
Sa Halip na Gumanda ay Lalong Nasira ang Mukha Niya; Sinisi Niya ang Produktong Ibinigay ng Matalik na Kaibigan
Selfie dito, selfie doon. Iyan ang gawain ng dalagang si Yana dahil marami ang humahanga sa ganda ng kaniyang kutis at maamong mukha.
Isang gabi, habang siya’y nagtitingin ng mga litrato sa social media, napansin niyang dumarami na rin ang mga tagasunod ng kaniyang matalik na kaibigang si Stella. Kung noon ay kakaunti lamang, ngayon ay pumalo na rin ito sa ilang libo. Mabilis niyang tiningnan ang lahat ng galaw ng kaibigan sa social media at hindi niya namamalayang napupuno na pala siya ng inggit.
Isang tanghali paggising ni Yana ay isang malakas na tili ang umalingawngaw sa kanilang bahay.
“Aahh!!! Ano ‘to?!” tili ng dalaga nang makita ang mukha sa salamin. Tatlong piraso ng tagiyawat na tumubo sa bandang pisngi, ilong, pati na sa kaniyang noo. Mangiyak-ngiyak ang dalaga sa sakit at sa hitsurang kinalabasan niyon. Hindi tuloy siya makakuha ng litrato para ipaskil sa kaniyang social media. Lahat na ng paraan ay ginawa na niya upang mapadali ang pagtanggal ng mga tagiyawat niya sa mukha subalit ilang araw lamang, sa halip na mawala ay lalo pang nadagdagan ang mga iyon. Lalo tuloy napaigting ang pagkawala niya ng kapanatagan sa sarili. Sa bawat araw na lumilipas, nakikita niya ang sariling tinutubuan ng mga tagiyawat habang ang kaibigan na si Stella ay patuloy ang pagsikat.
Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Yana at nagpadala siya ng mensahe sa kaniyang kaibigan. Sinabi niya ang pinagdadaanan at hinihiling na sana ay sabihin sa kaniya ang sikreto nito kung bakit nawala ang mga butlig nito sa mukha. Noon kasi ay puno rin ng pekas at butlig itong si Stella subalit nang dahil sa pag-aalaga ay nawala ang mga iyon at kuminis siya.
Hindi naman nabigo si Yana dahil mabuti naman ang kalooban ng kaniyang kaibigan. Matapos lamang ng isang araw na pag-uusap, sinabi ni Stella ang kaniyang sikretong produkto na ginagamit upang mapanatili niyang makinis ang mukha. Simula noon, sinunod iyon ni Yana, hangad na maibalik ang kaniyang makinis at magandang mukha. Sa mga unang araw, nakita niyang epektibo nga ang mga produkto na sinabi sa kaniya ng kaibigan.
Hanggang isang araw, nagising ang dalaga na sa halip na makinis ang mukha, tinubuan ito ng mga pekas at damay pa pati ang kaniyang leeg!
“Oo, ganiyan talaga ‘yan sa una,” sabi ni Stella. Dahilan para ipagpatuloy pa niya ang paggamit ng produkto hanggang matapos ang isang buwan.
Hanggang sa nagpasya na si Yana na itigil na ang paggamit ng prudukto dahil hindi lamang tatlo, apat, o limang tigyawat ang mayroon siya sa mukha, hindi na iyon mabilang! Galit ang naramdaman ng dalaga sa kaniyang kaibigan dahil himutok niya, gusto lamang nito masira nang tuluyan ang kaniyang mukha kaya nireto sa kaniya ang mga produkto.
Nagpadala sa galit ang dalaga at nag-isip ng paraan kung paano nito masisiraan ang kaibigan lalo na sa social media. Hindi raw pwedeng siya lamang ang babagsak, dapat sabay sila. Dito naisip ni Yana ang isang bagay na hindi niya akalaing ikasisira pala ng buhay nilang dalawa.
Gumawa si Yana ng isang account upang siraan si Stella sa social media. Subalit nagsawa na rin siya sa gawain dahil parang wala naman itong talab sa dalaga. Patuloy ang kaniyang galit at tampo sa kaibigan at naisip na ikalat na lamang ang litrato nito kung saan wala itong saplot. Hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito dahil aniya mas malala ang ginawa sa kaniya nito.
Patuloy naman ang komunikasyon ng dalawa, lingid sa kaalaman ni Stella ang masasamang balak ng itinuturing niyang kaibigan. Sa likod ng isip ni Yana, peke at hindi totoo ang babaeng ito kaya nararapat lamang na turuan ng leksiyon!
Nang gabing iyon din, itinuloy na ni Yana ang kaniyang plano. Isang pindot lamang sa kaniyang cellphone, agad itong nagtrending at pinag-usapan nang marami. Masaya na sana ang pakiramdam ni Yana ngunit may parte sa kaniyang puso na kabado dahil alam niyang mali ang kaniyang ginawa. Subalit dahil nandoon na iyon, papanindigan na lamang niya.
Kinabukasan, paggising pa lang ay cellphone kaagad ang binuksan ni Yana. Sabik siyang makita ang nakakadurog na mensahe para kay Stella, mga posts ng mga tao, mga pambabastos at paninira rito. Subalit sa halip na ganito ang makita, puro pagtatanggol at pagpupuri pa rin ang natanggap ng dalaga laban sa ilang nambabastos. Inamin nito ang litrato at hindi dumepensa. Humingi ito ng dispensa sa mga tao na nakakita ng litrato. Umani si Stella ng pamumuri sa social media dahil sa pagiging mapagkumbaba nito.
Natauhan si Yana nang buksan niya ang kanilang mensahe simula una pa lamang. Nakita niyang nagkamali siya ng basa sa produkto na ibinigay sa kaniya ng kaibigan. Nagsisi si Yana sa kaniyang naging masamang pakikitungo sa kaibigan. Agad niya itong pinuntahan at personal na humingi ng tawad. Mabuti na lamang at talagang busilak ang puso ng kaniyang kaibigan na handa pa rin siyang patawarin at tanggapin bilang kaibigan. Natutunan niyang ang tunay na kagandahan nga ay wala sa panlabas na anyo, ito’y nasa puso.