Napag-alaman ng Matalik na Magkaibigan na Nagtataguan Lamang Pala Sila ng Nararamdaman sa Isa’t Isa Dahil sa Hindi Inaasahang Pangyayari
“Ang sakit, Rico… sinaktan na naman niya ako,” muli na namang umiiyak si Erin, ang bestfriend niya. Sa loob ‘ata ng isa’t kalahating pagsasama nito at ng nobyo ay puro pagluha nalang ang nakikita niya sa dalaga. Kaya nga madalas niya maisip na paano kung siya nalang ang minahal nito, siguro’y puro saya lang ang mararanasan nito at kailanma’y hindi niya ito paluluhain. Pero talaga yatang mapagbiro ang tadhana dahil kahit matagal na silang magkaibigan at magkakilala ay hindi pa rin siya nagawang mahalin ng babae. Kung hindi ito magkakagusto sa iba ay sasagutin naman nito ang ibang manliligaw. Kung sabagay ay hindi niya rin naman ito masisisi dahil kailanma’y hindi siya nagkalakas-loob na magsabi dito ng totoong nararamdaman. Hanggang isang araw ay napadaan siya sa isang restaurant at doo’y nakita na naman niya ang kaibigang si Erin na umiiyak sa harap ng nobyo nito. Pinigilan niya ang sarili na lapitan ito, pero tila hindi pa rin naawa ang lalaki sa kaibigan niya dahil umalis pa ito at iniwan ang dalaga. Tinangka ni Erin na habulin ang kasintahan, ngunit doon na siya pumasok sa eksena at hinawakan ang kamay ng kaibigan. “Palagi ka nalang bang maghahabol sa lalaking hindi naman alam ang tunay mong halaga,” malungkot na sabi niya sa dalaga, “Bakit hindi mo naman tignan ang lalaking totoong nagmamahal sayo, Erin.” Naluluha na siya. Kahit ang bading tignan ay hindi niya na mapigilan ang nadarama. Matagal niya nang kinikimkim ang sakit na nararamdaman, “Mahal kita, Erin. Mahal ko ang bestfriend ko.” Gulat ang dalaga sa narinig. At tila naging bingi ito na hinabol pa rin ang kasintahan. Naiwang napahiya at tulala ang lalaki sa loob ng restaurant. Sumakto pang umuulan paglabas niya. Hindi na niya ininda iyon, at naglakad nalang sa ilalim ng ulanan. Maya-maya pa’y nagulat siya dahil biglang may yumakap sa likuran niya, “Mahal din kita, Rico.” Kilalang-kilala niya ang tinig nito, “Erin?” Hinarap niya ang babae. Hilam na sa luha ang mga mata nito, “Akala ko noon, hindi mo ako kayang mahalin. Kaya sinubukan kong magmahal ng iba. Tinignan ko rin kung magseselos ka, pero parang wala lang sayo lahat.” Natulala siya sa pag-amin nito. “Kanina nakipag-break na ako kay Jonard,” tukoy nito sa nobyo, “Sinabi ko sa kanyang ikaw ang mahal ko. Kaya niya ako iniwan sa resto, tinangka ko siyang habulin para isoli sa kanya yung mamahaling singsing na binigay niya sa akin nang yayain niya akong magpakasal kanina.” Doon naging maliwanag ang lahat kay Rico. Kaya pala siya iniwan din nito sa restaurant ay dahil doon. Hindi niya alam kung paano tutugon sa dalaga. Masayang-masaya siya sa naging rebelasyon nito. Ngunit malungkot din dahil kung inamin niya na noon pa ang damdamin niya para dito ay hindi na sana ito nasaktan ng ibang lalaki. Kung hindi lang sana siya naging duwag ay matagal nang masaya sa piling niya ang dalaga. “Huwag mo nang isipin ang nakaraan, Rico,” tila nabasa nito ang nasa isip niya. “Ang mahalaga ay yung ngayon. Masaya akong malaman na mahal din pala ako ng bestfriend kong minahal ko na noon pa.”
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.