Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit ng Mister sa Ibang Babaeng Nakilala sa Abroad ang Kaniyang Misis; Magsisisi Siya sa Pagbibiro ng Tadhana

Ipinagpalit ng Mister sa Ibang Babaeng Nakilala sa Abroad ang Kaniyang Misis; Magsisisi Siya sa Pagbibiro ng Tadhana

“Babe, bakit malungkot ka? Hindi ba’t matagal na nating balak itong pangigibang bansa ko? Ngayong narito na ay parang hindi ka masaya,” saad ni Dave sa kaniyang asawang si Grace.

“Masaya ako, babe, pero alam mo namang ikaw lang ang may gusto nito. Bagong kasal pa lang tayo at siyempre gusto kitang makasama. Kung wala naman kasing dahilan para umalis ay dito ka na lang sa Pilipinas. Mahirap ang magkalayo, Dave. Natatakot ako na baka ito pa ang maging dahilan ng pagkasira ng ating magandang pagsasama,” tugon naman ni misis.

“Ikaw naman, kung anu-ano na naman ang iniisip mo. Hindi ba’t ipinaliwanag ko na rin sa iyo na gagawin ko ito para sa iyo at sa mga magiging anak natin? Nais kong bigyan ka ng magandang buhay. Hindi biro ang pagkakaroon ng anak. Sandali lang naman ito, babe. Mabilis lang ang panahon. Hindi mo mamamalayan, tapos na ang kontrata ko sa Dubai,” paliwanag pa ni Dave.

Batid ni Grace na hindi na niya mapipigilan pa ang asawa kaya wala siyang magawa kung hindi suportahan ito. Ang tanging pinanghahawakan lang ni Grace ay ang pagmamahal at tiwala niya kay Dave.

Makalipas ang dalawang araw ay tuluyan nang lumipad patungong ibang bansa si Dave para magtrabaho. Ayos naman ang mga unang araw niya sa trabaho. Madalas pa rin niyang tawagan si Grace lalo na kung wala itong pasok sa opisina.

“Ang hirap talagang makisama sa iba’t ibang lahi, babe, pero kinakaya ko naman. Madalas lang kitang ma-miss kasi walang nag-aasikaso dito sa akin. Nami-miss ko na ang mga luto mo. Lalo na ang mga lambing mo, babe,” saad ni Dave sa kaniyang misis.

“Maging ako man ay nangungulila na rin sa iyo, Dave. Alam mo ba, pakiramdam ko ay napakabagal ng mga araw. Kakarating mo pa lang riyan pero inip na inip na akong makauwi ka ulit dito sa bahay. Basta, kapag hindi ka na ayos riyan, babe, umuwi ka na lang dito. Pangako ko sa iyo na gagawin ko ang lahat para matulungan ka,” sambit naman ni Grace.

“Basta, babe, lagi ka lang magtitiwala sa akin. Pangako ko sa iyo na hindi ako gagawa ng ikasisira ng relasyon natin. Gagawa pa tayo ng maraming anak. Lilibutin natin ang buong mundo na magkasama. O siya, kailangan ko nang matulog, babe, at anong oras na rito. Bukas ay maaga raw kasi ang meeting namin. Hahatiin daw kami sa grupo para sa isang malaking proyekto. Ipanalangin mo na maging maayos lagi ang trabaho ko nang sa gayon ay mas madali tayong makaipon,” dagdag pa ng mister.

Kinabukasan ay maagang gumayak si Dave upang magpasakit sa mga bagong makakatrabaho. Pagdating niya sa opisina ay sinalubong siya ng isang magandang dilag. Hindi man sinasadya ni Dave ngunit tila nabighani siya sa dalagang ito.

“Ikaw si Dave, hindi ba? Ako nga pala si Cindy, ang makakatrabaho mo para sa proyekto ng kompanya. Sana ay hindi ka maging sakit sa ulo sa akin,” biro pa ng dilag.

Sa puntong iyon ay hindi maintindihan ni Dave ang kaniyang nararamdaman. Ngayon lang siya nabighani nang ganito sa isang babae. Napakalakas ng dating ni Cindy para sa kaniya.

Nang araw na iyon ay maghapong naghintay ng tawag ni Dave si Grace. Ngunit inabot na siya ng hatinggabi ay wala pa ring paramdam ang mister sa kaniya.

Kinabukasan ay siya na ang tumawag sa kaniyang asawa.

“Pasensiya ka na, babe, masyadong naging abala sa trabaho. Hindi ko na namalayan ang oras. Pagdating ko rito sa bahay ay nakatulog na ako. Pasensiya na talaga,” saad pa ng ginoo.

“Ayos lang sa akin. Nag-aalala lang ako baka kung ano na ang nangyari sa ito. Pasensiya ka na kung naabala kita sa pagkakatulog mo. Hindi lang ako sanay na hindi ka tumatawag,” paliwanag naman ni Grace.

“Sige na, babe, tawagan na lang kita mamaya bago ako pumasok. Pagod talaga ako,” sambit naman ni Dave.

Ngunit ilang oras ang nakalipas at hindi na nakatawag muli si Dave. Hindi kasi alam ni Dave ang kaniyang gagawin sa tuwing kaharap na niya si Cindy. Dahil sa proyekto ay palaging magkasama ang dalawa. Minsan ay niyayaya rin ni Dave itong si Cindy na lumabas pagkatapos ng kanilang trabaho. Madalas pa niya itong kausap sa telepono hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng oras kay Grace.

Lumipas ang mga araw at napapansin ni Grace ang tila panlalamig sa kaniya ng mister.

“Nagtatrabaho ako, Grace! Huwag mo naman akong pag-isipan ng masama. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang buhay dito sa ibang bansa! Kung ganiyan din lang ang maririnig ko sa iyo ay mabuti pang huwag mo na lang akong tawagan! Nakakainit ka ng ulo! Nakakasira ka ng araw!” sigaw ni Dave.

Patuloy naman sa paghingi ng pasensiya si Grace. Ngunit binabaan na siya ng telepono ng asawa. Sa tingin ni Grace ay talagang may problema itong si Dave sa trabaho. Malamang pa ay pagod na rin ito sa mga gawaing bahay dahil mag-isa lang ito sa apartment at kailangan nitong gawin ang lahat nang mag-isa.

Naisipan ni Grace na humanap din ng trabaho sa Dubai nang sa gayon ay magkasama na sila ni Dave. Hindi nga nagtagal, sa tulong ng ilang kaibigan ay nakahanap na ng trabaho itong si Grace sa ibang bansa.

Hindi na makapaghintay itong si Grace na makapunta ng Dubai upang makasama niya ang asawa. Sa wakas ay mapagsisilbihan at maaasikaso na rin niya ito. Isang magandang surpresa ito para sa kaniyang asawa.

Ngunit pagdating ni Grace sa tinutuluyan ni Dave ay tila siya ang nasurpresa. Dahil hindi niya akalain na may bago na pala itong kinakasama. Walang iba kung hindi si Cindy.

“Ito ang dahilan kung bakit ka nanlalamig sa akin, Dave? Ang sabi mo sa akin ay pagod ka lang sa trabaho. Ako naman itong si tanga, naniwala sa lahat ng sinasabi mo! Pero niloloko mo lang pala ako!” walang patid sa pag-iyak itong si Grace.

“Tutal alam mo naman na ang lahat, wala nang punto para itago ko pa. Si Cindy na ang bagong mahal ko, Grace. Nag-iipon lang ako tapos ay ipapawalang bisa ko na ang kasal natin. Tutal wala pa naman tayong anak. Kaya mo pang magsimulang muli!” saad naman ni Dave.

Parang binuhusan ng malamig na tubig itong si Grace. Ni hindi siya makakilos sa lahat ng mga sinabi ng asawa.

“Ganoon na lang ang lahat ng ito para sa iyo? Itatapon mo na lang, Dave? Pinagkatiwalaan kita! Bakit mo ako sinasaktan nang ganito?” pagtangis pa ng misis.

“Nakapagdesisyon na ako, Grace. Umalis ka na dahil wala kang puwang sa lugar na ito,” dagdag pa ni Dave.

Umalis si Grace sa apartment na tinitirhan ni Dave na wasak na wasak ang kaniyang puso. Mabuti na lang at naroon ang kaniyang kaibigan para patuluyin siya.

“Pabayaan mo na ‘yang si Dave, Grace. Hindi naman din kayo bagay. Noon pa man ay malakas na ang kutob namin ng barkada na manloloko ‘yan, e! Magtrabaho na lang tayo rito sa Dubai. Mag-ipon ka nang mag-ipon nang sa gayon ay maipakita mo riyan sa lalaking iyan kung ano’ng sinayang niya!” saad ng kaibigang si Sarah.

Masakit man para kay Grace ay kailangan niyang tatatagan ang kaniyang kalooban.

Kinabukasan ay isinama ni Sarah itong si Grace sa lugar ng kanilang trabaho. Gulat na gulat at manghang-mangha itong si Grace dahil hindi niya akalain na sa isang palasyo pala siya magtatrabaho.

“Galingan mo lang ang trabaho mo rito, Grace, at madali kang makakaipon. Mababait ang mga amo natin. Pantay-pantay ang pagtingin nila sa bawat isa sa atin,” saad naman ni Sarah.

Sa loob ng ilang buwan ay walang ginawa si Grace kung hindi magpakasubsob sa trabaho. Ang hindi niya alam ay madalas siyang sulyapan ng among prinsipeng si Hamed.

Isang araw ay bigla na lang pinatawag si Grace sa tanggapan ng kanilang pinuno.

“Sarah, kinakabahan ako. Ang sabi ng leader natin ay itatalaga na raw ako bilang personal assistant ng ating prinsipe. Natatakot ako na baka mamaya ay magkamali ako at baka mapauwi ako agad,” saad pa ni Grace.

“Huwag kang mag-alala. Hindi naman sila magdedesisyon ng ganiyan kung wala silang nakitang magandang katangian sa iyo. Gawin mo lang ang trabaho mo, tandaan mo na kailangan mong makaipon para patunayan diyan kay Dave na mali siya ng desisyon,” saad naman ni Sarah.

“Sa totoo lang, Sarah, hindi ko na iniisip ‘yang si Dave. Napagtanto kong hindi talaga kami para sa isa’t isa. Saka ang gusto ko na lang ay mapawalang bisa ang kasal namin para naman maging malaya na ako! Wala na talaga akong pakialam sa kaniya. Ayaw kong makasama ang isang lalaking manloloko! Sayang lang ang buhay ko!” pahayag naman ni Grace.

Ang hindi alam ni Grace ay kaya siya ginawang personal assistant ng prinsipe ay dahil nabihag ito sa kaniyang ganda at angking galing. Nais ng prinsipe na lagi siyang nakikita.

Hindi nagtagal ay umamin na rin ang prinsipe kay Grace. Ngunit dahil nga galing lang sa isang masakit na relasyon itong si Grace ay hindi niya pa kayang patuluyin sa kaniyang puso ang prinsipe.

Matiyagang naghintay ang prinsipe na magkaroon siya ng pag-asa kay Grace. Ipinakita niya kay Grace na talagang seryoso siya na mapaibig ito. Natatakot naman si Grace dahil pinapayagan sa kultura ng mga ito ang pag-aasawa nang ilang beses ang prinsipe.

Ngunit sa pagmamahal ni Hamed kay Grace ay handa siyang talikdan ang tradisyong ito.

Makalipas ng isang taon na paghihintay ay pinayagan na rin ito ni Grace na manligaw sa kaniya. Hindi nagtagal ay tuluyan na ngang nahahulog ang loob ni Grace sa prinsipe at nauwi ito sa isang kasalan.

Labis ang ligaya ni Grace sapagkat sa pagkakatong ito ay sigurado siyang natagpuan na niya ang lalaki na magmamahal sa kaniya nang tapat.

Isang araw ay muling nagtagpo ang landas ni Grace at Dave. Hindi niya akalain na ang kompanya pa lang pinagtatrabahuhan ni Dave ay pagmamay-ari ng asawa ni Grace na si Prinsipe Hamed.

“Kita mo nga naman, kay liit ng mundo at dito pa tayo magkikita. Ngayon ay magkaiba na ang antas natin sa buhay. Hindi na ako galit sa iyo, Dave, dahil sa panloloko mo sa akin. Dahil kung hindi mo iyon ginawa ay hindi ko makikita ang lalaking tunay na nakalaan para sa akin at si Hamed iyon. Hiling ko ay makita mo na rin ang ligaya na hinahanap mo sa piling ni Cindy. Sige na at bumalik na kayo sa trabaho. Huwag kang mag-alala at hindi ako magiging malupit sa iyo o kay Cindy,” saad naman ni Grace.

Hindi makapaniwala si Dave sa malaking pagbabago sa buhay ni Grace. Dahil hindi niya kayang sumailalalim sa pamumuno ni Grace ay nagbitiw sa trabaho itong si Dave. Nahirapan siyang makahanap muli ng bago kaya si Cindy muna ang gumagastos para sa kanilang dalawa. Ngunit kalaunan ay nagsawa na rin si Cindy dahil sa tingin niya ay wala siyang magandang hinaharap sa piling ni Dave at bandang huli ay naghiwalay rin ang dalawa.

Naging miserable ang buhay ni Dave samantalang si Grace naman ay naging maganda ang buhay sa piling ng asawa niyang si Prinsipe Hamed.

Advertisement