Nagpanggap na Pilay, Nagkatotoo

Dalawang taon na ang nakalipas nang maka-graduate sa kursong nursing ang anak ni Aling Lena.Nang makapasa ito sa board exam at maging ganap nang nurse ay tinulungan na siya nito sa dalawa pang kapatid na kapwa nasa highschool na. Kaya naman kahit paano, nakakaluwag-luwag na si Aling Lena sa buhay.

Sa kabila naman noon, hindi na maalis sa kanya ang pagiging mapanlamang niya sa kapwa. Likas na yata iyon sa ale, kahit na kailan ay hindi siya patas kung lumaban. Ang hilig niyang manira ng ibang tao, inggitera rin siya sa mga kapitbahay na wala namang ginagawa sa kanya.

Kunwari ay may nakabili ng bagong TV, itsi-tsismis niya na kaagad na baka may bahong itinatago ang pamilya.

“Tingnan mo si Sabel, matapos ang TV ay stereo naman ang ipina-deliver ngayon. Aba, talagang deliver ha! Kung pwede namang ipatong nalang sa tricycle diba? Nagyayabang kamo talaga, gusto niyang nakikita natin ang malaking truck ng pinagbilhan niya,” nakaismid na sabi niya kay Josie.

“Malaki yata masyado mare, hindi kakayanin ng tricycle,”

“Naku kaya yan! Nagmamalaki lang talaga yang si Sabel. Sigurado naman akong may bahong itinatago iyan. Baka sindikato ang asawa, eh bakit magkakapera aber?” dagdag niya pa.

Lingid sa kaalaman niya na doble ang kayod ng asawa ni Aling Sabel mabigyan lang ng magandang buhay ang pamilya. Pala-silip at pala-gawa lang talaga ng kwento si Aling Lena.

Isang hapon, taas noo siyang lumabas ng bahay nila. Bihis na bihis siya dahil niyaya siya ng anak niyang si Angela na magpunta sa mall.

Advertisement

“Mare, sabi sa iyo. Ang anak kong iyan, walang ibang ginawa kundi gumastos! Hindi yata nauubos ang pera eh. Ngayon naman ay magma-mall kami. O sige dyan kana Jo ha, mamaya nalang,” pagpapaalam niya sa kaibigan na may halo pang pagyayabang.

Palibhasa ay araw ng Linggo at walang pasok kaya maraming tao sa mall. Nanood ng sine ang mag ina at kumain, bago sila umuwi ay nakaramdam ng pagkaihi si Aling Lena.

“Nay, dito tayo,” bulong ng anak niya dahil akmang kakausapin na ni Aling Lena ang janitress para doon siya umihi sa PWD, ang espesyal na CR na naka-reserba sa matatanda, buntis, o may mga kapansanan.

“Dito na! Pipila kapa dyan, ang daming tao o!” sabi niya, inginuso pa ang pila sa CR ng babae.

“Pero Nay, hindi kapa naman senior diba? Halika na. Ayan iyong ale, pilay o. Pabayaan mo na sila dyan, para sa kanila talaga ang CR na yan,”

Umismid siya. Dahil likas na sa kanya ang ayaw magpalamang, isang plano ang kanyang naisip. Nagulat pa ang anak niya nang bigla siyang maglakad nang paika-ika.

Sadya niyang ibinabaliko ang bewang, lupaypay kung maglakad.

“Nay!” bulong pa ni Angela pero di niya ito pinakinggan. Itinabingi niya rin ang bibig nang kakausapin na niya ang janitor para buksan ang pinto ng CR.

Advertisement

“P-Pwede mo bang b-buksan toy? Iihi ako,” wika niya.

Nagtataka man ay nakamasid sa kanya ang aleng nakawheelchair.

“N-Nauna ako,” tabingi man ay inismiran niya pa ito.

Ngiting ngiti siya nang makapasok sa loob at makaihi, hah! Papatalo ba siya?

Nang palabas na ay taas pa rin ang kilay niya, inaasar pa ang aleng pilay na naihasan niya. Kakalingon niya rito at kakalakad ng gegewang gewang ay di niya napansin ang karatula na basa ang sahig sa kanyang nilalakaran.

Nawalan ng balanse si Aling Lena at napasigaw siya sa sobrang sakit ng pagkakabagsak niya sa sahig. Nagtinginan ang mga tao at namutla si Angela nang makita ang sinapit ng ina.

“Diyos ko po, tulong!” wika ng dalaga. Di na kasi nakapagsalita ang ginang, tanging ngiwi at impit na iyak na lamang ang nagawa nito dahil sa sobrang kirot.

Agad siyang binuhat ng mga security guard at dinala sa clinic ng mall habang naghihintay ng ambulansya. Nang makarating sila sa ospital ay sinabi ng doktor na may tama siya sa balakang, maliit na lang ang tsansa na makalakad siya ulit.

Advertisement

Kakailanganin siyang i-therapy, nang marinig nila kung magkano ang halaga ng bawat session ay napaiyak na lamang si Aling Lena. Sobrang mahal.

“Sorry Nak, kasalanan ko ito eh. Nagpanggap akong may diperensya, nagkatotoo tuloy,” umiiyak na wika niya.

Inalo-alo na lamang siya ni Angela. Napalingon pa silang mag ina nang makarinig ng katok sa kanyang silid. Bumukas ang pinto at di niya inaasahan ang makikitang panauhin.

“S-Sabel?”

“Pasensya kana kung dumiretso na ako rito sa kwarto ha. Sabi ng bunso mo sa salas ay narito ka raw,” wika nito. Inilapag pa sa gilid ng kama niya ang isang basket ng mga prutas.

“B-Bakit mo ako dinalaw?” di makapaniwalang tanong niya. Paano naman kasi, paborito niya itong i-tsismis at siraan.

“Bakit naman hindi? Tayo-tayo nalang ang magkakapitbahay, magtitiisan pa ba?” kasunod noon ay iniabot nito sa kanya ang isang sobre na nang tingnan niya ang laman ay pera, “Pasensya kana. Maliit lang iyan pero sana makatulong. Susubukan ko pang mag-solicit sa mga kapitbahay para sa therapy mo-“

“Salamat!” lumuluhang wika niya na napayakap rito.

Advertisement

Labis ang pagsisisi ni Aling Lena. Marahil ay ito na ang karma sa kagaspangan ng ugali niya. Sa kabila naman noon, malaki pa rin ang pasasalamat niya sa Diyos dahil kahit puro kasamaan ang dulot niya sa mga kapitbahay ay kabutihan pa rin ang isinukli ng mga ito.