Makalipas ang 27 Taon, Binalikan ng Tunay na Ina ang Sanggol na Inampon ng Babaeng Ito, Hindi Niya Inasahan ang Ginawa ng Anak
Maingat na isinara ni Aling Jovie ang baunan ng anak, gumising siya ng maaga para lang ihanda iyon. Maya maya ay lumabas na ang bagong sipilyong si Jullian, pasimple nitong inamoy ang mabangong pagkain na inihanda ng kanyang nanay. “Bango naman nyan ‘nay!” bati nito. “Oo naman, para ganahan ka sa trabaho. Ingat ka ‘nak ha, sabihan mo ako pag dito ka kakain para malutuan kita.” nakangiting sabi ni Jovie. Kung tutuusin, 27 anyos na si Jullian pero parang baby pa rin kung ituring niya ito. Hindi naman iyon ikinakahiya ng binata, kahit manager na siya sa pinapasukang opisina ay siya pa rin naman ang baby ng kanyang nanay. Ganoon yata talaga ang lahat ng ina, kahit gaano pa lumaki ang mga anak ay mananatiling sanggol ang mga ito sa kanilang paningin. Pagkaalis ni Jullian ay nanghihinang napaupo si Aling Jovie sa sofa. Alam niyang buong araw siyang matutulala, ngayon kasi ang araw na maaring mawala sa kanya ang anak, ang araw na pinakakinatatakutan niya, ang araw na makikilala ni Jullian ang tunay nitong ina. Alam ni Aling Jovie na darating din ang araw na ito at matagal niya nang inihanda ang sarili para dito pero sadyang hindi pala talaga siya magiging handa kahit kailan. Iniwan ng ina si Jullian sa kanya noong isang taong gulang palang ito dahil hindi raw kayang buhayin ng babae. Hindi naman magkaanak noon si Jovie at ang kanyang mister kaya buong puso nilang tinanggap ang bata at itinuring na sarili nila. Namatay na ang asawa ni Jovie dalawang taon na ang nakakalipas at si Jullian na lang ang mayroon siya. Kaya nang puntahan siya ng ina nito at hinahanap ang binata ay ganoon na lang ang iyak ni Jovie, hindi niya inilihim kay Jullian ang katotohanan, bata pa lang ay alam na nitong ampon lang ito kaya kita niya ang tuwa sa mga mata nito nang sabihin niyang nagparamdam ang tunay nitong ina. Ilang oras ang lumipas, alas otso na ng gabi ay nag-iisip pa rin si Jovie. Kahit na hindi pa nagtetext ang anak ay iniluto niya pa rin ang paborito nito. Paano kung gusto niya nang sumama sa nanay niya? Paano kung iwan niya na ako? Maya maya ay bumukas ang pinto, pumasok ang nakangiting si Jullian.Ang saya naman ng anak ko. “Ma, kumusta ka?” tanong nito sa kanya at humalik sa noo niya. “Ayos naman ako dito,” pagsisinungaling niya. Ang totoo kasi ay maghapon siyang namroblema at umiyak. “Ikaw, kumusta ang pagkikita nyo ng n-nanay mo?” hindi niya masyadong masabi ang salitang ‘nanay’. “Ayos lang naman po, pakiramdam ko nakumpleto ang pagkatao ko kasi mas nakilala ko ang sarili ko, kung saan ako nanggaling.” sabi nito. Tumatangu-tango naman si Jovie, nakangiti siya. Masaya rin naman siya para sa anak dahil karapatan naman talaga nitong makilala ang ina, sadyang natatakot lang siyang baka iwan siya nito. “Pero ‘ma, sabi ko sa kanya nice meeting her. Enjoy siya sana sa buhay niya. Tapos yun umalis na rin ako, hindi ko na kinuha ang number at address niya. Ayos na sa akin na nalaman ko ang pangalan niya.” patuloy na pagkukwento ni Jullian. “H-ha? bakit hindi mo kinuha ang number ng nanay mo?” takang tanong niya rito. “Ma…nandito ang tunay kong nanay, ikaw.” sabi nito sabay yakap sa kanya. Napaluha na lang ni Jovie, hindi niya dinala sa sinapupunan si Jullian pero habangbuhay niya itong dadalhin sa kanyang puso. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.