Inday TrendingInday Trending
Kung Sino Pa sa Magkakapatid ang Hindi Nakapag-aral ay Siyang Naging Bilyonaryo

Kung Sino Pa sa Magkakapatid ang Hindi Nakapag-aral ay Siyang Naging Bilyonaryo

Kagagaling lang ni Julius mula sa trabaho, patang-pata siya dahil sa tambak na gawain. Nagtatrabaho siya sa isang pabrika ng tela na malapit sa kanilang bahay kaya nilakad niya na lamang ang pauwi, nang makatipid naman kahit paano sa pamasahe.

Nang marating niya ang malaking bahay ay hinubad niya ang sapatos at medyas at pabalibag na inihiga ang katawan sa lumang sofa.

Oo, malaki ang bahay nila dahil mayaman sila dati. Ang kanyang mga ate at kuya ay nakapagtapos ng kolehiyo at magaganda na ang buhay ngayon. Doktor, abogado at teacher. Habang eto siya, pobreng trabahador sa pabrika, taga-gawa ng makina at taga-alaga sa nanay nilang baldado.

Siya lang ang minalas sa magkakapatid, nang tutungtong na kasi siya ng high school ay namatay ang kanilang ama at ang nanay naman niya ay na-stroke. Hindi na siya napag-aral pa nito. Ang mga kapatid niya naman ay nakalimot na rin.

“Ma, andito na ako!” sigaw niya. Umakyat na siya sa hagdan, bago siya pumasok sa kwarto ay inihanda na niya ang sarili sa mas maraming gawain, bumuntong hininga muna siya bago buksan ang pinto.

Naroon ang kanyang ina sa kama, basa ang kutson dahil sa ihi nito at sa tae nito.

“Naku ma, nagkalat ka na naman. Pasensya kana, kung may pambayad lang ako ng katulong ay hindi magkakaganito.” malungkot na sabi niya. Kulang pa kasi ang sinasahod niyang minimum rate sa gastos ng nanay niya sa gamot.

Sinimulan niya nang buhatin ang matanda, inilapag niya ito sa upuan tapos pinalitan ang kobre kama.

Nang matapos siya ay dahan-dahan niya na itong ibinalik at napansin niyang napangiwi pa ito nang lumapag ang likod sa kama. Sinilip niya ang duster nito, napakaraming bed sores. Mga sugat na sanhi ng sobrang paghiga.

“Yaan mo ‘Nay, tatawag ako sa Ate Cecile at Kuya Delfin bukas, hihingi ako ng gamot sa ganyan.” sabi niya na ang tinutukoy ay ang kapatid niyang doktor.

Nagbayad pa sa payphone si Julius pero tila tinataguan naman siya ng mga kapatid, narinig niya kasi itong sumagot pero binaba iyon. Nang muli niyang subukan ay katulong na ang sumagot at wala raw ang kapatid niya sa bahay. May seminar raw at dalawang linggong di makakauwi.

“Nay pasensya ka na, gagawan ko nalang ng paraan yan. Baka pwede rin tong ointment mo sa paa,” sabi nya. May sugat rin kasi dati sa paa ang nanay niya at may natira pang gamot. Sana, umepekto.

Ilang linggo pa ang nakalipas ay namaalam na rin ang nanay ni Julius. Kung hindi pa dahil sa paghahati-hatian ang bahay ay hindi pupunta ang mga kapatid niya.

“So you think mas wise kung ibebenta natin tong bahay? I disagree. Maliit nalang ang value nito dahil luma na, I’d go for Kuya Delfin’s suggestion na we turn this house into an apartment,” sabi ng isa sa mga kapatid ni Julius.

“Ako rin, bale tig-iilan nalang tayong tatlo? Julius here will be the caretaker, he’ll be collecting money nalang then hatid sa atin yung renta. Swelduhan nalang natin sya.” sabi naman ng Kuya nya.

Si Julius naman ay di makasagot, kay gagaling mag usap ng mga kapatid niyang may pinag-aralan. Samantalang siya, mangmang at kaunting ingles lang ang alam. Tinanggap niya na sa sarili niyang swelduhan nalang siya ng mga ito pagdating ng panahon, di niya na inilaban ang parte niya sa hatian dahil talo naman siya sa argumento palang. Baka sabihin ng mga ito na hindi niya naman maaalagaan mabuti ang share niya dahil mahina ang ulo niya.

Huling lamay na ng kanilang ina nang may isang matandang lalaking kumatok, naka-formal ito at sa pagpapakilala ay isa palang attorney. Nakilala pa nga ito ng kapatid niyang abogado. Ayon sa ate niya, isa raw ang matanda sa pinakamagaling sa larangan.

“Kaibigan ako ng mommy at daddy nyo, noong huli kong nakita ang inyong ina ay may hiniling siya sa akin. Sa pagkamatay kasi ng daddy ninyong seaman ay binayaran pala ito ng kumpanya ng dalawang bilyong piso, dahil ito sa pagsagip niya sa isang opisyal na naging dahilan upang maisakripisyo niya ang kanyang sariling buhay. Narito ako para i-announce ang porsyento nyong lahat. Wag kayong mag-alala, lahat ay meron.”

Nanlaki ang mata ng mga kapatid niya. Nag-usap-usap na ang mga ito ng pagkakagastusan, siguradong-sigurado sa mga sarili na kayang-kaya nilang palaguin ang pera.

“Si Celina, Delfin at Cecil ay makakatanggap ng tig 20,000 bawat isa dahil naniniwala ang inyong ina na kaya na ninyo ang inyong mga sarili. Ang natitirang pera, maging ang bahay ay mapupunta kay Julius; ang bunso na tanging nag-alaga sa kanya.”

Hindi makapaniwala ang tatlo pero wala silang magawa dahil nasa kasulatan iyon at nakapirma ang mommy nila. Malinaw na malinaw.

Si Julius naman ay di alam ang gagawin sa pera, kahit naman walang ganito ay aalagaan niya pa rin ang kanyang ina dahil utang niya rito ang kanyang buhay.

Minalas man siya dahil naghirap na ito, swerte naman siya dahil siya ang huling nakasama nito bago ito bawian ng buhay at naipakita niya kung gaano niya ito kamahal.

Advertisement