Ang Chismis Tungkol Kay Misis!

Asar na asar si Erick nang pumasok sa kanilang bahay. Galing siya sa pagpapahangin sa kanilang bakuran, nang makarinig ng tsismis mula sa mga kapit-bahay tungkol sa kaniyang misis na si Melanie.

Aswang daw ito, sabi nila. Madalas daw kasi nilang makita si Melanie na lumalabas ng hating-gabi, lalong-lalo na kapag night-shift sa trabaho si Erick. Lumalabas daw ito nang may suot na maayos na damit, ngunit bumabalik nang marungis at magulo ang buhok kapag paumaga na.

Hindi naman naniniwala roon si Erick. Sa tatlong-taong pagsasama naman kasi nila’y ni minsan ay hindi gumawa ng kahit anong kahina-hinala si Melanie. Isa pa, edi sana’y siya ang kauna-unahang magiging biktima ng asawa dahil nakatira sila sa iisang bahay, ’di ba?

Napailing na lang si Erick. Perwisyo talaga sa buhay ang mga tsismosa!

“Oh, Mahal, bakit naman nakabusangot ’yang mukha mo?” tanong ni Melanie sa kaniya nang mapansing nakasimangot si Erick.

“Paano’y pinagchi-chismis-an ka ng mga kapit-bahay natin, Mahal! Nakakaasar, e!” kunot na kunot ang noong sagot naman ni Erick.

“Naku, ba’t naman kasi pinagpapapansin mo pa ang mga ’yan? Hayaan mo sila. Ang mahalaga, magkasama tayong dalawa.” Niyakap pa siya nang mahigpit ni Melanie. “Ano’ng gusto mong ulam ngayong hapunan?”

“Bahala ka, Mahal. Basta, ipagtira mo ako ng pambaon, ha? Papasok ako, e,” bilin ng lalaki sa asawa.

Advertisement

“Panggabi ka na naman?” tila may himig ng pagtatampo sa tinig ni Melanie. Kumalas siya sa pagkakayakap kay Erick at pinagsalikop ang mga braso.

“’Wag ka nang magtampo, Mahal. Aagahan ko na lang ang uwi ko bukas, para naman magkaroon tayo ng time na mag-labing-labing,” biro naman ni Erick kay Melanie para pagaanin ang loob ng asawa. Tinaas-taas niya pa ang kaniyang kilay habang nakangiti.

’Di naman nakatiis si Melanie at muling niyapos ang asawa. Hinagkan niya pa si Erick bago siya tumayo at magtungo sa kusina para magluto.

“Wow, bopis!” natatakam na saad ni Erick nang makita kung ano ang ihinahain ng asawa sa hapag nila. “Mukhang masarap ’yan, Mahal, ah!” dagdag pa niya.

“Masarap talaga ’yan, Mahal. Bagong katay ang karneng ’yan nang bilhin ko, e,” pagmamalaking sabi naman ni Melanie na malawak ang pagkakangiti.

Napasarap sa paghahapunan ang mag-asawa. Talaga kasing masarap kung magluto si Melanie, kaya marami ang kumukuha sa kaniya bilang kusinera noon sa dati nilang inuupahang lugar.

Maya-maya pa’y nagpaalam na si Erick na papasok sa trabaho. Hindi naman kinaligtaang pabaunan ni Melanie ang asawa ng niluto niyang bopis.

Kinabukasan ay pinilit ni Erick na makauwi nang maaga, ngunit nabigo siya. Naipit kasi siya sa matinding traffic at tanghali na nang makauwi siya sa kanila.

Advertisement

Laking pagtataka ni Erick nang maabutan ang kumpulan ng kanilang mga kapit-bahay sa gilid ng daan patungo sa inuupahan nilang appartment ni Melanie. Hayan na naman ang mga bulungan nilang parang sinasadya pa yatang iparinig ng mga tsismosa sa kaniya.

“Iyan ba ’yong asawa ng aswang?” dinig niyang tanong ng isang matandang babae sa katsismisan nito.

“Aba’y oo. Kawawang lalaki,” komento naman ng isa pa.

“Sinabi mo pa. Habang nagtatrabaho siya, hindi niya alam, nang-aaswang na pala ang asawa niya. May ilan na rin palang nabiktima ang babaeng ’yon, kasama na si Lester.”

“Susmariyosep!” napatampal pa sa noo ang magkatsismisang matanda bago makalampas si Erick sa kanila.

Hindi na niya kaya ito! Sawang-sawa na siya sa mapanuring mga tinging ipinupukol ng mga kapit-bahay nila sa kaniya sa tuwing uuwi siya galing sa trabaho! Nagpasiya si Erick na sa gabing iyon ay magkukunwari lamang siyang papasok, ngunit ang totoo’y aalamin niya lang kung totoo bang umaalis ng bahay si Melanie tuwing sasapit ang hating-gabi, at kung oo’y aalamin niya rin kung bakit.

Nang makauwi’y sinalubong siya ng asawa. Isang mahigpit na yakap at mainit na halik ang iginawad nito sa kaniya, na kalauna’y nauwi sa lambingan. Diretso silang dalawa sa kwarto nila at hindi na nakakain pa ng tanghalian dahil doon na sila namalagi maghapon.

Nang mag-alas siete ng gabi’y nag-umpisa nang maghanda si Erick kunwari sa pagpasok. Isa na namang masarap na hapunan ang ihinain ni Melanie sa kaniya na muli’y hindi rin siya kinaligtaang pabaunan.

Advertisement

Maya-maya pa’y nagpaalam na siya sa asawa. Umalis siya ng bahay, ngunit bumalik lamang ulit at nagtago sa likod ng kanilang bakuran. Naghintay si Erick doon hanggang sa maghating-gabi. Nagtiyaga siyang magmatiyag. Malapit na siyang mainip, nang bigla ngang bumukas ang pinto ng kanilang tahanan, at presto! Lumabas nga roon si Melanie!

Hindi lang iyon. Nagtuloy-tuloy itong maglakad, patungo sa kung saan, suot lang ang kaniyang nighties. Sinundan siya ni Erick. Sinundan nang sinundan hanggang sa makarating sa tunay na paroroonan.

Ganoon na lang ang kilabot na naramdaman ng lalaki, nang mapag-alamang totoo nga ang tsismis na kumakalat tungkol sa asawa.

Aswang nga ito… nang-aaswang ng asawa ng iba! Inaaswang nito ang mga asawa ng ilan sa kanilang kapit-bahay, at nagpapaaswang din si Melanie sa kanila!

Nauwi sa hiwalayan ang inakala ni Erick na walang hanggang pagmamahalan. Hindi naman siya inutil para tuluyan pang makisama sa babaeng matagal na pala siyang niloloko.