Inday TrendingInday Trending
Kahit na Galing sa Broken Family ang Dalaga ay Hindi Siya Nakaramdam ng Kakulangan, Dahil Pala Iyon sa Kanyang Bestfriend

Kahit na Galing sa Broken Family ang Dalaga ay Hindi Siya Nakaramdam ng Kakulangan, Dahil Pala Iyon sa Kanyang Bestfriend

Malungkot na sinusundan ng mga mata ni Elisa ang papalayong sasakyang lulan ang matalik na kaibigan na si Rose at ang asawa nito. Ngayon ang simula ng kanilang road trip. Walang tiyak na patutunguhan. Ang destinasiyon ay nakadepende sa pagkakataon. Walang kasiguraduhan kung kailan magtatagpo muli ang kanilang mga landas.

Magkalayo man ang agwat ng antas ng pamumuhay ay kapit-tuko ang dalawang magkaibigan noong elementarya. Kung nasaan si Elisa ay siguradong nasa malapit lang si Rose. Magkatabi ang kanilang mga upuan sa lahat ng klase. Tuwing may groupings sa mga proyekto ay palagi silang magkagrupo. Kung kaniya-kaniya naman ay nakikisawsaw ang isa sa ginagawa ng isa. Tinuturuan din nila ang isa’t-isa kung may nahihirapan sa kanilang mga aralin.

Sabay din silang kumakain tuwing recess at lunch. Parating nakikihati si Rose sa kaniyang simpleng baon kaysa kainin ang dalang baon nito. Tuwing uwian naman ay mas pinipili ni Rose na mamasahe kasama siya kaysa magpahatid sa kanilang mamahaling sasakyan. Bagama’t nagtataka si Elisa sa kakaibang kilos ng kaibigan ay ipinagsawalang-bahala niya lang ang mga ito. Ni magtanong ay hindi niya ginawa. Sa isip-isip niya ay malamang masaya lang ang kaibigan tuwing magkasama sila.

Nagkahiwalay sina Elisa at Rose noong sumampa sila ng high school. Pareho pa rin sila ng paaralang pinapasukan ngunit hindi na sila magkaklase. Sa kabila nito ay suportado pa rin nila ang bawat isa. Lahat ng laro na kasali ang varsity na kinabibilangan ni Elisa ay pinapanood palagi ni Rose. Wala siyang pinapalampas kahit sa ibang lugar ginaganap ang laro. Tuwing may pageant naman na sasalihan si Rose ay si Elisa ang automatikong alalay niya. Hindi pinapansin ni Elisa kahit ngawit na ang mga braso niya sa pagbitbit niya ng mga mabibigat na damit ni Rose huwag lang madumihan ang mga ito. Kung susumahin ay si Rose ang nangungunang cheerer ni Elisa at si Elisa naman ang number one fan ni Rose. Kapansin-pansin na ni minsan ay hindi nanood isa man sa mga magulang ni Rose sa mga patimpalak na sinalihan nito. “Busy sila, eh.” Iyan ang palaging katwiran nito sa tuwing tinatanong niya kung darating ba ang mga magulang nito.

Naging madalang na lang magkita ang dalawang magkaibigan pagdating nila ng kolehiyo. Sa pagkakataong ito ay magkaiba na sila ng unibersidad na pinapasukan. Maliban pa dito ay lumipat ng tirahan ang pamilya ni Rose. Sa kabila ng distansiya ay nanatiling matatag ang kanilang pagkakaibigan. Madalas silang magchat, messenger at magtext sa isa’t-isa. Nagtatawagan din sila tuwing may pagkakataon. Lahat ng mahahalagang okasyon ay hindi pinapalampas ng walang batian, kitaan o regaluhan man lang.

Hindi malilimutan ni Elisa nung minsang nagorganisa siya ng isang surprise birthday party para kay Rose. Idinaos ang party sa bahay niya. Katulong niya ang iba pang malalapit na kaibigan sa paghahanda, paglalagay ng mga palamuti at pagluto ng mga paboritong pagkain ni Rose. Inimbita din ni Elisa ang dating mga kaklase at kakilala ng kaibigan. Abot hanggang tenga ang ngiti ni Rose noong araw na iyon. Walang kapagurang siyang sumali sa lahat ng mga palarong inihanda nila. Walang tigil sa pakikipagkwentuhan sa mga dumalo sa kaniyang kaarawan. Maya’t maya ay makikita mong may dala-dala siyang pinggan na may lamang iba’t-ibang putahe na magiliw niyang kinakain. Kumikinang na tila ba chrismas lights ang kaniyang mga mata sa bawat regalong kaniyang bubuksan. Hindi maikakaila ni Elisa na iyon ang pinakamasayang araw para kay Rose.

“Pasensya na. Hindi ko alam kung papaano makokontak ang iyong mga magulang.” Paghingi ng paumanhin ni Elisa kay Rose pagkaalis ng mga bisita.

“Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng party sa aking kaarawan. Malungkot mang isipin pero tanggap ko na. Iisang tao lang ang maituturing kong pamilya. Walang iba kung hindi ikaw, Elisa. Ikaw ang pumuno sa kakulangan ng presensiya ng aking mga magulang. Ang tahanan mo ang nagsilbing silong ko sa bawat unos na dumaan. Ang mga kwento mo ang nagbibigay ng walang hanggang kaligayahan. Wala na akong mahihiling pa. Salamat at dumating ka sa buhay ko.”

Batid ni Elisa na sa kabila ng lahat ng kayamanang tinatamasa ni Rose ay nabubuhay ito sa matinding kalungkutan. Sa paglalakbay ni Rose ay hahanapin niya ang pupuno sa kaniyang puso ng lubos na kaligayahan, bubusugin ang kaniyang isipan ng mga magagandang tanawin at aapaw ang mga magagandang alaala sa kaniyang isipan. Siguradong sa muli nilang pagkikita ay kapiling na niya ang pinakaaasam na masayang pamilya. Wala ng kahit anong bakas ng luha, pighati, kalungkutan at pagdurusa ang maaaninag sa maganda nitong mukha.

Magiging matatag pa rin ba ang pagkakaibigan nila Elisa at Rose kung maganda ang relasyon ni Rose sa mga magulang niya? Kung may matalik kang kaibigan paano mo ipaparamdam sa kaniya ang kahalagahan niya sa buhay mo? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement