Inday TrendingInday Trending
Nagbulag-Bulagan ang May Ari sa Kasamaan ng Ugali ng Kanyang Empleyado, Di Niya Akalaing Aabot sa Sukdulan ang Pagka-Sakim Nito

Nagbulag-Bulagan ang May Ari sa Kasamaan ng Ugali ng Kanyang Empleyado, Di Niya Akalaing Aabot sa Sukdulan ang Pagka-Sakim Nito

Si Jackie ay nagpapatakbo ng isang talent agency. Hindi gaanong malaki ang kompanya pero maraming ahensya sa larangan ng entertainment ang nakakakilala na dito. Respetado din ang reputasyon nito kaya’t bagama’t hindi bigatin ang mga artista ng ahensiya ay hindi naman ito nawawalan ng mga kliyente.

Sa buong ahensya ay isa ang pinaka- pinagkakatiwalaan ni Jackie, ang manager na si Lily. Maaasahan si Lily sa paghawak ng mga artista. Magaling din siyang makipag-negosasyon sa mga kliyente at marami siyang contacts. Pero madumi siyang magtrabaho. Ang mga contacts niya sa industriya ay ninakaw niya lang sa dati niyang katrabaho. Para rin ang makuha sa mga magagandang proyekto ay ang mga hawak niyang artista ay hindi siya nag-aatubili na tumira na pailalim sa kaniyang mga kakompetensiya.

Blackmail, iyan ang isa sa mga taktikang ginagamit ni Lily. Hinahalungkat niya ang baho ng iba para ipanakot at ng sa ganoon ay umatras na ito sa pakikipag-agawan sa mga proyektong gusto niyang mapunta sa mga hawak niyang artista. Kung kailangan daanin sa dahas ay gagawin din niya.

“Siguraduhin niyo mapupuruhan para magtanda. Hindi niya muna kinikilala ang kinakalaban niya.” Utos ni Lily sa mga inupahan niyang tauhan.

Ang mga taktikang ito ang nagbunsod kay Lily para maging pinakamagaling na manager ng ahensya. At ang maduming trabaho niya ay nakarating sa mga tenga ni Jackie. Marami siyang natatanggap na reklamo laban sa pagnanakaw ng proyekto, pangingikil, pananakit hindi lang sa mga karibal nilang ahensya kung hindi pati sa mga katrabaho ni Lily ngunit hindi niya ito pinaniwalaan.

Napatunayan ni Jackie na totoo ang mga ibinibintang sa taong pinagkakatiwalaan niya ng lubos sa ahensya nang bisitahin niya si Lily sa kaniyang opisina. Habang naghihintay siya sa pagbabalik ni Lily mula sa kaniyang meeting ay aksidente niyang nakita ang mga kontrata ng mga artista ng ahensya na hindi hawak ni Lily sa basurahan. May nakita din siyang mga hindi kanais-nais na mga litrato ng mga artista at managers kasama sa loob ng isang folder na nakapatong sa lamesa.

Hindi napigilan ni Jackie na halughugin ang file cabinet ni Lily at isang pinakatatagong sikreto ang kaniyang natuklasan. Isang sikretong hindi maatim ng kaniyang konsensya.

Matapos makausap ang may-ari ng ahensya ay nakipag-ugnayan agad si Jackie sa mga kinauukulan. Tinulungan niya ang mga pulis para matunton ang mga biktima. Isinantabi na muna niya ang pakikipagkompetensya sa ibang ahensya alang-alang sa imbestigasyon at sa mga naging biktima ni Lily. Ang mas mahalaga ay maputol ang kasamaan ni Lily at mabigyan ng hustisya ang mga biktima niya.

Isang entrapment ang hinanda para mahuli si Lily sa akto. Sa tulong ng isang kliyente ay nag-organisa sila ng isang pekeng proyekto na pupukaw ng interes ni Lily. Isang bagong artista din ng ahensiya ang inupahan para magkunwaring pangunahing artista na napupusuan ng kliyente para sa proyekto.

Kumagat si Lily sa pain at hinanapan niya ng baho ang naturang artista na kaagaw ng hawak niyang artista sa proyekto. Hindi niya alam na ang lahat ng nakolekta niyang impormasyon ay puro peke at palabas lamang.

“Kung hindi mo tatanggihan ang proyekto ay sisirain ko ang kinabukasan mo. Ilalabas ko ang lahat ng itinatago mong baho.” Pananakot ni Lily sa baguhang artista.

“Bigyan mo ako ng isang milyon kapalit ng mga nakalap kong litrato niyo ng may-asawa mong nobyo.” Dagdag paninikil ni Lily sa pobreng artista.

Matapos ang palitan ay agad na dinakip si Lily ng mga kinauukulan. At dahil sa kaniyang pagkakahuli ay nagkaroon ng lakas ng loob ang iba pa niyang mga biktima na lumantad at magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Bitbit ang isang malaking basket ng mga prutas ay dinalaw ni Jackie si Eden, isang dating empleyado ng kompanya.

Magaling humawak ng mga artista si Eden. Kung hindi dahil kay Lily ay malamang ay siya ang nangungunang manager ng ahensya. Ngunit ang kaniyang kahusayan ay balakid sa tagumpay ni Lily kung kaya’t ipinasagasa niya ito. Matapos masagasaan ay ninakaw ni Lily ang kaniyang mga contacts sa industriya at siniraan siya nito sa ahensya at sa mga kliyente.

Sinisisi ni Jackie ang kaniyang sarili sa sinapit ni Eden. Matagal na nitong ipinahiwatig sa kaniya ang maduming taktikang ginagamit ni Lily pero hindi siya naniwala. Kung napaimbestigahan niya agad si Lily ay malamang hindi malulumpo si Eden. Kung naniwala siya sa kaniyang mga paratang ay matagal nang naputol ang kasamaan nito. Ngayon ang tanging magagawa niya lang ay taos pusong humingi ng tawad kay Eden at tulungan siya sa abot ng kaniyang makakaya.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement