Hinanap ng Batang Pulubi ang May-Ari ng Napulot Niyang Pitaka, Isang Malaking Pabuya ang Naghihintay sa Kanya

Isang umaga ay nagising na lamang si Gudoy na hinihimas ang kanyang tiyan. Nakakaramdam na siya ng gutom. Isa siyang batang pulubi na pagala-gala lang sa kahabaan ng Espanya. Ulilang lubos na siya kaya mag-isa na lang niyang itinataguyod ang sarili. Bumangon siya sa kinahihigaan at naghanap ng makakain.

“Saan na naman kaya ako maghahagilap ng pagkain ko? Hay, araw-araw na lang ay ganito!” bulong niya sa sarili

Habang naglalakad sa may kanto ng Vicente Cruz ay di sinasadyang nakapulot siya ng isang pitaka. Nang silipin niya ang laman nito ay bumungad sa kanya ang napakaraming perang papel.

“Wow, ang dami nito!” mangha niyang sabi.

Biglang gumuhit sa kanyang mukha ang napakalaking tuwa.

“Mayaman na ako, mayaman na ako!” sigaw ni Gudoy.

Sa sobrang kaligayahan, ang lahat ng tao ay napapatingin na sa kanya.

“Lord, salamat po at nakapulot ako ng pitaka at marami pang lamang pera. Siguradong marami akong mabibiling pagkain!” aniya sa sarili.

Advertisement

Dali-dali muna siyang umupo sa isang tabi. Lumingon-lingon muna sa paligid bago ituon ang mga mata sa kanyang napulot. Muli niyang sinilip ang hawak na pitaka. Binulatlat niya ang lahat ng bulsa niyon at may nakita siyang litrato ng isang pamilya. Ito marahil ang larawan ng pamilya ng may-ari.

“S-sila ang may-ari nitong pitaka,” mahina niyang sabi.

Hindi maintindihan ni Gudoy, ngunit bigla-biglang tumulo ang kanyang luha sa kanyang nakita. Muli siyang naglakad-lakad hanggang sa makarating siya sa isang groto. Naroon ang imahen ng Mahal na Birhen at kinausap niya ito.

“Ano pong gagawin ko rito sa pitakang napulot ko? Tulungan niyo po ako,” tanong niya sa Mahal na Birhen.

Hindi batid ni Gudoy na may isang matandang babae na nagtitinda ng bulaklak ang malapit lang sa kinaroroonan niya. Narinig nito ang sinabi niya at lumapit ito sa kanya.

“Isauli mo iyan sa may-ari. Iyon ang mabuti mong gawin,” sabi ng tindera ng bulaklak.

Napatingin si Gudoy sa matandang babae.

“Ano pong sinabi niyo manang?” tanong niya rito na pinapaulit ang tinuran nito ngunit nakaalis na ang matanda at di na niya naabutan.

Advertisement

Napalunok siya na may takot at gulat sa kanyang mga mata. Hindi niya alam kung anong naramdaman niya ng mga sandaling iyon. Ngunit alam niya na ang sinabi nito ay tama.

Napagdesisyunan ni Gudoy na libutin ang buong Espanya kahit pa makarating siya sa Morayta hanggang Quiapo ay gagawin niya para hanapin ang may-ari ng pitakang napulot niya.

“Kailangan kong hanapin ang may-ari nito, dahil iyon ang dapat kong gawin, dahil iyon ang tama,” aniya.

Mula Lacson hanggang sa nais na puntahan ay unti-unti niyang nagamit ang perang nasa loob ng pitaka.

Isang araw, napadpad siya sa lugar kung saan maraming tao, maraming nagtitinda at pamilihan. Gamit ang larawang nasa palad ay ipinagtanong-tanong niya kung kilala ang may-ari ng pitaka.

“Ale, ale kilala niyo po ba itong nasa litrato?” tanong niya sa isang babae.

“Naku, hindi e! Pasensya na, hijo,” sagot nito.

Nang may nakasalubong siyang lalaki ay pinagtanungan din niya ito.

Advertisement

“Mama, nakikilala niyo po ba ito?”

“Wala, wala akong kilalang ganyan!” anito.

Sa kanyang pagtatanong sa kung sinu-sinong tao ay nakaramdam siya ng pagod at kawalang pag-asa dahil iisa lang ang sagot ng bawat napagtanungan niya. “Hindi ko kilala!”

Maya-maya ay may nakasalubong siyang matandang lalaki. Sinubukan niya itong tanungin kung kilala ang mga nasa litrato.

“Manong, kilala niyo po ba itong mga nasa litrato?” taong niya sa matanda.

“Kinusut-kusot muna ng matanda ang mga mata bago titigan ang litrato.

“Oo, kilala ko sila, hijo. Bakit anong kailangan mo sa kanila?” tanong nito.

“May ibabalik lang po ako na pagmamay-ari nila,” sabi niya rito.

Advertisement

Agad na itinuro ng matandang lalaki kung saan nakatira ang mga nasa litrato. Matapos niya itong pasalamatan ay pinasok niya ang isang maliit na kalye sa tabi ng riles ng tren hanggang sa makita ni Gudoy ang sarili na nakatayo sa harap ng kulay asul na gate.

“Heto na siguro iyon,” bulong niya sa sarili.

Kinatok niya ng tatlong beses ang gate. ‘Di nagtagal ay may nagbukas niyon. Nang mabuksan ang gate ay isang batang babae ang sa kanya ay sumalubong.

“Sino ka, anong kailangan mo?” tanong ng bata.

“Isasauli ko lang po itong napulot ko,” aniya sabay labas sa mga kamay ng hawak na pitaka.

Nagulat ang bata sa nakita nito. Agad itong pumasok sa loob ng bahay at ng muling lumabas ay kasama na ang nanay at tatay nito. Pagkakita sa kanya ay niyakap siya nang mahigpit ng may edad ng babae. Hindi nito alintana ang duming nakadigit sa katawan ni Gudoy.

“Pasensya na po kayo wala na pong lamang pera ang pitaka, kasi nagamit ko na po sa paghahanap sa inyo,” pagtatapat ni Gudoy.

“Dyusko, hulog ka ng langit sa amin!” wika ng may edad n babae.

Advertisement

“A-ano pong ibig niyong sabihin?” takang tanong ng bata.

“May nakalagay sa loob ng pitakang iyan na malaking biyaya,” sagot naman ng may edad na lalaki.

“Paano pong biyaya, e wala na nga pong lamang pera ang pitaka ninyo. Naubos ko na po.”

Kinuha ng lalaki ang pitaka at isa-isang sinilip ang mga bulsa nito. Laking tuwa ng lalaki nang makita ang ticket ng lotto na nakasilid sa pinakahuling bulsa ng pitaka. Ang naturang ticket ay tumama ng halos isandaang milyong piso at halos apat na linggo nang nawawala kasama ang pitakang pinaglagyan nito.

“Ito nga, darling! Ito ang matagal na nating hinahanap!” tuwang-tuwang sabi ng lalaki sa kanyang asawa.

“Oo nga. Kundi dahil sa batang ito ay hindi iyan maibabalik sa atin!” sabi ng babae.

Nalilito naman si Gudoy sa pinagsasasabi ng mag-asawa. Wala na lang siyang nagawa kundi ang magkamot ng ulo.

Ang laman lamang pala ng pitaka na napulot ni Gudoy ay tatlong daang piso na binubuo ng tig-dalawampung piso at limampung piso na pirasong perang papel. Dahil na rin siguro sa walang pinag-aralan kaya inakala ni Gudoy na napakalaking halaga ang nahawakan niya.

Advertisement

Lubos ang pasasalamat kay Gudoy ng mag-asawa na may-ari ng pitaka kaya bilang ganti sa ginawa niyang pagmamagandang loob ay kinupkop siya ng mga ito at itinuring na parang tunay na anak. Masayang-masaya naman si Gudoy dahil hindi na siya kailanman malulungkot, mayroon na siyang matatawag na nanay, tatay at kapatid. Hindi na siya matutulog sa kalye dahil may bahay na siyang masisilungan at hindi na rin siya mag-iisa dahil mayroon na siyang matatawag na pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!