Ang totoo naman ay nasa bahay lang siya at binabantayan ang dalawang maliit na anak, ang panganay na si Arkin, 4 na taong gulang; at si Aria na 2 taong gulang. Simula nang ikinasal ay hindi na siya pinayagan ng mister na magtrabaho, noong una ay inakala niyang sweet iyon dahil ayaw na siya nitong mahirapan pero kabaligtaran ang nangyari, halos katulong kung ituring siya ng lalaki at ayaw siyang palabasin ng bahay, makasarili pala ang dahilan nito.

Bumukas ang pinto at alam ni Annie na ang mister na iyon.

“Kumusta ka? Kain na.” nakangiting bungad niya rito. Bumuntong hininga lang ang lalaki at padabog na ibinato ang bag sa sofa, nakatingin naman ang dalawang bata.

“Bwisit ako ngayon. Anong ulam?” sabi nito na lumapit na sa mesa.

“Tinolang manok, tamang tama lang ang dating mo.” sabi niya na sinimulan nang maghain.

Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. “Nakaayos ka yata ngayon? Kaluluto mo lang?”

Nagsimula nang manikip ang dibdib ni Annie, nagsisimula nanaman ang lalaki.

Advertisement

“Oo, nakatulog kasi kami ng mga bata.” sabi niya rito, may sakit kasi ang bunso niyang anak kaya nagmamanya ito, ayaw magpaiwan sa higaan. Maghapon itong kinarga ni Annie at sa pagod ay nakatulog rin siya nang makatulog ito.

“Natulog o lumabas ka? Nanlalaki ka no? Ang kapal ng mukha mo sinasama mo pa ang mga bata!” sumigaw na ito, hindi iniisip na nakamasid ang mga anak.

“Andy, nakatulog kami. May sakit si Aria atsaka pwede bang kumain na muna at sa kwarto na tayo mag usap, nakakaintindi na si Arkin.” paalala niya rito.

Walang pakialam ang lalaki, hinablot ang braso niya at idiniretso siya sa kwarto, doon ay sinampal siya nito ng pagkalakas lakas. Hindi alam ni Annie kung anong mali ang ginawa niya.Baka pagod siya sa trabaho, baka napagalitan ng boss,kahit anong pagdadahilan niya ay alam niyang kailanman walang sapat na rason para saktan siya nito. Walang sinuman ang may sapat na rason para manakit ng kapwa.

Pero hindi niya alam kung paano siya kakawala, paano na ang mga bata? Paano siya magsisimula? Mas natatakot siya sa magiging buhay ng mga anak kapag siya nalang mag isa ang nagtatrabaho kaya mas pinili niya na lang na masira ang sariling buhay sa piling ng lalaki.

Hinaplos ni Annie ang namumulang pisngi.

“Andy, mataas ang lagnat ni Aria kaya kinarga ko sya maghapon, pagod ako kaya nakatulog kami.” paliwanag niya pa rin dito.

Naramdaman ni Annie na may maliliit na kamay na yumakap sa laylayan ng bestida niya, naroon si Arkin.

Advertisement

“Umalis ka dyan!” sigaw dito ng ama dahil akmang sasaktan na naman nito ang misis. Pero hindi umalis ang bata, sa halip ay umakto pang susuntok ang maliliit nitong kamay.

Tila nainsulto naman si Andy kaya tinabig nito ng malakas ang kamay ni Arkin, namalipit sa sakit ang bata. Ang iyak ng anak ang tila gumising sa natutulog na lakas ng loob ni Annie. Sinampal niya si Andy at kinuha ang mga anak, lumabas siya ng bahay.

Wala silang dalang kahit na ano pero ang alam lang niya, kailangan niyang mailayo ang mga anak sa walang kwentang ama ng mga ito. Bahala na kung saan sila dalhin ang mahalaga ay kasama niya ang dalawang bata at sigurado siyang walang mananakit dito. Awa ng Diyos ay pinatuloy ng nanay niya si Annie.

Sinubukan siyang balikan ni Andy pero umayaw na ang babae. Aanhin niyang may ama ang mga bata kung wala namang kwenta ito? Matapos ang isang taon ay na-promote si Annie sa kanyang pinapasukan, naging masaya silang mag iina.

Sabi nga nila, saktan mo na ang nanay pero wag na wag ang mga anak nila dahil doon ay lalabas ang tapang na hindi aakalaing nagtatago lang pala.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Tama lang ba ang desisyon ni Annie? Kung ikaw si Andy, ano ang gagawin mo para balikan ka ng asawa? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.