Grabe Kung Tratuhin ng Babae ang Mister nang Mawalan Ito ng Trabaho, Isang Pangyayari ang Magmumulat sa Kanyang Pagkakamali

“Bakit ngayon ka pa nawalan ng trabaho? Kita mong nag-aaral na ang mga bata at maraming gastusin dito sa bahay!” ngawa ni Jeyna sa asawang si Aries.

Natanggal ang lalaki sa trabaho dahil nagbawas daw ng mga empleyado ang pabrikang pinagtatrabahuhan nito kaya nagngingitngit sa galit ang misis.

“Hindi ko naman kasalanan na mawalan ako ng trabaho, kusa kaming tinanggal. Huwag mo naman akong sisihin, babe!” sabi ng lalaki.

“Wrong timing naman kasi, e! Kung kailan na hindi ako natanggap sa inaplayan kong call center saka pa nagkaproblema ang pabrika niyo. Buwiset na buhay ‘to, o!”

Kinaumagahan ay nagdadadaldal pa rin ang babae dahil sa nangyari kay Aries. Kung anu-ano pa ang sinasabi nito sa asawa.

“Hay naku, kung ganito rin lang ang buhay na ibibigay mo sa akin, sana ay hindi na kita pinakasalan,” anito.

Iniintindi na lang ni Aries ang sentimyento ng kanyang misis. Kahit naman siya ay naiinis at masama ang loob sa nangyari sa kanya. Dahil nahihiya sa asawa, agad na naligo at nagbihis si Aries para maghanap ng trabaho.

Buong araw na nag-apply ang lalaki pero mailap sa kanya ang suwerte kaya umuwi itong lulugo-lugo.

Advertisement

“O, anong nangyari sa pag-aapply mo?” tanong ni Jeyna.

“Sorry, babe. Hindi ako natanggap sa mga inaplayan ko.”

“Anupa’t umalis ka ng maaga kung wala ka rin namang napala?”

“Maghahanap ulit ako bukas, huwag ka nang magalit,” sabi ni Aries sa asawa sabay yakap rito.

Nagpumiglas ang babae sa pagkakayakap ng mister.

“Bitawan mo nga ako, Aries. Tigil-tigilan mo ako sa kagaganyan mo, ha at hindi ako natutuwa!” bulyaw pa nito.

Nanahimik na lang si Aries at hindi na nagpumilit na pakinggan siya ng asawa.

Maging sa pagtulog ay hindi pinalagpas ni Jeyna ang pagpapahirap sa mister. Hindi niya ito pinatabi sa kanya sa pagtulog sa halip ay sa sofa niya pinahiga ang lalaki.

Advertisement

“Babe naman, bakit mo ako dito papatulugin sa labas?”

“Bagay lang sa iyo iyan! Hangga’t walang nangyayari sa paghahanap mo ng trabaho ay hindi ka matutulog dito sa kama!” bulyaw pa ng babae.

Napakamot na lang sa ulo si Ariel at nagtiyagang matulog sa sofa.

Nang sumunod na araw ay umuwi na naman ang lalaki na walang nangyari sa inaplayan nito kaya katakot-takot na namang sermon ang inabot nito kay Jeyna.

Habang kumakain sila ng hapunan ay nagtaka si Aries.

“Babe, bakit kalahating hiwa lang ng galunggong ang ulam ko?” tanong nito sa asawa.

“Aba, at nagreklamo ka pa, e pinagkakasya ko lang ang pinagbentahan ko ng mga sabong pampaganda sa kinakain natin araw-araw dahil sa wala kang trabaho. Hayaan mo na sa amin ng mga anak mo ang tig-isang buong galunggong at iyo ay kalahati lang para tipid. Puwede mo pang iulam ang kalahati bukas,” sabi ni Jeyna.

Napapailing na lang si Aries sa ginagawang pangtitipid sa kanya ng misis.

Advertisement

Kinaumagahan, habang naglalakad si Jeyna papunta sa eskwelahan ng mga anak para sunduin ang mga ito ay nakasalubong niya ang kaibigang si Judith.

“O, Judith, kumusta ka na? Bakit bihira na kitang makita sa eskwelahan, hindi ka na ba nagsusundo?” tanong niya rito.

Nakatungo lang ang babae at pilit na iniiwas ang tingin sa kanya.

“Wa-wala, busy lang ako. Sige, ha,” maikling sabi ng kaibigan at nagpatuloy na ito sa paglalakad palayo sa kanya.

Ipinagtaka ng babae ang pag-iwas ng kaibigan na para bang may itinatago ito na kung ano.

Sa eskwelahan ay bulung-bulungan ng mga kapwa nanay na nagsusundo sa mga anak ang tsismis tungkol kay Judith.

“Alam niyo ba, gabi-gabi raw binubugbog ng mister niya si Judith. Nagkamali siya ng taong pinakasalan dahil kilalang sadista pala ang lalaki,” sabi ng babae.

“Talaga ba? Kaya pala napansin ko na parang may pasa ang mga braso niya,” gatol pa ng isa pa.

Advertisement

Hindi makapaniwala si Jeyna na isang battered wife ang kaibigan. Mula kasi ng mag-asawa ito ay bihira na silang mag-usap ng babae. Nagkikita lang sila sa eskwelahan kapag nagsusundo sa mga anak.

Isang araw ay nagimbal na lang si Jeyna sa balita na pumanaw na ang kaibigang si Judith. Binawian ito ng buhay sa kamay ng sariling asawa. Nakita ang bangkay ng babae na bugbog-sarado ang mukha at puno ng sugat at pasa ang buong katawan.

Napagisip-isip ni Jeyna na napakasuwerte niya pala sa kanyang asawang si Aries dahil kahit kailan ay hindi man lang siya nito pinagbuhatan ng kamay. Kahit grabe ang pagtrato niya sa mister nang mawalan ito ng trabaho ay hindi siya nito pinatulan at sinaktan. Laking pagsisisi niya sa ginawang pagtrato at pagpapahirap rito.

Nang umuwi ang mister galing sa pag-aapply ay agad niya itong niyakap nang mahigpit at humingi ng tawad sa lahat ng sinabi niya at ginawa.

“Babe, sorry ha! Sana ay mas inintindi kita at hindi pinagsalitaan ng kung anu-ano,” aniya sa lalaki.

Nabigla si Aries sa ginawa ng babae ngunit natuwa ito sa pagpapakumbaba ng kanyang misis.

“Wala iyon, babe. Naiintindihan naman kita, e. Dapat talaga bilang Padre de Pamilya ay ako ang nagtataguyod sa inyo ng ating mga anak.”

Nagkasundo ang mag-asawa at kinalimutan na ang tampuhan nila. Nagbunga ang pagtitiyaga ni Aries at natanggap din ito sa wakas sa inaplayang trabaho. Napatunayan din ng dalawa na kahit anumang problema ang dumating sa kanila ay kakayanin nila ng magkasama.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!