Parating Nakakatulog sa Loob ng Aparador sa Isang Kamalig ang Bata kasama ang Kaibigan Nito; Ikinagulat Nila Nang Malaman Ang Kagimbal-gimbal na Istorya sa Likod Nito

“Ito na ba ‘yung apo ko? Parang ang bilis lumaki ah,” pagbati ni Lolo Roman sa apo at pamilya ng kaniyang anak.

“Buti at dito niyo naisipang magbakasyon ngayon,” ang sabi pa niya.

“Matagal na po talaga naming gusto, tatay, kaso ngayon lang po naaprubahan ‘yung leave namin. Pero okay na rin po at natapat naman sa birthday celebration niyo sa susunod na araw,” sagot ng anak ni Lolo Roman.

Matapos magkamustahan at magkuwentuhan ang magkakamag-anak ay nagpahinga na sila. Kinabukasan ay naghanda na sila para sa kaarawan ni Lolo Roman.

Pagsapit ng araw ng kaarawan ni Lolo Roman ay masayang nagsalo-salo ang kanilang angkan. Ipinakilala ni Lolo Roman ang kaniyang apo na si Romeo sa mga pinsan nito at mga batang kapitbahay nila na dumalo sa kaniyang kaarawan. Matapos nun ay nagkaayaan silang maglaro ng taguan. 

Sa kanilang paglalaro ay may batang lalaking tumawag kay Romeo. Inaya siya nitong magtago sa kalapit na kamalig ng kanilang bahay.

“Tara Romeo! Dito magandang magtago,” ang sabi ng batang lalaki.

Sumunod si Romeo sa batang lalaki. Pumasok sila sa kamalig at nagtago sa loob ng isang aparador.

Advertisement

“Dito ako parating nagtatago at walang nakakahanap sa akin dito kahit pa si Tatay ‘pag nalalasing,” ang sabi ng batang lalaki.

Sa kanilang pagkukuwentuhan habang nagtatago ay hindi nila namalayan ang oras hanggang sa sila ay nakaidlip.

Nagising si Romeo sa tawag nang paghahanap sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Pag labas niya ng kamalig ay madilim na ang langit. Sa kaniyang pagkagulat ay agad siyang nagpaalam sa batang lalaki na palabas pa lamang sa aparador sa kamalig at nagmadaling nagtungo sa kinaroroonan ng boses ng kaniyang mga magulang.

Pagkakita sa kaniyang mga magulang ay agad siyang humingi ng tawad at ikiniwento niya ang nangyari.

Kinabukasan ng hapon, pagkatapos makapagmeryenda ni Romeo ay nagpaalam siya sa kaniyang mga magulang upang maglaro sa labas ng bahay. Sa kaniyang paglalaro ay nakita niya ang batang lalaki na tumatakbo patungo sa kamalig.

Sa kaniyang pagtataka ay sinundan niya ito nang palihim hanggang sa napansin siya ng batang lalaki na ikinagulat nito.

“Ikaw lang pala, Romeo! Akala ko naman si Tatay na,” bulalas ng bata.

“Bakit? Ano bang nangyari? Bakit ka tumatakbo at tila may tinataguan?” tanong ni Romeo sa batang lalaki.

Advertisement

“Lasing na naman kasi si Tatay. Kapag lasing pa naman ‘yun lagi akong sinasaktan,” sagot ng batang lalaki.

“Hala! Teka! Nasundan ata ako. Tara dito tayo sa loob ng aparador,” ang sabi ng bata matapos sumilip sa pintuan.

Sila ay nagtago sa loob ng aparador at pilit na hindi gumawa ng ingay.

Nang makalipas ang ilang sandali nung sa palagay nila ay walang taong nakasunod sa kanila ay nag-usap na ang dalawang bata. Ikinuwento ng batang lalaki kung gaano kasama siya tratuhin ng kaniyang ama kapag nalalasing ito.

Sa kanilang pagkukuwentuhan ay bigla silang may narinig na ingay. Bigla silang napatahimik. Pinikit nila ang kanilang mga mata sa takot na tatay ng batang lalaki ang kanilang narinig hanggang sa sila ay nakatulog.

Makalipas ang isang oras ay kinakalabit ng batang lalaki si Romeo.

“Romeo, gising ka na. Baka hinahanap ka na sa inyo,” ang sabi ng bata.

“Hala, sorry, nakatulog pala ako,” ang sabi ni Romeo pagkagising.

Advertisement

“Okay lang ‘yun. Umuwi ka na sa inyo. Bukas na lang uli tayo magkuwentuhan dito sa kamalig,” ang sabi ng batang lalaki.

Mula noon ay naging mabuting magkaibigan ang dalawa. Araw-araw na silang nagkikita sa kamalig at nagkukuwentuhan. Kung minsan ay naglalaro sila roon at gumuguhit. Doon na rin sila nagpapalipas ng antok at natutulog sa hapon sa loob ng aparador upang hindi sila mahanap ng tatay ng batang lalaki.

Nung umpisa ay hindi nagtataka ang mga magulang ni Romeo sapagkat normal naman na makipaglaro ang kanilang anak sa kapwa nito bata. Ngunit nang makuwento ni Romeo na parati silang nagtatago sa loob ng aparador dahil sa tatay ng kaibigan ay nabahala sila at kinausap si Lolo Roman tungkol sa kanilang kapitbahay.

Ipinagtaka rin ito ni Lolo Roman hanggang sa ipinakita sa kaniya ang mga guhit ni Romeo at ng batang lalaki.

Siya ay nagulat nang makita ito. Iginuhit nila Romeo ang mga naranasang kalupitan ng batang lalaki mula sa tatay nito. Makikita rito kung paano sinasaktan at pinagmamalupitan ang kaawa-awang bata.

Mas ikinagulat ni Lolo Roman nang makita sa huling iginuhit nila Romeo ang bata na may pangalang Albert na nagtatago sa aparador at ang tatay nito sa may pintuan na may dalang patpat.

“Apo, Albert ba ang pangalan ng batang lalaki na kalaro mo?” tanong ni Lolo Roman.

“Opo, ‘yun nga po ‘yung pangalan niya,” sagot ni Romeo.

Advertisement

Nagtaka si Lolo Roman at napaisip.

“Apo, puwede ko ba siyang makilala? Sasama ako sa inyo bukas ah,” ang sabi na lang ni Lolo Roman.

“Sige po, Lolo. Basta po palihim lang po tayo sa pagpunta roon sa kamalig para ‘di tayo masundan ng tatay niya,” ang sabi ni Romeo.

Nang makalabas ng silid si Romeo ay kinausap ng ama nito si Lolo Roman.

“Tatay, hindi niyo po kilala ‘yung bata na kalaro ni Romeo? Hindi po ‘yun taga-rito?” tanong ng ama ni Romeo.

“Iyon nga ang pinagtataka ko eh. Walang batang lalaki na nagngangalang Albert sa lugar na ito. Pero hayaan mo, malalaman natin kapag nakausap ko na ‘yung bata,” sagot ni Lolo Roman.

Bagamat kalmado ang pagkakasabi ni Lolo Roman sa kaniyang anak at apo ay labis siyang nababahala. Tila ba may bumabagabag sa kaniyang isipan.

Nung gabing ‘yun ay napanaginipan ni Lolo Roman ang kaniyang kababata at matalik na kaibigan. Para siyang bumalik sa panahon nung kabataan niya. Kasama niya ang kaibigan niya na masayang naglalaro at nagkukwentuhan. Nakita niya rin doon ang karanasan nila nang pagtatago sa ama nito noon. Hanggang sa isang araw ay biglang nawala ang kaniyang kaibigan. Nang tanungin niya ang ama nito ay sinabing naglayas na raw ito. Parating naghihintay at nagbabakasakali si Roman noon sa pag-uwi ng matalik na kaibigan ngunit hindi ito nangyari. Ilang araw ang nakalipas ay ipinagbili ng ama ng kaibigan niya ang kanilang lupa at kamalig sa kaniyang mga magulang. Ayon rito ay nabaon siya sa utang nang dahil sa pagiging lasenggo. Pagkatapos nun ay agad din itong umalis sa kanilang lugar.

Advertisement

Matapos ang eksenang ‘yun sa kaniyang panaginip ay biglang nagdilim ang kapaligiran. Nakita niya sa gitna ng kadiliman ang matalik niyang kaibigan na umiiyak.

“Albert? Bakit ka umiiyak? Anong nangyari sa’yo? Ang tagal kitang hinintay,” wika ni Roman.

“Hindi ako umalis, Roman. Nandito lang ako at nakatago parang gaya nang pagtatago natin kay Tatay sa aparador noon. Kaya lang ang pinagkaiba ay iba ang nagtago sa’kin kaya walang makakita sakin mula nun hanggang ngayon,” ang sabi ni Albert.

“Tulungan mo ako, Roman. Gusto ko nang mapayapa,” dagdag pa nito.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Roman.

Hindi na sumagot pa si Albert. Ipinakita niya ang ilang eksena sa naganap nung gabi na siya ay nawala. Ipinakita niya kung paano siya natagpuan ng kaniyang amang lasing na nagtatago sa aparador. Matapos siyang makita nito ay muli na naman siyang napag-initan nito. Walang awa siyang sinaktan at pinagpapalo ng sariling ama gaya nang ginagawa nito sa tuwing ito ay nalalasing. Sa tindi ng mga palo at pananakit kay Albert ay hindi ito kinayanan ng kaniyang katawan. Siya ay nap*slang ng sariling ama. Nang mawala sa kalasingan ang ama ay dun lamang niyang napagtanto na nap*slang niya ang kaniyang sariling anak. Sa takot niyang may makaalam ay inilibing niya sa likod ng kamalig ang anak at ipinagbili ito matapos ang ilang araw sa mga magulang ni Romeo.

Matapos ipakita ni Albert ang mga nangyari ay muli siyang nagsalita sa huling pagkakataon:

“Tulungan mo kong makalaya, Roman. Maraming salamat sa’yo at ganoon rin kay Romeo para sa ilang araw na pagsama niya sa akin sa loob ng aparador gaya mo.”

Advertisement

Pagkatapos magsalita ni Albert sa panaginip ay nagising si Lolo Roman mula rito. Siya ay naluha. Alam niyang totoo ang kaniyang panaginip kaya naman bago pa tumilaok ang mga manok sa kanilang lugar ay agad siyang humingi nang tulong sa mga awtoridad. Bagamat sa panaginip lamang humingi ng tulong ang biktima ay hindi ito pinaniwalaan ng mga awtoridad. Ngunit sa matinding pakiusap ni Lolo Roman ay pinagbigyan nila ito.

Laking gulat nila nang may matagpuan silang nakabaong kalansay ng isang bata sa likod ng kamalig.

Matapos ang imbestigasyon ay nakumpirmang kay Albert nga ang kalansay na natagpuan dun.

Gustuhin man ni Lolo Roman na bigyan ng hustisiya ang pagkakap*slang sa kaniyang matalik na kaibigan ay wala na siyang magagawa sapagkat matagal nang n*matay sa aksidente ang Tatay ni Albert nung ito ay nalasing.

Si Romeo naman ay hindi na hinanap pa si Albert bago umuwi ng Maynila matapos sabihin sa kaniya ni Lolo Roman na:

“Dumaan nga pala si Albert. Nagpapasalamat siya sa ilang araw na pagiging magkaibigan niyo. Pasensiya na raw at hindi na siya nakapagpaalam sa’yo sapagkat kailangan niya na raw talaga umalis patungo sa mapayapang lugar.”

Matapos marinig ang mga sinabi ni Lolo Roman ay ngumiti lamang si Romeo bago sumakay sa sasakyan na para bang alam niya na ang nangyari.