Matagal Nang Minamahal ng Babae ang Bestfriend Niya, Nang Dumating ang Mahalagang Araw sa Buhay Nito ay Napaiyak Nalang Siya
Lumuluha si Alyssa na ni-retouch ang kanyang lipstick, ilang minuto na lang ay magsisimula na ang kasal. Tandang-tanda niya pa, college siya noong makilala niya si Brent.
Gwapo ang lalaki, mabait at matalino. May respeto ito at talagang nakakatawang kausap. Unang pagkikita palang, alam na ni Alyssa na mag-eenjoy siyang kasama ito.
“So ano ang sabi ng tae sa kapwa nya tae?” sabi nito noong college sila, masaya silang nagmemeryenda sa ilalim ng puno ng mangga.
“Ano?” natatawa na si Alyssa. Sigurado siyang kung saan saan na naman napulot ng lalaki ang mga jokes nito.
“Ano ba! Pila-pila yan walang tulakan!”
Sabi nito, sinundan pa iyon ng hagalpak ng tawa kaya kahit nako-kornihan ay natawa na rin si Alyssa. Bukod doon ay ang cute-cute tignan ni Brent kapag tumatawa. Lumalabas ang biloy nito sa kaliwang pisngi at lalong naniningkit ang mga mata.
Tandang-tanda rin ni Alyssa ang unang-unang beses na umattend siya sa isang party, hindi siya pinabayaang mag isa ni Brent. Ito ang nagbantay sa kanya magdamag.
Pag may sakit siya ay dumadalaw pa ito sa bahay nila, kahit na wala siyang gana ay napipilitan siyang kumain ng lugaw dahil sinusubuan siya nito. Kaya hindi naging mahirap sa kanya ang mahalin ang lalaki.
Nagising sa pagkakatulala si Alyssa nang kumatok ang kanyang bestfriend na si Michelle, nanlaki ang mata nito nang makita siya.
“Wow! Ang ganda ng bestfriend ko!” sabi nito. Niyakap ni Alyssa ang babae, pinipigil niya ang mga luha. Sobrang saya niya lang talaga.
“Ikaw rin, ang ganda mo.” sabi niya rito. Lalong naningkad ang pagiging tisay nito sa kulay ng lipstick na nakapahid rito.
“Ay nako day, naglokohan pa tayong dalawa. Sige na, tuloy nyo na yang make-upan dyan at magpaparetouch rin ako,” sabi nito at lumabas na.
Tinignan ni Alyssa ang cellphone niya kung saan naroon ang maraming maraming pictures nila ni Brent, napangiti siya habang lumuluha. Ilang minuto pa ay tinawag na sila dahil kailangan na raw magpunta sa simbahan. Bumuntong hininga siya habang nakaharap sa salamin, inihanda na niya ang sarili. Isa itong bagong pahina ng kanyang buhay. Bukas ay iba na ang lahat.
Sumakay na sa kotse si Alyssa, nang makarating sila sa simbahan ay naghintay siya ng senyas kung magsisimula nang lumakad. Grabe, nanginginig ang tuhod niya sa kaba.
Nauna na ang mga abay, flower girls at ring bearer. Huling huli siyang pumasok, nang buksan ang pintuan ng simbahan ay nakita niyang nakaabang ang mga tao. May nakangiti at may umiiyak. Dahan-dahan lang ang lakad, baka matalisod.
Natanaw niya na sa dulo si Brent, kay gwapo naman ng mahal niya.
Nakasuot ito ng puting long sleeves, may rosas pa sa dibdib nito at kulay puti rin ang sapatos. Rosas na pula, paborito niya.
Ang ganda ng ngiti nito na nakaabang sa unahan, pinipigil lang nito ang maiyak. Nag thumbs up pa ito sa kanya at sumenyas na bilisan niyang maglakad kaya nagtawanan ang mga tao.
Ayan na, malapit na.
Sa wakas ay nakarating rin sa unahan, tigib na ng luha ang kanyang mga mata.
“Hey, why are you crying?” sabi ni Brent.
“I’m just so happy,” sabi niya, kahit ang totoo ay nagdurugo ang puso niya.
“Ako rin. And it’s all because of you. Salamat at pinakilala mo sa akin si Michelle,” niyakap siya nito tapos ay inalalayan na ang ang bride na makarating sa altar, si Michelle.
Siya ang maid of honor nito, siya ang naghawak ng mahabang gown nito dahil bestfriend siya ni Michelle. Pinakilala niya rito si Brent noon at di niya akalain na ang bestfriend niya, at ang lalaking lihim niyang iniibig ang magkakatuluyan.
Wasak ang puso niya, pero masaya siya dahil hindi madamot ang kanyang pag ibig. Kung saan magiging masaya ang dalawang taong mahal niya ay tatanggapin niya, kahit pa sobrang sakit noon.
Hindi naging madali ang pagmu-move on para kay Alyssa pero sa tulong ng dasal ay nakausad siya. Makalipas ang dalawang taon ay nag ninang si Alyssa sa binyag ng anak ng dalawa, ka-hawak kamay na niya ang nobyong si Dino.
Tulad ni Brent, mabait ang lalaki at maginoo. Mahal na mahal siya ni Dino.
Ngayon ay naiintindihan na ni Alyssa kung bakit kinailangan siyang masaktan noon, dahil isinusulat palang pala ng Panginoon dati ang magandang love story niya ngayon.